Ang celiac disease ay isang pangmatagalang kondisyon kung saan ang small intestine ay nagiging irritated kapag ang isang tao ay kumakain ng pagkaing naglalaman ng gluten. Ang gluten ay isang uri ng protina na karaniwang matatagpuan sa grains, rye, wheat at barley.
Kung ang taong may ganitong sakit ay nakakain ng gluten, nagkaroon dito ng reaksyon ang immune system, na nagiging sanhi ng pamamaga sa small intestine. Ang villi, isang bahagi ng small intestine na sumisipsip ng sustansya, ay nasisira dahil sa pamamaga. Dahil dito, nahihirapan ang katawan na makuha ang mga sustansya mula sa pagkain. Alamin sa artikulong ito ang mga kaalaman tungkol sa celiac disease.
Celiac Disease vs. NCGS
Magkaiba ang celiac disease at non-celiac gluten sensitivity (NCGS). Ang NCGS ay hindi nagdudulot ng anomang pagkasira sa small intestine. Dagdag pa, ang mga sintomas nito ay humuhupa matapos alisin ang gluten mula sa diet ng isang tao.
Maaaring mamana ang celiac disease. Ang mga taong may mga kamag-anak na may ganitong sakit ay maaari ding magkaroon nito. Tinatayang humigit-kumulang 20 milyong tao sa buong mundo ang may ganitong uri ng sakit.
Kaalaman Tungkol Sa Celiac Disease: Sanhi Nito
Hindi pa natutukoy sa kasalukuyan ang sanhi ng sakit na ito. Gayunpaman, ang genetics, immunologic at environmental factors ay mahalagang triggers nito.
Nauugnay din ito sa iba pang mga sakit tulad ng diabetes, pernicious anemia, sarcoidosis, at thyroid disorder. Gayundin, karaniwan ito sa mga taong may down syndrome at Williams syndrome.
Ang mga taong may family history ng celiac disease ay karaniwang nagkaroon nito. Maaaring hindi ito ma-dianose sa loob ng ilang taon, kaya naman kailangang magpasuri ang mga tao lalo na kung mayroon silang mga kapatid at kamag-anak na may ganitong sakit.
Kaalaman Tungkol Sa Celiac Disease: Mga Sintomas Nito
Kabilang sa mga sintomas ng celiac disease ang mga sumusunod:
- Hindi gumagaling na pagtatae. Malambot o matubig na dumi na nagpatuloy nang halos 2-4 na linggo.
- Iron deficiency anemia. Ang bilang ng red blood cells ay mas mababa kaysa sa normal dahil ang katawan ay hindi nakatatanggap ng sapat na iron. Kailangan ang iron sa produksyon ng hemoglobin, ang sangkap sa dugo na nagdadala ng oxygen sa buong katawan.
- Edema. Pamamaga ng mga binti, mukha, at iba pang mga bahagi ng katawan dahil sa kakulangan ng protina
- Osteoporosis. Ang mga buto ay nagiging masyadong mahina o marupok at nagiging dahilan upang tumaas ang tyansa ng isang tao na mabalian.
- Abdominal distension. Naiipon ang intestinal gas sa tiyan na nagiging sanhi upang maging bloated ang isang tao.
- Sobrang pagkapagod. Ang pagkapagod na hindi nawawala sa pamamagitan ng pahinga o pagtulog. Kabilang dito ang pakiramdam na tila may sakit sa lahat ng oras.
- Dermatitis herpetiformis. Tinatawag itong gluten rash o celiac rash. Ito ay isang sakit sa balat kung saan lumilitaw ang mga makakating paltos at pantal sa likod, tuhod, siko, anit at pigi. Ang celiac rash ay nangyayari sa halos 15%-25% ng mga pasyenteng may celiac disease.
- Mga problema sa ngipin at cancer sores
Maaari ding maranasan ng mga bata ang mga sumusunod na karagdagang sintomas:
- Kakulangan sa tangkad. Ang isang bata ay nagiging bansot at ang kanyang tangkad ay maliit sa loob ng unang 3 taon ng buhay.
- Pagliit ng muscle. Pagliit ng muscle mass na maaaring maging sanhi ng problema sa balanse at koordinasyon, maging sa kahirapan sa pagsasalita.
- Iritable. Sobrang tantrums, pagiging matampuhin at magagalitin.
Kaalaman Tungkol Sa Celiac Disease: Diagnosis Nito
Susuriin ng doktor ang mga abnormalidad sa timbang o tangkad ng isang tao (sa mga bata). Susuriin din nila ang mga senyales ng bloating at pakikinggan ang mga tunog ng tiyan.
Ang doktor ay kukuha ng sample ng dugo sa pasyente upang suriin kung may mataas na lebel ng antibodies para sa gluten. Ang anemia ay maaari ding malaman sa pamamagitan ng pagsuri sa dugo.
Maaaring kumuha ang doktor ng maliit na sample ng tissue mula sa small intestine sa pamamagitan ng upper GI endoscopy. Ang tissue ay susuriin sa ilalim ng microscope upang malaman ang mga indikasyon na ang pasyente ay may celiac disease.
Dahil namamana ang sakit na ito, maaaring magsagawa ang doktor ng genetic test kung saan ang dugo o swab mula sa pisngi ay sinusuri para sa gene variants na nauugnay sa celiac disease.
Kung hindi ma-diagnose ang sakit, maaari itong maging sanhi ng mga malulubhang problema sa kalusugan sa reproductive at nervous system. Ang mga taong may celiac disease ay maaari ding makaranas ng malnutrisyon at lactose intolerance.
Gamutan: Gluten-Free Diet
Ang mahigpit na pagsunod sa gluten-free diet ay napatunayang nakapagpapabuti ng mga sintomas ng celiac disease sa mga taong mayroon nito. Makalipas ang 2-3 linggo na pagtanggal ng gluten mula sa diet, ang villi ay magsisimulang hihilom, kaya’t ang katawan ay makasisipsip ng mga sustansya nang mas epektibo. Ang paglaki at pagdebelop ng bata ay babalik din sa normal.
Ang mga komplikasyon ay mapipigilan din sa pamamagitan ng gluten-free diet.
Mahalagang tandaang ang anomang uri ng gluten, kabilang ang mga laman ng mga gamot, ay maaari pa ring mag-trigger sa immune system. Pinakamainam na kumonsulta sa doktor para sa gluten-free na mga alternatibo sa gamot.
Ang gluten ay matatagpuan sa maraming mga pagkaing mabibili sa mga pamilihan at sa ilang mga pagkaing maaaring kontaminado ng gluten. Kaya naman, mahalagang suriin ang labels at bumili lamang mula sa mga mapagkakatiwalaang mapagkukunan. Pinakamainam na humingi ng payo mula sa isang dietitian kung paano kontrolin ang gluten-free na diet.
Key Takeaways
Ang celiac disease ay sanhi ng reaksyon ng katawan sa gluten. Ang gluten ay nagiging sanhi ng pag-atake ng immune system sa mga bahagi ng small intestine na mahalaga sa pagsipsip ng sustansya mula sa pagkain. Bilang resulta, ang mga taong may celiac disease ay nakararanas ng mga sakit sa kakulangan sa nutrisyon tulad ng anemia, pagliit ng muscle, at osteoporosis. Kung hindi magagamot, maaari itong humantong sa mga mas malulubhang problema sa kalusugan sa thyroid, nervous system, at digestive system. Ang tanging batid na gamutan para sa celiac disease ay ang gluten-free diet.
Matuto pa tungkol sa Digestive Health dito.