backup og meta

Heartburn o GERD? Ano Ang Pinagkaiba Nilang Dalawa?

Heartburn o GERD? Ano Ang Pinagkaiba Nilang Dalawa?

Kung umabot ka sa puntong napatanong ka na sa iyong sarili kung mayroon ka bang heartburn o GERD, malamang ay nalito ka na rin sa kanilang pagkakaiba. Ito ay marahil magkaugnay ang dalawa at halos magkapareho lang ang kanilang mga sintomas na ipinapakita. 

Gayunpaman, mahalagang malaman ang pagkakaiba sa pagitan ng heartburn at GERD. Bagaman malapit na magkaugnay, magkaiba pa rin ang paraan ng paggamot sa bawat kondisyon. At sa kaso ng GERD, maaari itong magdulot ng matitinding problema kung hindi magamot.

Ano Ang Mayroon Ka? Heartburn o GERD?

Upang malaman at maunawaan kung ang nararamdaman ay buhat ng heartburn o GERD, kailangan matalakay kung ano ang bawat isa. 

Ano Ang Heartburn?

Ang heartburn ay tumutukoy sa burning sensation na nararamdaman sa dibdib ng isang tao, kadalasan sa likod mismo ng breastbone. Maaari itong maaari itong maging napakasakit, at ang sakit ay kadalasang nagpapatuloy sa pagtaas patungo sa lalamunan.

Ang naturang karamdaman ay isang sintomas ng isa pang kondisyon na kung tawagin ay acid reflux. Ito ay nagiging sanhi ng pag-akyat ng mga acid sa tiyan papunta sa esophagus. Ang acid sa tiyan ang siyang dahilan kung bakit sa tuwing nakakaranas ka ng heartburn, nakararamdam ka rin ng burning sensation sa iyong dibdib.

Maaaring mangyari ang acid reflux dahil sa iba’t ibang dahilan, kabilang ang mga sumusunod:

  • Pagkain nang marami bago matulog. 
  • Posibilidad ng pagkakaroon ng acid reflux ng mga buntis at mga taong obese o overweight
  • Pagkain ng tsokolate, maaanghang na pagkain, kamatis, at iba pang acidic food. 
  • Pag-inom ng alak, kape, at soda. 
  • Ilang mga partikular na gamot, tulad ng mga ginagamit upang makontrol ang blood pressure. 

Para sa karamihan, ang heartburn at acid reflux ay hindi dapat maging dahilan ng pag-aalala. Sa katunayan, milyon-milyong tao sa buong mundo ang nakakaranas ng heartburn kahit isang beses sa isang buwan. Gayunpaman, ang problema ay kapag ang heartburn ay nagsimulang maging regular na pangyayari.

Ano Ang GERD?

Kung ikaw naman ay madalas na nakararanas ng heartburn, o mayroon kang chronic acid reflux, maaari itong maging senyales na GERD o gastroesophageal reflux disease.

Ang isang tao ay sinasabing may GERD kung nakararanas ng heartburn nang hindi bababa sa dalawang beses sa isang linggo. Dahil dito, maaaring mairita ang esophagus dahil sa patuloy na pagka-expose sa mga acid sa tiyan.

Ang mga taong may GERD ay maaaring makaramdam ng mas malala at mas masakit na kaso ng heartburn. At kung ito ay hindi magamot, maaari itong magdulot ng mga seryosong problema. 

Narito ang ilan sa mga posibleng komplikasyon ng GERD:

  • Pagliit at pagkakitid ng daluyan esophagus bilang resulta ng buildup ng scar tissue
  • Stomach ulcers
  • Barrett’s esophagus o isang kondisyon na nagdudulot ng mga pagbabago sa mga cells ng esophagus. Ito ay isang salik ng panganib para sa esophageal cancer

Dagdag pa rito, ang hika ay nauugnay din sa GERD. Sa katunayan, 75% ng mga taong may hika ay may ilang uri ng GERD. Sa kabila nito, hindi pa rin malinaw ang ugnayan sa pagitan ng dalawang kondisyon.

Gayunpaman, pinalala ng GERD ang mga sintomas ng hika, at ang ilang gamot sa hika ay maaaring maging sanhi ng paglala ng GERD. Bukod pa rito, ang paggamot para sa GERD ay maaaring makatulong sa pagpapagaan ng ilan sa mga sintomas na nauugnay sa hika.

Kung sa tingin mo ay maaaring mayroon kang GERD, mainam na kausapin angg iyong doktor tungkol dito. Malaki ang maitutulong ng agaran at maagang paggamot upang maiwasan ang anumang karagdagang komplikasyon.

Paano Mo Malalaman Kung Mayroon Kang Heartburn o GERD?

Matapos bigyang-linaw ang pagkakaiba ng dalawa, narito naman ang iyong checklist na makatutulong sa iyong sagutin ang katanungan na “mayroon ba akong heartburn o GERD?” 

