Sa panahon ngayon, parami nang parami ang mga taong na-i-i-stress. Lalo na sa mga millennial na tila nakararanas ng maraming stress kaysa sa ibang mga henerasyon. At ito ay may epekto sa kanilang kalusugan. Ang stress sa trabaho at kalusugan ng puso ay isa sa mga pinakakilalang halimbawa kung paano nakakaapekto ang stress sa kalusugan ng isang tao.
Ngunit bago tayo makarating doon, pag-usapan natin kung ano ang stress sa trabaho.
Ano ang Stress sa Trabaho?
Ang stress sa trabaho ay tila medyo prangka. Kilala rin bilang stress na may kaugnayan sa trabaho, ang stress sa trabaho ay sanhi ng trabaho ng isang tao. Ngunit ito ay may mas malalim pa na mga sanhi.
Ang mga kadahilanan tulad ng suweldo ng isang tao, oras ng trabaho, kanilang mga katrabaho, kanilang amo, ay maaaring magdulot ng stress sa trabaho. Narito ang ilan pang mga bagay na maaaring magdulot ng stress sa trabaho:
- Maaaring magdulot ng maraming stress sa trabaho ang pressure sa mismong lugar ng trabaho
- Nagpapataas ng stress ng isang tao sa trabaho ang kakulangan ng suporta mula sa mga nakatataas o mula sa mga katrabaho
- Posible rin na sanhi ng stress sa trabaho ang masamang pamamahala, o ang hindi pakikinig ng namamahala sa mga pangangailangan ng kanilang mga manggagawa
- Ang pakiramdam na natigil sa isang dead-end na trabaho ay maaari ding maging sanhi ng stress
Lahat ng mga salik na ito ay nag-aambag sa isang mataas na lebel ng stress sa lugar ng trabaho. Ang mga manggagawa na kadalasang nakararanas ng mga bagay na ito ay mas na-i-i-stress at nahihirapang gawin ang kanilang trabaho nang maayos.
Higit pa rito, ang stress ay maaaring magdulot ng maraming strain sa katawan. Maaari pa itong magdulot ng malubhang karamdaman kung babalewalain ang mga sintomas.
Ano ang koneksyon sa pagitan ng stress sa trabaho at kalusugan ng puso?
Kung nababalisa ka na, maaaring maramdaman mo ang ilang pagbabago sa iyong katawan. Ang iyong puso ay nagsisimulang tumibok nang mas mabilis, at nagsisimula kang makaramdam ng tensyon. Ang iyong katawan ay tumutugon sa parehong paraan kapag ikaw ay nasa ilalim ng maraming stress. Biologically speaking, ito ang ating “fight o flight” na tugon sa panahon ng isang nakababahalang sitwasyon.
Ito ay maaaring maging kapaki-pakinabang kung ikaw ay isang caveman na sumusubok na malampasan ang mga mandaragit, ngunit sa panahon ngayon, ito ay sanhi ng iba’t ibang nakaka-stress na sitwasyon, tulad ng trapiko, o stress sa lugar ng trabaho.
Ang mga epekto ng stress sa iyong puso ay maaaring hindi kapansin-pansin sa simula. Ngunit kung palagi kang nasa ilalim ng stress araw-araw, kung gayon ang stress ay maaaring magkaroon ng malaking epekto sa iyong kalusugan.
Ang stress ay maaari ring makaapekto sa iyong puso nang hindi direkta. Karamihan sa mga tao ay madalas na kumain nang labis, o uminom, o manigarilyo upang makayanan ang stress. Ang mga gawi na ito ay maaaring magdulot ng malaking panganib sa kalusugan ng iyong puso. Ito ang dahilan kung bakit napakahalagang alamin kung gaano kalaki ang epekto ng stress sa trabaho sa iyong puso.
Para sa mga millennial, ang stress ay maaaring maging dahilan upang gawin nila ang mga masamang gawi na ito sa mas batang edad. Nangangahulugan ito na kapag sila ay tumanda, sisimulan nilang madama ang mga negatibong epekto ng mga gawi na ito sa kanilang puso.
Ang stress ay mayroon ding epekto sa iyong kalusugang pangkaisipan
Bukod sa kalusugan ng iyong puso, ang stress sa trabaho ay maaari ding magkaroon ng epekto sa iyong kalusugang pangkaisipan. Ang pagkakaroon ng stress sa trabaho ay maaaring humantong sa mga problema sa kalusugan ng isip tulad ng depresyon at burnout.
Ang mga problema sa kalusugang pangkaisipan ay maaari ring makaapekto sa paraan ng iyong pagtatrabaho, at maaaring maging sanhi ng iyong hindi magandang pagganap o hindi magawa nang maayos ang iyong trabaho. Kapag nangyari iyon, mas lalo kang nakararamdam ng stress, na higit na nakaaapekto sa iyong kalusugang pangkaisipan.
