Ang mga pasyenteng may alcoholic liver disease ay kadalasang nasusuri sa huling stage ng sakit. Ito ay kung kailan ang mga sintomas at pinsala sa atay ay malala na. Narito ang mga pisikal na sintomas ng alcoholic liver disease.
Ano ang alcoholic liver disease?
Ang pangmatagalang pag-abuso sa alkohol ay humahantong sa isang kondisyon na kilala bilang alcoholic liver disease. Ito ay unti-unting lumalala habang ang tao ay patuloy na umiinom. At pagtagal, maaaring humantong sa mga malubhang problema sa kalusugan.
Nagsisimula ito sa isang build-up ng mga taba sa atay na tinatawag na alcoholic fatty liver disease. Sa stage na ito, karaniwang walang sintomas ang mga pasyente, at maaaring mawala ang fatty liver disease pagkatapos huminto sa pag-inom ng alak sa loob ng ilang linggo.
Kung ang tao ay hindi pa rin huminto sa pag-inom, maaari itong magtuloy sa alcoholic hepatitis, na maaaring humantong sa “end-stage” na kilala bilang cirrhosis.
Kung ang atay ng isang tao ay magkaroon ng cirrhosis, ibig sabihin na may pagkakapilat sa atay. Ang pagkakapilat na ito ay nakakaapekto sa kung paano gumagana ang atay. At kung walang gagawin tungkol dito, maaari itong humantong sa liver failure, at kalaunan ay kamatayan.
Ito ang dahilan kung bakit bukod sa pag-alam sa pisikal na sintomas ng alcoholic liver disease, mahalaga na uminom ng katamtaman. Sa katunayan, hangga’t maaari, pinakamainam na umiwas sa pag-inom para maiwasan ang alcoholic liver disease.
Ano ang mga sintomas ng alcoholic liver disease?
Narito ang mga sintomas ng alcoholic liver disease na dapat abangan:
Biglang pagbaba ng timbang
Ito ay isa sa mga pinakamaagang posibleng palatandaan ng alcoholic liver disease. Ang biglaang pagbaba ng timbang ay nangangahulugan na ang iyong katawan ay nahihirapan sa pagproseso ng mga sustansya mula sa pagkain na iyong kinakain.
Pagkapagod
Ang pagkapagod o panghihina ay isa pang pisikal na sintomas ng alcoholic liver disease. Kadalasang nauugnay ito sa katotohanan na ang iyong katawan ay hindi nakakakuha ng sapat na nutrisyon. Bilang resulta, kulang ka sa enerhiya o madalas na pagod, kahit na wala kang anumang pisikal na aktibidad.
Jaundice
Ang jaundice ay isang senyales na ang iyong atay ay hindi gumagana ayon sa nararapat. Ito ay ang pagdidilaw ng balat, mga puti ng mata, at mga mucus membrane.
Ang dahilan kung bakit nangyayari ito ay mayroong mataas na antas ng bilirubin, isang yellow-orange pigment na nabuo kapag ang heme mula sa mga pulang selula ng dugo at iba pang mga pinagmumulan ay nasira.
Ang karaniwang nangyayari ay ang atay ang responsable sa pag-alis ng bilirubin mula sa dugo. Pagkatapos, ilalabas ito ng katawan bilang isang basura. Gayunpaman, kung ang isang tao ay may pinsala sa atay, ang bilirubin ay nabubuo at nagiging sanhi ng paglitaw ng mga sintomas ng jaundice.
Pananakit ng tiyan
Ang pananakit ng tiyan ay isa pang pisikal na sintomas ng alcoholic liver disease. Karaniwan itong nangyayari sa mga pasyente na may mas advanced na mga kaso ng pinsala sa atay.
Ang pananakit ng tiyan na dulot ng alcoholic liver disease ay kadalasang nararamdamang malambot, at sumasakit kapag hinawakan. Bisitahin ang iyong doktor sa lalong madaling panahon kung maranasan mo ito.
Ang pagkakaroon ng likido o edema
Ang edema, o fluid build-up, ay isa sa mga pisikal na palatandaan ng alcoholic liver disease, lalo na sa mga huling stage. Ito ay karaniwang nakikita sa mga binti, gayundin sa tiyan.
Ito ay maaaring mangyari dahil sa dalawang bagay; una, ang portal vein sa atay ay nagsisimulang tumaas sa presyon.
Ang isa pang posibilidad ay dahil ang atay ay hindi gumagana nang maayos, hindi ito lumilikha ng ilang mga protina ng dugo tulad ng albumin. Ang albumin ay isang protina na ginawa ng atay na pumipigil sa pagtagas ng likido sa daluyan ng dugo sa ibang mga tisyu.
Key Takeaways
Kung mapapansin mo ang alinman sa mga sintomas ng alcoholic liver disease, pinakamahusay na magpatingin sa doktor sa lalong madaling panahon. Magiging magandang ideya din na huminto sa pag-inom o uminom nang katamtaman upang maprotektahan ang iyong atay mula sa karagdagang pinsala.