backup og meta

Secondhand Stress: Paano Ito Nangyayari, At Paano Mo Ito Maiiwasan?

Dumating ba sa punto ng buhay mo na noong nakita mong tumatawa ang iyong kaibigan ay natawa ka na rin?  May mga pagkakataon ka rin ba na noong naramdaman mong malungkot ang iyong magulang ay nalungkot ka na rin? Marahil ang sagot sa mga tanong na ito ay “oo” sapagkat totoo na nakakahawa ang mga emosyon ng tao — tulad sa kung paano nakakahawa ang stress.

Secondhand Stress: Paano Ito Nangyayari, At Paano Mo Ito Maiiwasan?

Ang pagiging malapit ng isang indibidwal sa mga taong negatibo o pessimist ay pwedeng maging dahilan ng kanilang pagkakaroon ng tensyon at stress, kahit nasa maayos naman ang kanilang kondisyon at pamumuhay.

Tinatawag na “secondhand stress” ang stress na nakuha mula sa pagiging malapit o exposed sa mga taong nahihirapan sa pagharap ng kanilang mga negatibong emosyon at problema sa buhay.

Para mas maintindihan mo kung ano ang secondhand stress basahin ang artikulong ito.

Ano Ang Secondhand Stress?

Ang secondhand stress ay kilala rin bilang empathetic stress, kung saan ito ang stress na maaaring maipasa o maihawa sa ibang tao. Maaaring makuha ng isang tao ang secondhand stress sa iyong mga nakakasalamuha, kakilala, katrabaho, kaibigan, at pamilya. 

Narito ang dalawang halimbawa ng senaryo sa kung paano nakakakuha ng secondhand stress ang isang tao:

  1. Nagpadala sa’yo ang iyong kaibigan ng mga screenshot na naglalaman ng pag-uusap nila ng kanyang boyfriend. Nakita mo na binabastos at nakikipag-break sa messenger ang boyfriend ng iyong kaibigan. Kaya naman nakaramdam ka rin ng galit tulad ng iyong kaibigan, at ang iyong galit ang naging stress response mo sa pangyayari.
  2. Madalas na nagbabahagi sa’yo ang iyong katrabaho ng kanyang mga problema sa buhay. Makikita rin sa’yong katrabaho ang bigat ng pasanin niya sa buhay na naging dahilan para maging negatibo siyang tao. Kaugnay nito, dahil lagi kayong magkasama nakaramdam ka na rin ng stress na bunga ng iyong pagkaawa sa kanyang sitwasyon.

Narito naman ang ilan sa mga palatandaan na nakakaranas ka ng secondhand stress:

  • Nakakaramdam ka ng stress pero hindi mo alam kung bakit o saan ito nagmumula
  • Nagiging negatibong tao ka na
  • Minamadali mo ang isang trabaho o gawain kahit hindi naman dapat
  • Pakiramdam na parang palaging pagod
  • Pagkakaroon ng brain fog at memory loss
  • Hindi ka makapag-isip ng mabuti
  • Pagkakaroon ng pakiramdam sama ng loob
  • Pagkakaroon ng random outburst
  • Pagkabigo sa pakikipagkomunikasyon
  • Pagiging disorganized o hindi organisado

Paano Nakakasama Sa Kalusugan Ang Secondhand Stress?

Kagaya ng secondhand smoke, masama rin para sa kalusugan ang secondhand stress dahil pwede nitong maapektuhan ang mga sumusunod:

  • Nervous system
  • Konsentrasyon
  • Motibasyon sa paggawa at pagkilos

Kaya mahalaga na matuto ka magtakda ng mga hangganan sa pakikinig at pagsama sa mga negatibong tao upang maiwasan ang mga masasamang epekto ng secondhand stress.

Mahalaga rin na magpakonsulta ka sa doktor para malaman mo ang pinakaugat at pinagmumulan ng iyong secondhand stress upang mas maharap mo nang maayos ang iyong kondisyon.

Paano Mo Maiiwasan Ang Secondhand Stress?