Mayroon Kang Heartburn Kung:

  • Nakararanas ka ng heartburn kahit isang beses sa isang buwan. 
  • Ang burning sensation ay masakit, ngunit maaaring tiisin. 
  • Madalas itong nangyayari matapos kumain, o kapag ikaw ay nakahiga na sa kama. 

Mayroon Kang GERD Kung:

  • Nakararamdam ka ng bukol sa iyong lalamunan.
  • Mas madalas ang pagkakaroon mo ng heartburn (kada linggo).
  • Mas malala ang nararanasan mong heartburn.
  • Nagigising ka sa gabi buhat ng heartburn. 
  • Nakararanas ka ng matinding pag-ubo (chronic cough), pamamalat, o pagkahingal (wheezing), na siyang mga sintomas na nauugnay sa GERD. 
  • Nahihirapan ka ring lumunok ng pagkain. 
  • Nag-reregurgitate ka o bumabalik sa iyong lalamunan kapag kumakain o umiinom ka ng maaasim o pagkain o inumin. 

Ito ay isang simpleng gabay lamang na makatutulong sa iyong matukoy kung nakakaranas ka ng heartburn o GERD. 

Siyempre, pinakamahusay na kumunsulta sa iyong doktor kung nag-aalala ka tungkol sa iyong mga sintomas. Ang iyong doktor ay maaaring magbigay sa iyo ng tamang diagnosis at tulungan ka sa tamang paggamot para sa iyong kondisyon.

Ano Ang Maaari Mong Gawin Tungkol Sa Heartburn At GERD?

Narito naman ang ilang bagay na maaari mong gawin na makatutulong upang mapamahalaan ang heartburn o GERD:

  • Iwasan ang pagkain sa gabi, lalo na bago matulog. 
  • Iwasan ang pagkain ng mga maaanghang, maaasim, at matatabang pagkain.
  • Kung ikaw ay obese o overweight, subukang gumawa ng mga hakbang upang mapababa ang iyong timbang.
  • Kung minsan, maaaring makatulong ang mga antacid upang maiwasan ang heartburn at GERD na mangyari.
  • Para sa mas malalang kaso ng GERD, maaari kang bumili ng H-2-receptor blockers na mga gamot na nagpapababa ng dami ng acid na nagagawa sa tiyan.
  • Iwasan ang pag-inom ng alak, kape, o carbonated na inumin.
  • Maaari ring makatulong ang pag-inom ng tubig sa pagpapagaan ng sakit ng heartburn.
  • Huwag mag-atubiling bisitahin ang iyong doktor kung nakararanas ka na ng malubhang sintomas o pananakit dahil sa heartburn.

Pagdating sa heartburn at GERD, ang pinakamagandang gawin ay ang masusing pagsubaybay sa iyong mga sintomas. Makatutulong ito sa iyo na matukoy kung ito ba ay GERD, o isang simpleng kaso ng heartburn.

Alamin ang iba pa tungkol sa Heartburn dito.

Disclaimer

Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

Acid reflux and GERD: The same thing? – Mayo Clinic, https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/heartburn/expert-answers/heartburn-gerd/faq-20057894, Accessed July 16 2020

Gastroesophageal reflux disease (GERD) – Symptoms and causes – Mayo Clinic, https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/gerd/symptoms-causes/syc-20361940, Accessed July 16 2020

Heartburn and GERD, https://www.aboutgerd.org/introduction-to-gerd/heartburn-and-gerd.html, Accessed July 16 2020

What’s the Difference? Heartburn vs. Acid Reflux vs. GERD, https://www.crozerkeystone.org/news/news-releases/2017/heres-how-to-understand-the-difference-between-heartburn-acid-reflux-and-gerd-and-what-you-can-do-to-if-you-have-any-of-these-conditions/, Accessed July 16 2020

GERD (Chronic Acid Reflux), https://my.clevelandclinic.org/health/diseases/17019-gerd-or-acid-reflux-or-heartburn-overview, Accessed July 16 2020

What’s the Difference Between Heartburn, Acid Reflux and GERD? – Health Essentials from Cleveland Clinic, https://health.clevelandclinic.org/whats-the-difference-between-heartburn-acid-reflux-and-gerd/, Accessed July 16 2020

Kasalukuyang Version

09/15/2022

Isinulat ni Fiel Tugade

Narebyung medikal ni Jobelle Ann Dela Cruz Bigalbal, MD

In-update ni: Vincent Sales


Mga Kaugnay na Post

Pagkain Para sa Acid Reflux: Mga Tips Para sa Mayroong GERD

Gamot sa Heartburn: Anu-ano ang Maaaring Subukan?


Narebyung medikal ni

Jobelle Ann Dela Cruz Bigalbal, MD

General Practitioner


Isinulat ni Fiel Tugade · a

ad iconadvertisement

Nakatulong ba ang artikulong ito?

ad iconadvertisement
ad iconadvertisement