Paano Nakaaapekto Ang Mental Illness Sa Relasyon
Kung ang taong iyong minamahal ay na-diagnose ng malubhang mental illness, ang inyong relasyon ay maaaring maapektuhan. Maaari kang makaramdam ng iba’t ibang emosyon na maaaring kabilangan ng galit, kalungkutan, at kawalan ng pag-asa kung siya ay may pag-uugaling hindi mo maunawaan. Posible ring makaramdam ng guilt o pagsisi sa sarili dahil mo napansin ang kondisyon ng iyong karelasyon. Alinman dito ang iyong sitwasyon, ang dapat bigyang-pansin ay ang pag-unawa sa kondisyon ng iyong minamahal, pag-alam kung ano ang dapat gawin at pagkontrol sa inaasahan sa hinaharap. Paano nga ba ang pakikipagrelasyon sa taong may mental illness?
Mahirap Ba Ang Pakikipagrelasyon Sa Taong May Mental Illness?
Ang mental illness ay nakaaapekto sa relasyon ng magkasintahan at maaari ding makaapekto sa mga taong malapit sa kanila, tulad ng kanilang pamilya. Maaari itong lalong maging mahirap dahil sa stigma tungkol sa mental illness. Dahil dito, nagiging mahirap ang makahanap ng suporta sa mga taong nakararanas nito.
Ang pag-unawa at pagsuporta sa minamahal sa buhay na na-diagnose ng mental illness ay maaaring maging nakapapagod at napakahirap. Bawat tao ay may magkakaibang paniniwala tungkol sa kalusugang pangkaisipan, maging sa mental illness. Ang isang tao ay maaaring may mas malubhang kondisyon kaysa sa iba. Kaya naman, mahalagang alamin ang iyong sariling mga paniniwala at pagtingin tungkol sa kalusugang pangkaisipan o mental illness upang maunawaan ang tiyak na sitwasyon ng iyong karelasyon.
4 Na Paraan Sa Pakikipagrelasyon Sa Taong May Mental Illness
Kung napakahirap para sa iyo ang pakikipagrelasyon sa taong may mental illness, narito ang ilang mahahalagang bagay na dapat tandaan upang alagaan ang iyong karelasyon at maging ang iyong sarili.
Ang pinakamabuting gawin ay tulungan ang iyong karelasyon na bumalik sa dati. Tanggaping hindi agad bubuti ang kanyang kalagayan o hindi ganap na makakabalik sa “100% normal”. Kaya, maging flexible at gawin ang bagay na sa iyong palagay ay tamang gawin upang matugunan ang sitwasyon.
Narito ang mga paraan na maaaring gawin kaugnay sa pakikipagrelasyon sa taong may mental illness.
1. Imulat ang sarili tungkol sa kondisyon ng iyong karelasyon
Alamin at unawain ang kanilang sitwasyon sa pamamagitan ng pagmulat sa iyong sarili ng mga pinakabagong impormasyon tungkol sa kanilang kondisyon. Kung mas maraming impormasyon ang iyong nalalaman kaugnay ng mga sintomas, paraan ng gamutan, at makatotohanang inaasahan, makapagbibigay ka ng mas maayos na pangangalaga sa kanya. Tiyaking ang mga impormasyong iyong binabasa ay up-to-date at mula sa makapagkakatiwalaang sanggunian.
Matuto pa tungkol sa mga maaagang senyales at sintomas ng kanilang kondisyon. Tandaang ang isang taong kakikitaan ng mga katulad na senyales ng sa mental illness ay hindi agad nangangahulugang siya ay may sakit sa pag-iisip. Maaaring ito ay sanhi ng iba pang mga problema. Kumonsulta sa health professional upang mas matuto pa.
2. Hikayatin silang magkaroon ng malusog na pagbabago sa paraan ng pamumuhay
Upang manatiling malusog, kailangang magsagawa ng regular na ehersisyo, panatilihin ang malusog na diet, at magkaroon ng sapat na tulog. Hikayatin ang iyong karelasyon na magkaroon ng mas malusog na paraan ng pamumuhay upang mapabuti ang kanyang kalusugang pangkaisipan.
Ang pagkakaroon ng malusog na pag-iisip ay makatutulong sa pag-iwas, gamutan, at posibleng paggaling mula sa kanilang mental illness.
