Samu’t saring mga air fryer ang nagsisilabasan, mapa Shopee man o Lazada. Maski ang iyong kaibigan ay ineeenganyo ka na ring bumili nito dahil napapadali raw nito ang iyong pagluluto. Higit pa rito, hindi raw ito nangangailangan ng labis na mantika. Kung kaya, patok talaga ito sa karamihan. Ngunit, mas healthy ba ang air fryer kumpara sa nakasanayan na nating pag-deep fry ng mga ulam? Ating alamin ang eksplanasyon sa paggamit ng mga air fryers sa artikulong ito.
Habang patuloy ang pagtahak natin sa makabagong panahon na ito, patuloy din ang paglaganap ng iba’t ibang mga imbensyon na maaaring makatulong sa ating pangaraw-araw. Ngayon, hindi lang ito para mapadali ang ating buhay; isinasaalang-alang na rin ang pagimbento ng mga produkto na makatutulong sa aspetong pangkalusugan.
Ano Ang Air Fryer At Paano Ito Gumagana?
Maaaring napukaw ang iyong atensyon nang mabasa mo ang mga katagang air fryer, na mistulang pumupukaw ng interest ng karamihan ngayon. Bago natin sagutin ang tanong kung mas healthy ba ang air fryer, ano nga ba ito?
Ang air fryer ay tumutukoy sa isang pangkusinang kagamitan na maaaring gamitin sa pagprito ng iba’t ibang mga bagay. Kabilang ang manok, karne, isda, maging ang French fries sa maaari mong ilagay sa loob nito.
Gumagana ito sa pamamagitan ng pagpapaikot ng mainit na hangin sa paligid ng pagkain upang maging malutong ang ipiniprito.
Ito rin ay nagreresukta sa isang kemikal na reaksyon na tinatawag na Maillard reaction. Ito ay nangyayari kapag ang isang amino acid at isang reducing sugar ay tumutugon sa pagkakaroon ng init at humahantong sa mga pagbabago sa kulay at lasa ng mga pagkain.
Mas Healthy Ba Ang Air Fryer? Paano Ito Naiiba Sa Deep Frying?
Ngayong alam na natin kung ano ang mga air fryer at paano it gumagana, atin namang sagutin ang katanungang ng lahat — mas healthy ba ang air fryer kumpara sa deep frying?
Ang deep-fat frying ay tumutukoy sa proseso ng pagpapatuyo at pagluluto gamit ang mainit na mantika. Kadalasan, ganito iniluluto ang mga paborito mong meryenda tulad ng mga sumusunod:
- French fries
- Potato chips
- Corn chips
- Tortilla chips
- Fried noodles
- Donuts
Kung iisipin, ang mga deep-fried foods tulad ng nabanggit ay karaniwang mas mataas ang fat content kaysa sa mga pagkaing inihanda sa ibang paraan ng pagluluto. Halimbawa, ang prinitong chicken breast ay naglalaman ng mas maraming taba kumpara sa inihaw na manok.