Ang mga problema sa kalusugan ng isip ay nakaaapekto rin sa iyong pangkalahatang kalusugan. Bukod sa pagbuo ng mga hindi malusog na mekanismo ng pagkaya, ang iyong katawan ay maaaring magsimulang makaramdam ng mga pisikal na sintomas sa paglipas ng panahon. Narito ang ilan sa mga pisikal na sintomas ng mga problema sa kalusugan ng isip:
- Hirap sa pagtulog
- Chronic pain
- Sakit sa tiyan
- Constipation
- Kakulangan ng enerhiya
- Mga pagbabago sa iyong gana
- Mababang sex drive
Ganito kalaki ang epekto ng stress sa iyong kalusugan. Maaaring hindi ito makita nang maaga, ngunit tiyak na mapapansin mo ang mga epekto habang lumalala ang iyong stress. Ito ang dahilan kung bakit mahalagang gumawa ng mga hakbang na makatutulong upang mapababa ang lebel ng iyong stress.
Paano Mo Mababawasan ang Stress?
Narito ang ilang kapaki-pakinabang na tip pagdating sa pagbabawas ng stress sa trabaho.
Kumain ng Tama
Ang pagkain na iyong kinakain ay maaaring magkaroon ng malaking epekto hindi lamang sa iyong kalusugan, kundi sa iyong kapakanan din. Ang pagkain ng masusustansyang pagkain ay nagpapagaan at nagpapalusog sa iyong pakiramdam, at makatutulong upang makayanan ang stress araw-araw. Subukang kumain ng mas maraming prutas at gulay at mas kaunting mga processed food.
Mag-ehersisyo
Ang pag-eehersisyo ay hindi lamang pinapanatili ang iyong katawan na malakas at malusog, ngunit nakatutulong din ito sa pag-regulate ng iyong mood at hindi ka gaanong ma-stress. Ang ehersisyo ay tumutulong din sa iyo na makatulog nang mas mahusay sa gabi. Sa katunayan, kailangan mong magkaroon ng hindi bababa sa 30 minuto ng ehersisyo bawat araw.
Matulog ng hindi bababa sa 8 oras
Kailangan mong makakuha ng hindi bababa sa 8 oras ng walang patid na pagtulog sa gabi. Nakatutulong ito sa iyong isip at katawan na makapagpahinga, at inihahanda ka para sa susunod na araw. Bukod pa rito, ang pag-idlip ng 20 hanggang 30 minuto sa hapon ay makatutulong din sa iyong makatulog nang mas maayos at makayanan ang stress.
Magpahinga
Ang patuloy na pagtatrabaho ay maaaring magdulot ng strain sa iyong isip, at humantong sa stress. Magkaroon lamang ng 5 hanggang 10 minutong pahinga para sa bawat oras na ikaw ay nagtatrabaho. Nakatutulong ito na panatilihing gumagana ang iyong utak sa pinakamahusay na paraan, at nakatutulong na maiwasan ang pagiging sobrang trabaho.
Magkaroon isang libangan
Ang pagkakaroon ng libangan, tulad ng pagpipinta o pagtugtog ng instrumentong pangmusika, ay isang mahusay na paraan upang mapawi ang stress. Ito ay isang bagay na magpapanatiling abala sa iyo, at isang bagay na nagpapanatili ng iyong pokus at nag-aayos ng iyong mood.
Iwasan ang pagkakaroon ng mga gawi tulad ng paninigarilyo o pag-inom
Ang paninigarilyo at pag-inom ay karaniwang mga mekanismo upang makayanan ang stress sa trabaho, lalo na para sa mga millennial. Ngunit ang katotohanan ay hindi ito nakatutulong at maaari pang magdulot ng higit pang stress sa katagalan.
Magpamasahe
Nagdudulot din ng pananakit ng katawan ang stress. Kaya ang pagpapamasahe ay makatutulong upang makapagpahinga at mapawi ang pagod sa iyong mga kalamnan.
Magnilay
Ang pagmumuni-muni at pagninilay-nilay ay nakatutulong upang malaman kung ano ang kailangan mong gawin sa kasalukuyan. Nakatutulong ito na alisin ang anumang gambala o negatibong kaisipan na maaaring magdulot sa iyo ng stress.
Makipag-usap sa isang therapist
Panghuli, kung sa tingin mo ay sobra na ang stress sa trabaho na iyong nararanasan, huwag mag-atubiling humingi ng propesyonal na tulong. Ang pakikipag-usap sa isang therapist ay maaaring makatulong sa iyo na bumuo ng malusog na mga mekanismo sa pagkaya, at nakatutulong din na ilagay ang mga bagay sa pananaw, upang hindi ka ma-stress sa trabaho.
Key Takeaways
Iyon ang dahilan kung bakit mahalagang huwag mag-overwork ang iyong sarili, at magpahinga nang madalas. Napakahalaga ng iyong kalusugan, at dapat palaging maging pangunahing prayoridad.
Makakahanap ka ng higit pang mga tip sa kalusugan ng puso, dito.