Ang vitamin B complex ay isang supplement na araw-araw iniinom ng maraming tao. Subalit ano nga ba ang nagagawa ng bitaminang ito sa ating katawan, at bakit kailangan natin itong inumin? Higit pa rin, kailan dapat uminom ng vitamin B? Alamin sa artikulong ito ang mga kasagutan sa mga katanungang ito.
Ano Ang Vitamin B Complex?
Ang Vitamin B complex ay isang kombinasyon ng mahahalagang water-soluble vitamins maliban sa vitamin C. Ibig sabihin, hindi ito tumutukoy sa isang uri ng vitamin, subalit ito ay kombinasyon ng magkakaibang B vitamins.
Isa sa mga kawili-wiling bagay tungkol sa vitamin B complex ay sa matagal na panahon, inakala na ito ay isa lamang single vitamin. Kalaunan, natuklasan ng mga mananaliksik na marami itong iba’t ibang uri ng vitamins. Ang bawat vitamins ay pinangalanan nila nang may kasamang bilang. Ito ang dahilan kung bakit may B1, B2, B3, B5, B6, at B12, at marahil ay pamilyar ka sa mga ito. Ang mga katawagang ito ay tumutukoy sa thiamine, riboflavin, niacin, pantothenic acid, pyridoxine, at sa kombinasyon ng biotin, folic acid, at cobalamins.
Sa kabila ng pagiging B vitamins, ang bawat vitamins na ito ay may kanya-kanyang gampanin sa katawan. Ang vitamins B1, B2, B3, at biotin ay nakatutulong sa katawan na magprodyus ng lakas. Nakatutulong ang vitamin B6 sa pag-metabolize ng katawan ng carbohydrates, protina, at fats, habang ang B12 at folic acid ay mahalaga para sa cell division. Bukod dito, mang mga ito ay may marami pang ibang gampanin sa katawan. Ito ang dahilan kung bakit kailangan ng ating katawan ng B vitamins. At huli, ang vitamin na ito ay nakapagpapabuti ng paggana ng nerve/utak.
Isa pang magandang bagay tungkol sa B vitamins ay ang vitamins na ito ay hindi nananatili sa katawan. Ito ay dahil ang mga ito ay water-soluble vitamins. Hindi ito kagaya ng ibang vitamins, tulad ng A, D, E, at K, na fat-soluble, na nananatili sa katawan.
Madali ring masira ang B vitamins sa pamamagitan ng pagluluto at paghahanda ng pagkain. Isang halimbawa nito ay ang whole-grain bread ay maaaring may mas maraming B vitamins kompara sa mga pagkaing gawa sa processed white flour.
Dahil sa mga salik na ito, madalas na inumin ng mga tao ang vitamin B supplements. Ito ay dahil ito ang mas madali at mabilis na paraan upang magkaroon ng araw-araw na pangangailangan.
Kailan Dapat Uminom Ng Vitamin B?
Marahil ay narinig mo na kung kailan dapat uminom ng vitamin B. Sinasabi ng mga tagapagtaguyod nito na pinakamainam uminom nito tuwing umaga, bago kumain ng almusal, dahil maaaring mas madali itong ma-absorb ng katawan.
Kailan dapat uminom ng vitamin B? Batay sa mga pag-aaral, sa katunayan ay mas mainam uminom ng vitamin B complex sa umaga at bago mag-almusal. Ngunit hindi dahil mas madali itong ma-absorb ng katawan. Isa sa mga dahilan ay dahil ang vitamin B complex ay nagpapasigla ng parehong paggana ng utak at metabolismo. Ibig sabihin, ang pag-inom nito ay nakatutulong upang magkaroon ang katawan ng lakas na iyong kakailanganin sa buong araw.
Ang ikalawang dahilan ay ang pag-inom ng supplement bago kumain ng almusal ay nakatutulong magpasigla ng metabolismo. Ito’y nangangahulugang mas maayos na natutunaw ng katawan ang kinakain sa almusal, upang magkaroon ng nutrisyon mula sa unang pagkain.
Hindi ito nangangahulugang dapat iwasan ang pag-inom ng vitamin B sa tanghali o gabi. Walang masamang epekto ang paggawa nito, makukuha pa rin ang benepisyo ng vitamins na kailanman inumin.
Dapat Bang Uminom Ng Vitamin B?
Sa pag-inom ng vitamin B supplements, ang dapat itanong sa sarili ay “Mayroon ka bang balanseng diet?” Ito ay dahil maraming tao ang madaling nagkakaroon ng lahat ng B vitamins na kanilang kinakailangan sa pamamagitan ng pagkakaroon ng masustansya at balanseng diet.
Bagama’t hindi laging ganito ang kaso, minsan ang ating diet ay nagbabago, at hindi tayo laging may access sa pinakamasusustansyang pagkain. Sa ganitong mga sitwasyon, ang vitamin supplements ay maaaring makatulong sa pagbibigay ng nutrisyong hindi laging nabibigay ng ating diet.
Matuto pa tungkol sa Nutrition Facts dito.