backup og meta

Pagkabalisa: Ano ang ibig sabihin ng pagkakaroon nito?

Pagkabalisa: Ano ang ibig sabihin ng pagkakaroon nito?

Ang anxiety o pagkabalisa ay isang kondisyong nakakaapekto sa milyon-milyong tao sa buong mundo. Mahaharap ito ng mahusay kung alam natin kung ano ito, ano ang sanhi, at kung ano ang gagawin sa kondisyong ito.

Ano ang Pagkabalisa?

Normal na bahagi ng buhay ang anxiety. Halos lahat, sa isang punto o iba pa, ay nakaranas ng pagkabalisa. Karaniwan itong inilalarawan bilang isang pakiramdam ng pag-aalala, takot, o kawalan ng katiyakan. 

Maaaring makaramdam ng pagkabalisa ang mga tao sa job interview, naghihintay ng mga resulta ng pagsusulit, o kahit na habang nagsasalita sa publiko.

Gayunpaman, kung ang pagkabalisa ng isang tao ay nagsimulang maging mas paulit-ulit. At ito ay hindi madaling mawala, nagsimulang makaapekto sa pang-araw-araw na buhay, ito ay itinuturing na isang uri ng anxiety disorder.

Ang tao na may ganitong disorder ay maaaring mahirapan na gawin ang ilang mga pang-araw-araw na bagay. 

Halimbawa, ang isang taong may social anxiety disorder ay maaaring hindi madaling makipag-usap sa mga bagong kakilala o magkaroon ng mga bagong kaibigan.

Maaaring nababalisa ang ibang tao tungkol sa pagmamaneho, o kahit na pumunta sa isang lugar kung saan maraming tao sa paligid. Maaaring magkaroon ng anxiety attack ang ilang tao kung makakita sila ng isang bagay na maaaring mag-trigger ng traumatic memory.

Ang disorder na ito ay maaaring magpakita sa iba’t ibang anyo, at iba ang epekto nito sa bawat tao. Hindi rin ito madaling pakitunguhan, at karamihan sa mga tao ay hindi maaaring balewalain ang kanilang nararamdaman o hintayin na lamang itong mawala. Ito ang dahilan kung bakit ang paghingi ng propesyonal na tulong ay napakahalaga.

Ano ang Iba’t ibang Uri ng Pagkabalisa?

Mayroong iba’t ibang uri ng pagkabalisa na maaaring maramdaman ng isang tao. Ang pinakakaraniwan ay generalized anxiety disorder, social anxiety disorder, panic disorder, at phobias.

Ang ilang iba pang hindi pangkaraniwang dahilan ng pagkabalisa ay kinabibilangan ng matematika, at maging ang castration anxiety o takot na mayroon ang isang lalaki na mawala ang kanyang ari, o masugatan o mapinsala ito.

Narito ang breakdown ng mga mas karaniwang uri:

Social anxiety disorder

Ang social anxiety disorder ay isang kondisyon kung saan ang isang tao ay natatakot na mapahiya, o mapintasan sa publiko.

Ito ay nagpapakita na hirap sa pakikipag-usap sa mga tao, at kahit ang maliliit na bagay tulad ng pagtatanong ng mga direksyon, o pakikipag-usap sa mga katrabaho ay maaaring maging mahirap.

Generalized anxiety disorder

Ang generalized anxiety disorder, ay tumutukoy sa isang pakiramdam ng pangkalahatang pagkabalisa o takot. Hindi ito limitado sa isang partikular na uri ng takot, at karaniwan itong tumatagal ng hindi bababa sa 6 na buwan o higit pa.

Panic disorder

Ang panic disorder ay kapag ang isang tao ay may hindi nakokontrol na panic attack, na maaaring ma-trigger ng ilang partikular na sitwasyon.

Kung minsan, ang mas malubhang mga panic attack ay maaaring magdulot sa isang tao na siya ay inaatake sa puso o na sila ay maaaring mamatay.

Iba’t ibang Phobias

Ang mga phobia ay isa ring uri ng pagkabalisa. Ang takot sa paglipad, o pagpunta sa dagat ay ilan sa mga mas karaniwang phobia na mayroon ang mga tao.

Maaaring magdusa ng panic attack ang mga taong may phobia kung bigla silang nahaharap sa bagay na pinakakinatatakutan nila. At ang kanilang pagkabalisa ay maaaring tumagal nang medyo mahabal.

Ano ang mga Sintomas ng Pagkabalisa?

