Ikaw ba ay mahilig sa mga prutas? Minsan ba ay iniisip mo kung anong bitamina ang nakukuha mo rito? Sa bawat kinakain natin na prutas ay may nakukuha tayong mga bitamina. Ito ay nakatutulong upang mapanatiling malusog ang ating katawan.Isa sa mga bitamina na nakukuha natin sa mga prutas ay vitamin E. Ito ay nakatutulong sa pagprotekta ng ating mga cells. Ngunit ang tanong, alam ba natin kung anong prutas ang may vitamin E?
Vitamin E
Ang vitamin E ay may benepisyong dulot para sa paningin, reproduction, dugo, utak at balat ng isang tao. Ito ay naglalaman ng antioxidants na nagpoprotekta sa mga cell upang hindi masira sanhi ng pagkaka-expose sa free radicals na dulot ng mga kemikal tulad ng sa usok ng sigarilyo at radiation.
Malaki ang naibibigay na benepisyo ng vitamin E sa ating katawan kaya nararapat lamang na alamin kung, anong prutas ang may vitamin E?
Mga Prutas na may Vitamin E
1. Kiwi
Isa ang kiwi sa mga prutas na naglalaman ng iba’t ibang vitamin at minerals. Bukod sa vitamin E, mayaman din ang prutas na ito sa vitamin C, fiber at potassium.Kung ikukumpara ang Kiwi sa iba pang mga prutas, mataas ang vitamin E nito na naglalaman ng 1.40 hanggang 1.46 mg kada 100 g.
2. Hazelnuts
Naririnig natin madalas ang hazelnuts sa mga flavor ng pagkain tulad ng sorbetes o tsokolate, gayunpaman hindi lamang ito basta flavor sapagkat nagbibigay rin ito ng mga vitamin.
Madalas din natin nakakain ang hazelnuts dahil idinaragdag ito sa mga cookies, tsokolate, keyk at pie. Bukod sa makakakuha ng vitamin E, mayroon din itong protina, vitamin A, at vitamin C.
3. Almond
Sa 22 piraso ng almond nuts, katumbas kaagad nito ay 7mg vitamin E. Bukod rito, may ilang mga pag-aaral din na nagsasabing maraming benepisyo ito sa ating kalusugan tulad ng pagbabawas nito ng tyansa sa labis na katabaan at sakit sa puso. Naglalaman din ito ng protina, fiber, potassium at magnesium.
4. Avocado
Maraming maaaring gawin sa avocado bago ito kainin. Ito ay ginagawang shake, sorbetes o hindi kaya ay hinahaluan lamang ito ng gatas at yelo.
Bukod sa masarap ang avocado ito ay mayaman din sa mga nutrisyong kailangan ng ating katawan tulad ng potassium, omega-3s, vitamin C at K. Katunayan, kalahati ng avocado ay naglalaman na kaagad ng 20 porsyento ng vitamin E na kailangan ng ating katawan. Isa ito sa mga prutas na may mataas ang nabibigay na vitamin E.
5. Kamatis
Ang kamatis ay palagi natin nakikita sa ating kusina sapagkat ito ay madalas na inihahalo sa mga nilulutong ulam sa bahay.
Napagkakamalan din itong gulay bagamat ito ay nasa klasipikasyon ng mga prutas na nagbibigay rin ng vitamin E. Bukod sa vitamin E, mayaman din ito sa vitamin C at potassium.
6. Papaya
Naglalaman ang papaya ng mataas na antioxidants na vitamin A, vitamin C at vitamin E. Nakakatulong ito upang mabawasan ang panganib na dulot ng sakit sa puso. Dagdag pa rito, mayaman din ang prutas na ito sa fiber na nakakatulong din upang mabawasan ang panganib sa sakit ng puso.
Mayroon din itong dalawang enzyme; papain at chymopapain. Ang dalawang ito ay nagtutunaw ng protina na nakakatulong sa pagtutunaw ng mga kinakain at upang makaiwas sa mga pamamaga.
7. Blackberry
Mayaman ang prutas na ito sa vitamin C, vitamin E, vitamin K, calcium, at manganese.
Nakatutulong din itong mas mapabuti ang pagtutunaw ng mga kinakain sapagkat naglalaman din ito ng fiber. Napagagaan nito ang pagdumi upang maging regular at mapanatiling malusog ang colon.
Ang mga prutas na nabanggit ay ilan lamang sa nakapagbibigay ng vitamin E sa atin. Tandaan din na mahalagang inaalam natin ang mga makukuha natin na benepisyo sa mga kinakain natin hindi lamang sa mga prutas.
Matuto pa tungkol sa Masustansiyangn Pagkain dito.
[embed-health-tool-bmi]