Ang lactose intolerance ay tumutukoy sa kawalan ng kakayahang i-digest ang lactose, isang uri ng asukal sa gatas at iba pang dairy products. Matapos na makonsumo ang mga dairy product na ito, nakararating ang lactose sa small intestine, kung saan ito dinudurog ng mga lactase sa mas simpleng anyo ng asukal tulad ng glucose at galactose. Ano pa ang mahalagang dapat malaman tungkol sa kung ano ang lactose intolerance?
Lactase ang tawag sa enzyme na nililikha ng mga cell na nasa small intestine. Nakararating ang mga simpleng anyo ng mga sugar sa daluyan ng dugo at nagiging energy para sa katawan ng tao. Itinuturing na isang kondisyon at hindi sakit ang lactose intolerance.
Maaaring magkaroon ng ganitong kondisyon ang mga bata at matatanda, anuman ang kasarian. Sa mga bata, nangyayari ito kapag hindi kayang i-digest ang gatas ng ina o ang formula milk. Nauuwi ito sa matinding pagtatae, pagbaba ng timbang, at dehydration. Kilala rin bilang congenital lactase deficiency at congenital alactasia ang lactose intolerance sa mga bata.
Mga Sintomas ng Lactose Intolerance
Narito ang pinakakaraniwang mga sintomas ng kondisyong ito:
- Pagkakabag
- Pamumulikat ng tiyan
- Pagtatae
- Pagsusuka
- Pagsakit ng tiyan
Kapag nakaranas ka ng alinman sa mga nabanggit sa itaas sa loob ng 30 minuto hanggang 2 oras ng pagkonsumo ng anumang dairy product, kumonsulta sa doktor.
Mga Sanhi ng Lactose Intolerance
Ang mga taong may lactose intolerance ay hindi kayang lumikha ng sapat na bilang ng lactase enzymes, isang kondisyong kinikilala bilang lactase non-persistence. Kaya naman, nahihirapan silang tunawin ang gatas at iba pang dairy products. Nananatili ang hindi natunaw na lactose sa bituka hanggang sa tunawin na ito ng bacteria. Ito ang nagdudulot ng bloating, kabag, pamumulikat ng tiyan, at pagtatae sa pagitan ng 30 minuto hanggang 2 oras ng pagkonsumo ng dairy products.
May mga taong may lactose intolerance na kayang mag-digest ng itinakdang dami lamang ng dairy products. Mayroon namang umiiwas sa fresh milk ngunit kayang mag-digest ng iba pang dairy products na mas madaling i-digest tulad ng yogurt at keso. Ito ay dahil ang mga produktong tulad ng yogurt at keso ay sumailalim na sa fermentation process kung saan karamihan sa lactose ay natunaw na.
Mga Panganib ng Lactose Intolerance
Narito ang karaniwang mga panganib ng kondisyong ito:
- Edad. Kapag tumatanda, maaaring mabawasan o huminto ang produksyon ng lactase, kaya may mga matatandang nagiging lactose intolerant.
- Mga Gamot. Ang pag-inom ng ilang mga gamot ay maaaring mauwi sa lactase non-persistence. Naaapektuhan ng mga gamot na ito ang produksyon ng lactase enzyme.
- Impeksyon. Isa ang Diarrheal infection sa mga bata ang maaaring maging sanhi ng lactose intolerance sa loob ng ilang araw o linggo.
- Iba pang digestive disorders. Ang mga taong may upper small intestinal disorder tulad ng Crohn disease o celiac disease ay nakagagawa lamang ng kaunting dami ng lactase enzyme.
- Ethnic background. Ang mga bata pa ang edad na Asyano, Native American, African, at may lahing Espanyol ay may mataas na panganib na maging lactose intolerant.
Diagnosis ng Lactose Intolerance
Narito ang karaniwang sinusundang diagnostic procedure para sa kondisyong ito.
Medical history. Masinsinang titingnan ng iyong doktor ang iyong family history at personal medical history.
Physical examination. Maaaring ipagawa ang physical examination batay sa mga sintomas na iyong nararanasan. Malaki ang tsansang utusan kang iwasan ang mga dairy product upang maobserbahan kung makatutulong ito upang gumanda ang iyong kondisyon.
Lactose tolerance test. Maaaring ipayo sa iyo ng doktor ang kumuha ng test na ito, na nagsusuri ng kakayahan ng iyong digestive system na sumipsip ng lactose. Hindi ka kakain sa loob ng 8 oras bago gawin ang test na ito. Ibig sabihin, iiwas ka muna sa pagkain at tubig. Sa test na ito, paiinumin ka ng lactose. Kukuhanan ka ng ilang sample ng dugo sa loob ng 2 oras upang makita ang level ng iyong blood sugar. Kung hindi tumaas ang iyong blood sugar, ibig sabihin, lactose intolerant ka.