Kadalasan, ang pagkabalisa ay karaniwang nagpapakita bilang isang pangkalahatang pakiramdam ng pag-aala o takot. Gayunpaman, maaari rin itong magpakita sa iba’t ibang paraan.

Narito ang ilang sintomas na dapat mong malaman:

  • Pisikal: Madaling mapagod, mga problema sa gastrointestinal, kahirapan sa pagtulog o pagpapahinga
  • Cognitive: Nahihirapang mag-focus sa mga gawain
  • Emosyonal: Laging nakakaramdam ng pag-aalala tungkol sa isang bagay, pagkabalisa, o patuloy na pakiramdam ng kaba
  • Pag-uugali: Pakiramdam na nasasaktan o nagagalit

Sa paglipas ng panahon, ang mga sintomas na ito ay maaaring lumala at maging mahirap para sa isang tao na bumuo o mapanatili ang mga relasyon at mahusay na gumaganap sa bahay, trabaho, o paaralan.

Ang mga pag-atake ng pagkabalisa ay maaaring maging sanhi ng isang tao na hindi mapangalagaan ang kanyang sarili, at kung minsan ay maaaring humantong sa depresyon.

Ito ang dahilan kung bakit malapit na nauugnay ang pagkabalisa at depresyon.

Kung magsisimula itong makagambala sa pang-araw-araw na buhay ng isang tao. o makaapekto sa kanilang mga relasyon, pinakamahusay na humingi ng tulong sa lalong madaling panahon.

Mga Sanhi at Risk Factors

Upang mas maunawaan ang pagkabalisa, kailangang malaman hindi lang ang mga sintomas nito, kundi pati na rin kung ano ang sanhi nito.

Mga Sanhi ng Pagkabalisa

Ang anxiety disorder ay isang komplikadong disorder. At ang ating kaalaman tungkol sa maaaring maging sanhi nito ay limitado. Gayunpaman, alam natin na ito ay maaaring sanhi ng mga traumatic event.

Halimbawa, ang isang bata na halos malunod sa isang pool ay maaaring makaramdam ng pagkabalisa tungkol sa paglangoy, o kahit na makalapit sa mga swimming pool o sa dagat.

Ang isang taong na-bully sa murang edad ay maaaring magkaroon ng social anxiety disorder dahil natatakot silang mapahiya sa harap ng ibang tao.

Maaari ring mag-trigger ng kundisyong ito ang sobrang stress. Ito ay totoo lalo na kung ang isang tao ay overworked. At walang maraming oras na pangalagaan ang kanilang sarili at ang kanilang mental health.

Ang isa pang posibleng dahilan nito ay maaaring ang pagkakaroon ng malubhang karamdaman. Ang pagiging diagnosed na may kanser, o isang sakit na walang lunas ay maaaring maging sanhi ng takot sa kamatayan. Maaari rin silang mabalisa tungkol sa maraming bagay.

Maaaring namamana rin ito. Ang family history ng kondisyong ito ay isa pang posibleng dahilan.

Mga Risk Factors ng Pagkabalisa

Ngayong alam na natin ang mga sanhi, narito ang ilan sa mga posibleng risk factors para sa anxiety disorder:

  • Pagdurusa mula sa traumatikong karanasan alinman sa murang edad o maging sa pagtanda
  • Family history
  • Na- diagnose na may malubhang karamdaman
  • Droga
  • Pag-inom ng alak
  • Sobrang stress
  • Ang pagkakaroon ng ilang uri ng personalidad

Paggamot at Pag-iwas

Maaaring gawin ang paggamot sa iba’t ibang paraan. Narito ang ilan sa mga mas karaniwang paraan ng paggamot na madaling magagamit:

Pagpapayo

Para sa ilang hindi malalang kaso, maaaring makatulong ang pagpapayo. Tinutulungan nito ang tao na makaisip ng mga paraan upang harapin ang kanilang kalagayan at makatulong na mabawasan ang mga epekto nito sa kanilang pang-araw-araw na buhay.

Ang isa pang pamamaraan ng pagpapayo ay ang “concretize anxiety.” Dito, ginagabayan ng therapist ang tao sa pagtukoy at paglalarawan ng maliliit, katamtaman, at malalaking pagkabalisa.

Mindfulness-Based Interventions at Exposure Therapy

Ang mindfulness-based interventions  ay nakatuon sa pagtugon sa pagkabalisa. Ito ay sa pamamagitan ng mga diskarte tulad ng body awareness at pagtutok sa paghinga. Ang exposure therapy ay kinabibilangan ng desensitizing. O ginagawang hindi gaanong sensitibo ang tao sa kung ano ang nakakabalisa sa kanila.

