Marami ang nagtatanong kung ano ang goiter, lalo’t ang bawat tao ay nagtataglay ng thyroid. Kung saan ang gland nito ay hugis butterfly na matatagpuan sa ibabang bahagi ng ating leeg o sa ilalim ng Adam’s apple. Sa oras na ang ating thyroid gland ay lumaki at namaga, maaari itong mauwi sa goiter. Dagdag pa rito, ayon sa Philippine Thyroid Association, marami ang mga Pilipino na nagkakaroon ng goiter kumpara sa mga indibidwal na nagkaka-diabetes.
Maaaring magka-goiter ang isang tao kapag hindi sapat ang iodine na nakukuha ng ating katawan mula sa mga pagkain na kinokonsumo. Madalas din ang mga kababaihan at mga buntis at mga batang nasa 6-12 taong gulang ang nagkakaroon ng goiter.
Basahin ang artikulong ito para magkaroon ng awareness tungkol sa kung ano ang goiter at paano ba ito ginagamot.
Ano Ang Goiter?
Ano ang goiter? Ang goiter ay tinatawag ding bosyo kung saan maaari kang magkaroon nito sa pamamagitan ng paglaki ng iyong thyroid gland. Isa ang thyroid sa mahalagang bahagi ng ating katawan na may kinalaman sa’ting metabolism na lumilikha ng enerhiya mula sa mga pagkain na ating kinokonsumo.
Sa madaling sabi, kapag ang isang tao ay nagkaroon ng problema sa kanyang thyroid pwedeng maapektuhan ang kanyang digestion, puso, paghinga, at emosyon. Ngunit kung ito ay maagapan maaaring magamot ang bosyo sa pamamagitan ng pag-take ng medikasyon. Subalit kung ito ay malubha na pwedeng tanggalin ang bukol sa isang operasyon.













