backup og meta

Pagkagat Ng Kuko o Nail Biting, Paano Nga Ba Mapipigilan?

Pagkagat Ng Kuko o Nail Biting, Paano Nga Ba Mapipigilan?

Madalas mo bang kinakagat ang iyong mga kuko kung ikaw ay nababahala o stressed? Nababahala ka ba sa mga potensyal na salik sa kalusugan na maaaring maging sanhi nito? Sa artikulong ito, alamin kung paano pigilan ang pagkagat ng kuko.

Pagkagat Ng Kuko

Ang pagkagat ng kuko ay hindi laging sanhi ng alalahanin. Sa katunayan, para sa maraming tao, ito ay paminsan-minsan lamang nilang ginagawa. Gayunpaman, kung ang pagkagat ng kuko ay nagiging pangmatagalang pag-uugali na nagiging sanhi ng pisikal o mental na stress, maaaring kailanganin na ang medikal na atensyon.

Ang hindi makontrol na pagkagat ng kuko, na tinatawag ding onychophagia o pagkagat ng kuko, ay maaaring makasira ng kuko at sa mga tissue na nakapaligid dito. Ayon sa Diagnostic and Statistical Manual of Mental Disorder (DSM-5), ito ay kabilang sa “Other Specified Obsessive-Compulsive and Related Disorder,” partikular na isang “paulit-ulit na gawing nakatuon sa katawan.”

Kadalasang walang pinipiling kagatin na kuko ang mga taong may onychophagia. Karamihan sa kanila ay alam ang problemang ito; gayunpaman, hindi nila kusang matigil ang ganitong pag-uugali.

Triggers Sa Pagkagat Ng Kuko

Upang malaman kung paano pigilan ang pagkagat ng kuko, kailangan muna nating unawain kung bakit ito nangyayari.

Ang tiyak na sanhi ng onychophagia ay hindi pa natutuklasan,subalit, hinihinala ng mga scientist na may kaugnayan ito sa genes. Ang mga batang may mga magulang na kinakagat din ang kanilang mga sariling kuko ay maaari ding makagawian ang ugaling ito.

Isa pang posibleng sanhi nito ay ang stress. Para sa ilang mga tao, nakararamdam sila ng kaginhawaan kung kinakagat nila ang kanilang kuko. Ito ay dahil nakapagbibigay ito ng mahinahong pakiramdam kaya ginagawa nila ito kung sila ay balisa o stress.

Natuklasan din ng mga mananaliksik na kinakagat ng ilang mga tao ang kanilang mga kuko kung humaharap sa mahirap na problema o kung sila ay walang magawa. Dagdag pa, ang nakausling kuko o hindi perpektong kuko ay maaaring magtulak sa tao na ayusin ito sa pamamaraan ng pagkagat sa mga ito.

Bilang huli, ang mga taong nakakaranas ng mga sumusunod na alalahanin sa kalusugang pangkaisipan ay maaaring humantong sa pagkagat ng kuko:

  • Attention deficit hyperactivity disorder (ADHD)
  • Separation anxiety
  • Oppositional defiant disorder; isang kondisyon kung saan ang tao ay hindi sumusunod sa mga taong nasa awtoridad
  • Ibang uri ng paulit-ulit na sakit na nakatuon sa katawan tulad ng pagsabunot sa buhok, pagkagat sa pisngi, at malubhang pagtuklap sa balat.

Mga Maaaring Panganib Ng Onychophagia

Ayon sa mga eksperto, ang pangmatagalang ugali ng pagkagat ng kuko ay hindi permanenteng nakakasama sa kuko hangga’t ang nail bed, o ang balat sa ilalim ng kuko, ay nananatiling buo. Gayunpaman, mahalaga pa ring tigilan ang pagkagat ng kuko upang mapigilan ang mga panganib sa kalusugan:

  • Pagkasira ng mga kuko
  • Pagkasira ng mga ipin
  • Mas mataas na tyansang magkaroon ng impeksyon sa balat kung ang balat na nakapaligid sa kuko ay patuloy na nasisira.
  • Posibleng pagkalat ng germs mula sa daliri papunta sa bibig
  • Mental distress, tulad ng pagkabalisa at impulsivity

Dagdag pa, maaaring magkaroon ng onychophagia dahil sa pagkakaroon ng sikolohikal na sakit (anxiety disorder, ADHD, etc.) na nangangailangan ng medikal na gamutan.

