Ano ang gluten?
Ang gluten ay protina na nasa maraming grains o butil. Kasama dito ang barley, rye, wheat, oats at triticale. Karaniwang nasa maraming pagkain ito katulad ng cereal, pizza, at tinapay. Walang ibinibigay na mahalagang sustansya para sa katawan ang gluten. Gayunpaman, nagsisilbi itong glue upang magkadikit-dikit ang pagkain at magbibigay hugis ito sa kanila. Napaka-elastic ng gluten proteins tulad ng glutenin at gliadin. Nagiging akma ang mga butil na may gluten para sa paggawa ng tinapay at iba pang baked goods. Ang tanong ay kung masama ba ang gluten sa kalusugan?
Sa nakalipas na dekada o higit pa, dumarami ang health movement na maging gluten-free. Nagkakaroon ng pagkalito kung ang gluten ay nagdudulot ng mga problema sa lahat. O nagiging sanhi ba ito ng health issues sa maliit na grupo ng mga taong may partikular na mga kondisyon. Alamin ang sagot kung masama ba ang gluten para sa iyong bituka.
Kailan masama ang gluten sa kalusugan?
Humigit-kumulang 1% ng populasyon ng mundo ang may celiac disease, isang autoimmune disease na na-trigger ng gluten. Ang mga indibidwal na ito ay nagkakaroon ng mga sumusunod na sintomas pagkatapos kumain ng gluten:
- Pamamaga ng bituka
- Irritation ng bituka
- Pagkasira ng bituka
- Ang ibang tao ay may gluten sensitivity o gluten intolerance. Sila ay nakakaranas ng mga problema kapag kumakain ng pagkain na may gluten, ngunit walang celiac disease.
Maaaring danasin ng mga sensitibo sa gluten ang parehong epekto ng pagkain ng gluten tulad ng mga may celiac disease. Pwede rin silang makaranas ng non-gastrointestinal symptoms tulad ng:
- Pananakit ng ulo
- Pamamanhid sa mga braso at binti
- Sakit sa kasu-kasuan
Gayunpaman, ang mga sensitibo sa gluten ay hindi dumaranas ng parehong pinsala sa bituka gaya ng mga may sakit na celiac.
Para sa mga indibidwal na ito, ang gluten-free diet ay mahalaga upang maiwasan ang pamamaga, pati na rin ang iba pang mga sintomas. Mas madali na ngayon ang sumunod sa gluten-free diet. Ito ay dahil marami na ngayong tinda sa mga supermarket at restaurant
na gluten-free selections na nakikipagkumpitensya sa mga conventional na pagkain sa lasa at kalidad.