Narito ang ilang mga tip sa kung paano maiiwasan ito:

1. Alamin Kung Ano o Sino Ang Maaring Pagmulan Ng Stress

Sa oras na matukoy mo ang pinagmumulan ng iyong stress subukan mong unawain ang kabuuang konteksto ng mga nangyayari imbes na ma-stress ka. Maganda kung matutunan mong i-manage at hiwalay ang iyong pag-iisip at nararamdaman sa kanilang problema para mas makatulong ka rin sa pagresolba o pagpapagaan ng damdamin.

2. Panghihikayat Sa Positibong Pag-Uusap

Kapag napansin mo na sobra na ang nagiging talakayan sa mga negatibong bagay, at masyado ka ng nakakaramdam ng pagkapagod dahil sa mga negatibong emosyon, maganda kung hihikayatin mo sila sa isang positibo at masayang pag-uusap. Malaki ang maitutulong nito para mapagaan ang mood ng bawat isa at mabawasan ang negativity na nararamdaman.

3. Pagpapahinga Sa Mga Taong Nagdudulot Sa’yo Ng Stress

Hindi masama na mamahinga o umiwas muna sa mga taong pinagmumulan ng iyong secondhand stress. Sapagkat, kinakailangan din kasi ng tao ang mag-recharge at makaramdam ng kapayapaan ng loob upang mas makapag-function sa kanilang buhay. 

4. Pagsama Sa Mga Positibong Tao

Isa sa mga mabisang paraan para makaiwas sa secondhand stress ay ang pagsama sa mga positibong tao. Malaki kasi ang maitutulong nila upang magkaroon ka ng magaan na pakiramdam at mas makatulong sa mga taong nangangailangan ng iyong tulong.

Kapag kasi magaan at payapa ang iyong kalooban mas nakakapag-isip ka at nagiging mas malinaw ang iyong mga kilos at pagdedesisyon.

Matuto pa tungkol sa Mabuting Pag-Iisip dito.

Disclaimer

Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

Make Yourself Immune to Secondhand Stress, https://hbr.org/2015/09/make-yourself-immune-to-secondhand-stress?utm_medium=social&utm_campaign=hbr&utm_source=facebook&tpcc=orgsocial_edit&fbclid=IwAR2fkhaZF8QuiqHth4Cbx6aTm3RfD04YZU3jnRN_DylWnag6ymP0h6LKLp0, Accessed September 6, 2022

What is secondhand stress? 5 signs you are suffering from it, https://timesofindia.indiatimes.com/life-style/health-fitness/de-stress/what-is-secondhand-stress-5-signs-you-are-suffering-from-it/photostory/74715307.cms, Accessed September 6, 2022

How to Cope with Secondhand Stress, https://hbr.org/2018/10/how-to-cope-with-secondhand-stress, Accessed September 6, 2022

Beware of Secondhand Stress, https://www.mentalhelp.net/blogs/beware-of-secondhand-stress/, Accessed September 6, 2022

13 Signs You Could Have Secondhand Stress, https://www.thehealthy.com/mental-health/stress/secondhand-stress-symptoms/, Accessed September 6, 2022

What Is Secondhand Stress and What You Can Do About It, https://www.shinesheets.com/what-is-secondhand-stress-what-you-should-do-about-it/, Accessed September 6, 2022

Kasalukuyang Version

02/25/2026

Isinulat ni Lornalyn Austria

Narebyung medikal ni Hello Doctor Medical Panel

In-update ni: Jan Alwyn Batara


Mga Kaugnay na Post

Sanhi at epekto ng stress sa kalusugan ng tao, alamin dito!

Sanhi Ng Stress Sa Trabaho: Anu-Ano Ang Mga Ito? Alamin Dito!


Narebyung medikal ni

Hello Doctor Medical Panel

General Practitioner


Isinulat ni Lornalyn Austria · a

ad iconPatalastas

Nakatulong ba ang artikulong ito?

ad iconPatalastas
ad iconPatalastas