Ang ubas ay ilan sa pinakakilala at paboritong prutas sa buong mundo. Bukod sa madali itong kainin, mataas din ang ubas sa phytochemicals. Nakatutulong ito sa pagpapababa ng panganib ng chronic diseases kabilang na ang ilang uri ng cancer at mga sakit sa puso. Ano ang iba pang mga benepisyo ng ubas?
Marami itong kulay. Mula sa pula, berde, at sa kulay na pamilyar tayong lahat – purple. Bukod dyan, available din ang ubas sa mga sumusunod:
- Wine
- Pasas
- Jam/jelly
- Juice
5 Benepisyo ng Ubas sa Kalusugan
Diretso mang kainin, bilang inumin, o pandagdag sa paborito ninyong panghimagas, higit pa sa naiisip mo ang mga benepisyo ng ubas.
Nakapagpapabuti ng Kalusugan ng Puso ang Ubas
Nasa unahan ng ating listahan ng mga benepisyo ng ubas ang palagi nating naririnig sa mga tao. Sinasabi nilang ang pag-inom ng wine ay maganda sa puso, ngunit ano ang paliwanag sa likod nito?
Gaya ng nabanggit na, taglay ng mga ubas ang makapangyarihang phytochemicals, partikular ang resveratrol, na nakatutulong sa pagpapabuti ng kalusugan ng puso.
Ayon sa ilang mga pag-aaral, nagbibigay ang pag-inom ng red o purple juices at/o wine ng ilang benepisyo sa kalusugan ng puso, kabilang na ang:
- pagpapababa ng tsansang magkaroon ng pamumuo ng dugo
- pagpapababa ng low-density lipoprotein (LDL o bad cholesterol)
- makaiwas sa pinsala sa mga blood vessel ng puso
- pagpapanatili ng malusog na blood pressure
Dagdag pa, natuklasan sa pitong taong multiethnic na pag-aaral sa 3,300 middle-aged na babae na ang moderate na pag-inom ng wine ay nagresulta sa malaking pagbaba ng inflammation. Kumpara ito sa mga babaeng kaunti lamang o hindi uminom ng wine.
Gayunpaman, mahalagang tandaan palagi na uminom lamang nang tama at sapat na dami.
Maaaring Makatulong ang Ubas upang Makaiwas sa Cancer
Hindi lamang para sa may gusto sa matatamis ang ubas. Higit na mahalaga, para din ito sa mga nais ng mapagkukunan ng antioxidants.
Ang ubas, na mataas sa antioxidants, ay maaaring makatulong sa paglaban sa mga free radical. Ang mga free radical ay mga substance na maaaring makasama sa mga cell at magdulot ng cancer.
Kabilang sa makapangyarihang antioxidants na mayroon ang mga ubas ay:
- Phenolic acids
- Stilbenes
- Anthocyanins
- Proanthocyanidins
- Catechins
- Quercetins
Ang resveratrol ay isa ring antioxidant na responsable sa pagprotekta laban sa cancer. Gumagana ito sa pamamagitan ng pagbawas sa inflammation na maaaring magdulot ng paglaki o pagtubo ng cancer cells.
Lahat ng mga antioxidant na ito ay sama-samang gumagana nang mabuti upang maiwasan ang mga kondisyong tulad ng cancer.
Maganda rin ang Ubas para sa Resistensya at Buto
Isa pa sa listahan ng mga benepisyo ng ubas ay siksik ito sa bitamina na makatutulong sa immune system at skeletal system.
Makatas na prutas ang ubas na mataas sa mga sumusunod na vitamins at minerals:
- Vitamin C
- Vitamin K
- Calcium
- Magnesium
- Potassium
- Fiber
Nagtutulong-tulong ang mga sustansyang ito upang magbigay ng lakas sa mga tao sa buong araw.
Maaaring tumulong ang Vitamin C sa paglaban sa bacterial at viral infections tulad ng yeast infections. Dagdag pa, kabilang din ito sa iba pang mga proseso tulad ng:
- Biosynthesis ng collagen, l-carnitine, at iba pang partikular na neurotransmitters
- Protein metabolism
- Pagpapagaling ng sugat
Samantala, ang vitamin K, calcium, magnesium, at potassium ang bahala sa pagpapanatili ng kalusugan ng buto.
Nagbibigay ng Proteksyon ang Ubas Laban sa Diabetes
Kabilang ang ubas sa listahan ng mga prutas na may low glycemic index, na lalo nakatutulong para sa mga taong may diabetes. Ang pagkain ng ubas ay nakatutulong upang maiwasan ang biglang pagtaas ng blood sugar, na makatutulong din kalaunan sa pagkontrol ng kondisyong ito.
Dagdag pa, sinabi ng mga pag-aaral na ang sustansya mula sa mga ubas ay hindi lamang nakapagpapababa ng blood sugar level, nakapagpapataas din ito ng insulin sensitivity. Ang pangunahing component nito, ang resveratrol, ay nagdadagdag din ng bilang ng glucose receptors sa mga cell membrane. Kaya naman, natutulungan nito ang katawan sa paggamit ng glucose.
Tumutulong ang Ubas sa Pagpapanatili at Pagpapabuti ng Kalusugan ng Utak
Muli, lahat ng ito ay tumutuon sa kamangha-mangha at napakaraming benepisyo sa kalusugan ng resveratrol kaya’t nakatutulong ang ubas sa pagpapabuti ng kalusugan ng utak.
Sa isang 12-week study ay nakita na ang mga matatandang kumonsumo ng 250 mg kada araw ng supplement na gawa sa ubas ay nagresulta sa malaking pagtaas ng marka nila sa cognitive test.
Bukod dyan, nakatulong ang nabanggit na antioxidant sa pagpapababa ng oxidative stress, na natuklasang maganda sa utak.
Key Takeaways
Sa kabuoan, patuloy ang pagtuklas sa mga benepisyo ng ubas habang patuloy rin ang mga mananaliksik sa paghahanap ng paraan kung paano makatutulong ang resveratrol sa maraming proseso at function ng katawan ng tao.
Kaya’t kumain ng maraming ubas hangga’t gusto mo upang magkaroon ng mas masaya at malusog na pamumuhay. Ngunit tandaang kumain din ng ibang prutas at gulay upang magkaroon ng iba’t ibang pagkain sa iyong diet.
Matuto pa tungkol sa healthy eating dito.
[embed-health-tool-bmr]