Hydrogen breath test. Kailangan mo ring uminom ng lactose sa test na ito. Makailang ulit na susuriin ang iyong hininga matapos uminom nito upang masuri ang hydrogen level sa iyong bibig. Ang mataas na level ng hydrogen ay indikasyon na ikaw ay lactose intolerant.
Stool acidity test. Ginagawa ang test na ito sa mga sanggol at mga bata. Ang test na ito, na para lang sa mga bata, ay sumusukat sa level ng acid sa dumi. Kapag may fatty acids tulad ng lactic acid, glucose, at iba pa sa dumi ng tao, ibig sabihin nito ay may lactose intolerance siya.
Gamutan sa Lactose Intolerance
Kabilang sa gamutan sa lactose intolerance ang pagbabago sa iyong araw-araw na diet. Walang gamot na makatutulong sa iyong paramihin ang nagagawang lactase ng katawan. Dati, ang mga taong may lactose intolerance ay pinaiiwas sa gatas at iba pang dairy products.
Sa kabaliktaran, hinihikayat na ngayon ang mga taong kontrolin ang kanilang pagkonsumo o sumubok ng magkakaibang uri ng dairy products sa magkakaibang pagkakataon upang maunawaan kung alin ang pwede sa kanila.
Narito ang ilan sa mga pagbabagong pwede mong simulan.
- Tingnan kung gaano karami ang kaya mong kainin. Dahan-dahan ang gawing pagdaragdag ng dairy products at tingnan kung hanggang saan ang kaya ng iyong katawan. Subukan ang mas madadaling i-digest na mga produktong may gawa sa gatas tulad ng yogurt at keso at dahan-dahang lumipat sa iba pang dairy products.
- Piliin ang mga dairy products na may mababang lactose levels. Tulad ng tinalakay na natin kanina, piliin ang yogurt, cottage cheese, at keso kesa sa iba pang produktong gawa sa gatas na mas matagal i-digest.
- Pagsamahin ang mga milk product sa iba pang pagkain. Kumain ng mga produktong gawa sa gatas kasabay ng iyong pagkain kesa kainin ito nang hiwalay. Halimbawa, kumain ng isang mangkok ng fruit custard o cheese sandwich kesa milk product lang. Isa pa, ang fresh milk ang pinakamahirap i-digest. Kaya baka nais mong inumin na lang ito mamaya.
- Maghanap ng lactose-free milk at milk products. Nagiging mas kilala na ngayon ang mga lactose-free products at ang mga may mababang lactose content.
- Lactase supplement. Maaaring resetahan ka ng doktor mo ng lactase drop o pill upang matulungan kang ma-digest ang gatas at mga produktong gawa sa gatas.
Mga Pagbabago sa Lifestyle para sa Lactose Intolerance
Maaaring mahirap ang mabuhay na may lactose intolerance. Sa oras na malaman mo na ang lahat ng dairy product na malakas ang reaksyon ng iyong katawan, pwede mo na itong iwasan at tanggalin sa iyong diet. Maaari mo ring alamin kung naaapektuhan ka ng mga produktong ito kapag kumakain ka ng tiyak na dami nito, para maipagpatuloy mo pa ang pagkonsumo nang may kontrol. Gawin mo lamang ito nang may kasamang paggabay ng doktor.
Gayunpaman, kapag ang isang tao ay may matinding lactose intolerance, hindi niya pwedeng gawin ang trial and error method. Tingnan ding mabuti ang sangkap ng lahat ng non-dairy products bago ito bilhin. Maaaring may mga sangkap itong hindi kayang ikonsumo ng mga lactose intolerant. Sa kasong ito, itigil na talaga ang pagkonsumo ng mga dairy. Sa halip, sumubok ng iba pang healthy options upang makakuha pa rin ng sapat at kinakailangang nutrisyon.
Makakakuha ka ng pang-araw-araw na kinakailangang nutrisyon sa pamamagitan ng magkakaibang pagkain, tulad ng:
- Berdeng gulay tulad ng spinach, kale, at iba pa, broccoli
- Isda tulad ng salmon at sardinas
- Mga pamalit sa gatas na hindi nakasasama tulad ng soy milk
- Prutas tulad ng oranges at saging
- Mga cereal na mayaman sa calcium
- Dry fruits tulad ng almonds, at dried beans
Makakakuha ka rin ng vitamin D sa pamamagitan ng pagbibilad sa araw sa umaga. Tiyaking makakakuha ng mas marami pang sustansya sa mga pagkain tulad ng itlog, atay, at iba pa. Maaari ding ipayo ng doktor ang ilang calcium at vitamin D supplements o herbals.
Matuto pa tungkol sa iba pang digestive health issues dito.