Paano Pigilan Ang Pagkagat Ng Kuko? Mga Gamutan

Maaaring makatulong ang tips mula sa American academy of Dermatology Association para sa mga taong nakakaranas ng paminsan-minsang pagkagat sa kuko:

  • Alamin ang mga posibleng mga sanhi ng pagkagat ng kuko at palitan ang pag-uugaling ito. Halimbawa, kung stress, subukang pisilin ang stress ball.
  • Regular na gupitan ang kuko, upang maiwasan ang tukso na kagatin ang mga ito.
  • Isaalang-alang ang paggamit ng nail polish na may mapait na lasa.
  • Isaalang-alang ang regular na pagpapalinis ng kuko upang magmukhang maging kaakit-akit ang kuko.

Kung ang isang tao ay nakararanas ng onychophagia, ang self-help tips na ito ay maaaring hindi sapat. Para sa malubha at hindi makontrol na pagkagat sa kuko, iminungkahi rin ng mga eksperto ang mga sumusunod:

1. Sumailalim Sa Therapy

Ang pagdalo sa therapy sessions ay maaaring makapagpalabas ng mga negatibong emosyon na may kaugnayan sa onychophagia. Dagdag pa, ang pakikipag-usap sa therapist o counselor ay maaaring ding makatulong upang maging mas malay sa mga sanhi ng pagkagat sa kuko.

2. Magkaroon Ng Support System

Sabihin sa iyong mga kaibigan ang layuning itigil ang pagkagat ng kuko. Kung nagkakaroon ng pagnanais na kagatin ang mga kuko, kausapin sila tungkol sa iyong nararamdaman.

3. Pagpapagamot Ng Problema Sa Kaisipan

Katulad ng nabanggit, ang pagkagat sa kuko ay maaaring senyales ng ibang problema sa kalusugang pangkaisipan. Sa ganitong mga kaso, maaaring kailanganing uminom ng mga gamot o dumalo ng therapy sessions upang makontrol ang kondisyon.

4. Pag-Aalaga Sa Sarili

Dahil karamihan sa mga kaso ng onychophagia ay sanhi ng ginhawang epekto nito sa pakiramdam ng isang taon, mahalagang magsagawa ng mga gawaing nakapagpaparelaks. Magkaroon ng masustansyang diet, regular na ehersisyo, at maaari ding isaalang-alang ang pagsusulat sa journal, meditation, at yoga.

Key Takeaways

Ang paminsan-minsang pagkagat ng kuko ay maaaring hindi maging sanhi ng pag-aalala. Ito ay maaaring makontrol sa pamamagitan ng ilang self-help tips. Gayunpaman, ang mga taong may onychophagia o malubha at hindi makontrol na pagkagat ng kuko ay maaaring mangailangan ng medikal na gamutan dahil sa ilang mga panganib nito sa kalusugan.
Kung ikaw o ang iyong mahal sa buhay ay nakararanas ng pangmatagalan at hindi makontrol na pagkagat ng kuko, kumonsulta sa doktor o propesyonal sa kalusugang pangkaisipan, lalo na kung ito ay nangyayari kasabay ng mental distress.

Matuto pa tungkol sa Stress Management dito.

Disclaimer

Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

Onychophagia (Nail Biting), https://www.psychologytoday.com/intl/conditions/onychophagia-nail-biting, Accessed December 2, 2020

HOW TO STOP BITING YOUR NAILS, https://www.aad.org/public/everyday-care/nail-care-secrets/basics/stop-biting-nails, Accessed December 2, 2020

Does nail biting cause any long-term nail damage? https://www.mayoclinic.org/healthy-lifestyle/adult-health/expert-answers/nail-biting/faq-20058548, Accessed December 2, 2020

Nail Biting; Etiology, Consequences and Management, https://www.ncbi.nlm.nih.gov/pmc/articles/PMC3556753/, Accessed December 2, 2020

Nail Biting: When Does It Go Too Far? https://health.clevelandclinic.org/nail-biting-when-does-it-go-too-far/, Accessed December 2, 2020

Can I Get Sick from Biting My Nails? https://www.cedars-sinai.org/blog/stop-nail-biting.html, Accessed December 2, 2020

Kasalukuyang Version

10/20/2022

Isinulat ni Niña Christina Lazaro-Zamora

Narebyung medikal ni Nicole Aliling, MD

In-update ni: Vincent Sales


Mga Kaugnay na Post

Ano ang Law of Attraction at Paano Ito Gumagana sa Kalusugan?

Nakatutulong Ba ang Scented Candles sa Pagrelax? Alamin Dito


Narebyung medikal ni

Nicole Aliling, MD

Neurology · Centre Médicale Internationale


Isinulat ni Niña Christina Lazaro-Zamora · a

ad iconadvertisement

Nakatulong ba ang artikulong ito?

ad iconadvertisement
ad iconadvertisement