3. Maging isang taong maaari nilang makausap
Ang pakikipagrelasyon sa taong may mental illness ay nangangahulugang para sa kanila, ikaw ay mapagkakatiwalaan at maasahan, na maaari ka nilang mapagsabihan ng mga bagay-bagay. Gawin ang dapat mong gawin upang mapagkatiwalaan ka niya. Kailangan niyang magkaroon ng taong mapagkakatiwalaan. Gayundin, mahalagang magkaroon ng plano kung siya man ay may tyansang saktan ang kanyang sarili o ang iba. Gayunpaman, karamihan sa mga taong may mental illness ay kadalasang biktima ng pananakit kaysa mga pasimuno.
4. Maging kalmado at maging mapagpasensya
Tandaang ang pagmamadali sa isang tao na ibalik sa normal ang kanyang buhay ay maaari lamang makapagpalubha ng sitwasyon at magbigay ng pressure. Maaaring maging mahirap ang pagpapakita ng pasensya at kagustuhang tumulong sa mga sintomas na posible niyang taglayin tulad ng biglang pagsabog ng emosyon o tantrums. Subalit mahalaga ito upang mapanatili ang magandang relasyon sa iyong kasintahan.
Huwag matakot na kausapin sila tungkol sa mga bagay na bumabagabag sa kanila. Subukang gumamit ng mga pangungusap na may “ako” tulad ng “Nag-aalala ako sa iyo”, “Gusto kong isaalang-alang paghingi ng propesyunal na tulong”. Sa halip na mga pangungusap na parang nagbibintang. Tandaang hindi mo kinakailangang maging eksperto upang sagutan ang kanilang mga katanungan.
Mga Paraan Ng Pagsuporta Sa Sarili
1. Huwag kalimutang alagaan ang iyong sarili
Sa pakikipagrelasyon sa taong may mental illness, tandaang alagaan din ang iyong sarili sa pisikal at emosyonal na aspekto. Kung naging mahirap ang kondisyon ng iyong kasintahan, maaaring makaramdam ka ng parehong kalungkutan at galit. Ang paglalabas ng iyong mga hinanakit sa katangagap-tanggap na paraan ay kinakailangan upang maiwasang aksidenteng masaktan ang damdamin ng iyong karelasyon. Ang pag-alam at pag-unawa sa iyong mga limitasyon ay makatutulong sa pagpapanatili ng wastong pangangalaga sa sarili at emosyonal na kagalingan.
2. Humanap ng support group
Humanap ng mga taong maaari mong kausapin o pagsabihan ng anomang hinanakit na posibleng makasakit sa iyong kasintahan. Ang mga taong ito ay maaaring iyong kapamilya o mga taong maaaring makinig sa iyo. Ang support groups para sa mga taong may karelasyong may mental illness ay maaaring maging ligtas na espasyo. Gayundin, maaari din itong mapagkunan ng pagdamay dahil nauunawaan nila ang iyong pinagdaraanan. Bukod sa mga kaibigan, ang suporta mula sa therapists ay maaari ding makatulong sa pagbibigay-solusyon na hindi pa nasusubukang gawin.
3. Magpahinga kung kinakailangan
Kung naging mahirap para sa iyo ang mga bagay-bagay, maaari kang makaranas ng burnout mula sa emosyonal na pagkapagod. Kung nararamdaman mong ang pakikipagrelasyon sa taong may mental illness ay nakaaapekto sa iyong kalusugan, maaaring kinakailangan mong magpahinga at muling suriin ang mga bagay-bagay. Ang pagpapahinga ay hindi nangangahulugang pagsuko sa kanya. Nangangahulugan lamang ito na kailangan mo ng oras upang maka-recover. Gamitin ang pagkakataong ito upang magkaroon ng bagong pananaw kung paano siya pakisamahan at magtuon sa pag-aalaga sa iyong sarili.
Key Takeaways
Ang parehong panig ay maaaring mahirapan sa pagbibigay at pagtanggap ng suporta mula sa isa’t isa. Mahalagang tandaan na ang pakikipagrelasyon sa taong may mental illness ay posibleng nakaka-stress at mahirap. Kaya naman, ang paghahanap ng paraan upang alagaan ang sarili, paghahanap ng posibleng support groups, at pagpapahinga ay ang mga bagay na maaaring gawin para sa iyong sariling kalusugang pangkaisipan.
Matuto pa tungkol sa Mabuting Relasyon dito.