Ano ang dapat gawin sa seafood allergy?
Maaaring isa sa iyong food allergy ang seafood allergy. Kung makaranas ka ng mga senyales tulad ng pangangati ng leeg o mapulang pamamantal sa iyong katawan habang kumakain ng seafood, tumigil agad at maghanap ng pinakamalapit na pagamutan upang makahingi ng tulong bago ito lumala.
Ano ang seafood allergy?
Nangyayari ang seafood allergy kapag nagkaroon ng abnormal na reaksyon ang immune system sa mga protina ng ilang uri ng seafood. Kabilang sa kondisyong ito ang iba’t ibang uri, halimbawa, allergy sa hipon, isda, alimango/alimasag, pusit, at talaba. Minsan, nagiging banta sa buhay ang mga sintomas ng seafood allergy kaya’t kailangan ng agarang medikal na tulong.
Dapat Gawin sa Seafood Allergy: Gaano kadalas mangyari ang seafood allergy?
Isa ang seafood allergy sa pinakakaraniwang food allergens. Isa rin ito sa nakadaragdag sa mataas na bilang ng mga naisusugod sa emergency hospital. Makipag-usap sa iyong doktor para sa karagdagang impormasyon kung sa palagay mo ay mayroon kang seafood allergy.
Dapat Gawin sa Seafood Allergy: Ano ang mga senyales at sintomas ng seafood allergy?
Ang mga taong may seafood allergy ay madalas na magkaroon ng mga sumusunod na sintomas:
- Pamamantal, pangangati o eczema (atopic dermatitis)
- Pamamaga ng labi, mukha, dila, at lalamunan o iba pang bahagi ng katawan
- Paghingal, baradong ilong, o kahirapan sa paghinga
- Pananakit ng tiyan, pagtatae, pagduduwal, o pagsusuka
- Pagkahilo, panghihina
- Pakiramdam na may tumutusok sa bibig
Maaaring magdulot ang mga allergy ng seryoso at reaksyon na tinatawag na anaphylaxis. Ang kondisyong ito ay nangangailangan ng agarang medikal na atensyon at gamutan gamit ang injection ng epinephrine.
Mga senyales at sintomas ng seafood allergy anaphylaxis:
Ang pamamaga ng lalamunan o pagsikip ng lalamunan ay nagdudulot ng hirap sa paghinga
- Shock na may kasamang matinding pagbagsak ng blood pressure
- Mabilis na pulso
- Pakiramdam na umiikot ang paligid, pagkahilo at pagkawala ng malay
Maaari kang makaranas ng mga sintomas na hindi nabanggit dito. Kung may tanong ka sa alinman sa mga sintomas, kumonsulta sa doktor.
Kailan dapat magpunta sa doktor?
Magpunta sa doktor o allergist kung mayroon kang mga sintomas ng food allergy matapos kumain. Humingi ng emergency treatment kung magkaroon ka ng mga senyales at sintomas ng anaphylaxis.
Ano ang nagdudulot ng seafood allergy?
Lahat ng allergy sa pagkain ay dulot ng overreaction ng ating resistensya. Tinatrato ng resistensya ang isang protina mula sa seafood (kabilang ang shellfish o mollusks) na lubhang nakapipinsala, na nauuwi sa produksyon ng antibodies laban sa protinang nabanggit (allergen). Sa susunod na ma-expose ka sa mga allergen, maglalabas ang iyong immune system ng histamine at iba pang kemikal na nagdudulot ng mga sintomas ng allergy.
Anong mga salik ang nagpapataas ng panganib ng seafood allergy?
Nasa panganib ka ng pagkakaroon ng seafood allergy kung isa sa inyong pamilya ang mayroon nito. Dagdag pa, bagaman maaaring lumitaw ang allergy anumang edad, mas karaniwan ito sa nasa hustong gulang, lalo na sa mga babae. Sa mga bata, mas karaniwan ang seafood allergy sa mga lalaki.
Dapat Gawin sa Seafood Allergy: Diagnosis at Treatment
Ang impormasyong ibinibigay ay hindi pamalit sa payo ng medical professional. Palaging kumonsulta sa doktor.
Anong medical technique ang ginagamit upang ma-diagnose ang seafood allergy?
Karaniwang kasama sa pag-dioagnose ng seafood allergy ang:
- Pisikal na pagsusuri kasama ang mga tanong na may kinalaman sa mga sintomas nito upang masiyasat ang iba pang problema.
- Skin test
- Blood test upang masukat ang tiyak na IgE antibodies
Anong dapat kong gawin kung mayroon akong seafood allergy?
Ang tanging paraan upang maiwasan ang allergic reaction sa shellfish ay iwasang kumain ng seafood, kabilang na ang mga may shell o mollusk. Gayunpaman, kahit gaano mo pa subukang umiwas, puwede ka pa ring makakain ng seafood.
Maaaring payuhan ka ng doktor na gamutin ang sarili kapag may mild allergic reaction sa seafood gamit ang mga antihistamine upang mabawasan ang mga senyales at sintomas tulad ng pantal at pangangati.
Kung mayroon kang matinding allergic reaction sa shellfish (anaphylaxis), maaaring mangailangan ka ng emergency injection ng epinephrine (adrenaline).
Anong mga lifestyle habit ang makatutulong upang makaiwas sa seafood allergy?
Ang mga sumusunod na lifestyle at home remedies ay makakatulong upang maiwasan ang allergy sa shellfish:
- Saliksikin mong mabuti ang mga sangkap bago kumain sa restaurant.
- Iwasang kumain sa seafood restaurant o mamili sa palengke ng mga isda. May mga taong nagkakaroon ng reaction kahit makalanghap lang sila ng usok mula sa nilulutong shellfish. Puwede ring mangyari ang cross-contamination sa mga gusaling naghahanda ng pagkain.
- Basahing mabuti ang mga food label. Required ang mga kompanyang ilagay nang malinaw na may seafood ang kanilang produktong pagkain. Gayunpaman, hindi sila required na ilagay sa label kung ang kanilang produkto ay may mollusks, tulad ng scallops at talaba.
- Maging maingat sa mga pagkaing mayroong hindi malinaw na mga sangkap gaya ng “Seafood flavor” o “fish origin”
- Ipaalam sa lahat na may allergy ka sa seafood. Sa pagsakay sa eroplano, kapag naghain ng pagkain, tanungin ang flight attendant kung may fish o shellfish sa mga pagkaing inihanda.
- Kausapin ang iyong boss o ang paaralan ng iyong anak at tagapag-alaga tungkol sa mga allergy.
- Ipaalala sa nag-iimbita sa iyo sa party na may mga allergy ka sa pagkain.
Kung may mga tanong ka pa, kumonsulta sa doktor upang makakuha ng pinakamabuting suportang gamutan.
Matuto pa tungkol sa iba pang tips sa masustansyang pagkain dito.
[embed-health-tool-bmr]