Psychotherapy

Ang psychotherapy ay maaari ding isang paraan ng paggamot sa pagkabalisa. Napatunayang epektibo ang cognitive behavioral therapy o CBT sa paggamot sa mga ganitong uri ng karamdaman.

Kasama sa CBT ang pagtukoy sa mga nagti-trigger. Pagkatapos ay ang pagtukoy sa mga iniisip, nararamdaman, at pag-uugali ng isang tao pagkatapos ng mga nakaka-trigger na kaganapan.

Medication

Kung minsan, maaaring magreseta ang mga doktor ng ilang mga antidepressant upang matulungan ang mga tao na harapin ang kondisyong ito. Maaari itong maging kapaki-pakinabang lalo na para sa mas malubhang mga kaso. O mga kaso kung saan ang isang tao ay dumaranas ng parehong pagkabalisa at depresyon.

Home remedies

Malaking tulong ang mga simpleng bagay tulad ng pagkain ng malulusog, pag-eehersisyo, meditation, pagpapahinga, at day off. Ang mga ito ay maaari ding maging lubhang kapaki-pakinabang pagdating sa pagharap sa kundisyong ito

Paano mapipigilan ang pagkabalisa?

Ang pagkabalisa mismo ay hindi mapipigilan. Gayunpaman, may mga paraan upang mabawasan ang risk, o mabawasan ang epekto na maaaring idulot nito sa iyong buhay.

Maaari mong gawin ang mga sumusunod:

  • Breathing exercises o mindful exercises; tinutulungan nilang ibalik ang katawan sa natural na kalmadong estado.
  • Pagiging aktibo. Ang daily exercise ay nakakatulong na panatilihing malusog hindi lamang ang iyong katawan, kundi pati na rin ang isip. Ito ay isang mahusay na paraan upang panatilihing matatag ang iyong kalusugan ng isip. Kaya magandang ideya na mag-ehersisyo hindi bababa sa 30 minuto bawat araw
  • Pamahalaan ang iyong stress. Kung nakakaramdam ka ng burn out o pagod dahil sa trabaho, huwag matakot na maglaan ng ilang oras upang pangalagaan ang iyong mental health.
  • Alamin ang iyong mga trigger. Magiging magandang ideya na tukuyin ang iyong mga nagti-trigger upang maiwasan mo ang mga ito. O mag-isip ng mga paraan na mas mahusay na harapin ang mga nag-trigger, at sa mas malusog na paraan.

Disclaimer

Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

NIMH » Anxiety Disorders, https://www.nimh.nih.gov/health/topics/anxiety-disorders/index.shtml, Accessed October 21, 2020

Anxiety disorders – Symptoms and causes – Mayo Clinic, https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/anxiety/symptoms-causes/syc-20350961, Accessed October 21, 2020

Understand the Facts | Anxiety and Depression Association of America, ADAA, https://adaa.org/understanding-anxiety, Accessed October 21, 2020

What Are Anxiety Disorders?, https://www.psychiatry.org/patients-families/anxiety-disorders/what-are-anxiety-disorders, Accessed October 21, 2020

Generalised anxiety disorder in adults – NHS, https://www.nhs.uk/conditions/generalised-anxiety-disorder/, Accessed October 21, 2020

Types of anxiety – Beyond Blue, https://www.beyondblue.org.au/the-facts/anxiety/types-of-anxiety, Accessed October 21, 2020

From anxiety to schizophrenia: Mental health conditions explained,https://www.ourbetterworld.org/series/mental-health/facts/anxiety-schizophrenia-mental-health-conditions-explained?gclid=Cj0KCQjwuL_8BRCXARIsAGiC51DPC3CNgC6hpTHXnJgCFHza3Jm6QQ4lJy3jD72kUdjQo_E9j8RqHHMaAgB_EALw_wcB, Accessed October 21, 2020

Kasalukuyang Version

09/26/2024

Isinulat ni Corazon Marpuri

Narebyu ng Eksperto Jessica Espanto, LPT, MA, RPsy

In-update ni: Jan Alwyn Batara


Mga Kaugnay na Post

Chronic anxiety: Ano ang ibig sabihin ng kondisyong ito?

High Functioning Anxiety: Ano ang Kondisyong Ito?


Narebyu ng Eksperto

Jessica Espanto, LPT, MA, RPsy

Psychology · In Touch Community Services


Isinulat ni Corazon Marpuri · a

ad iconadvertisement

Nakatulong ba ang artikulong ito?

ad iconadvertisement
ad iconadvertisement