Ang diarrhea o pagtatae ay nangyayari dahil ang laman ng digestive tract ay mabilis na gumagalaw na ang bituka ay walang sapat na oras para mag-absorb ang tubig. Lagnat ang ating natural na paraan para labanan ang impeksyon dahil ang pagtaas ng temperatura ng katawan ay nagpapahirap sa ilang bakterya at virus na maka-survive. Minsan, nararanasan natin ang mga sintomas na ito na magkahiwalay. Pero paano kung magkasabay ang dalawa? Ano ang sanhi ng pagtatae na may lagnat?
Viral gastroenteritis
Ang stomach flu o viral gastroenteritis ay nangyayari kapag ang mga virus tulad ng norovirus o rotavirus ay na-infect ang tiyan, maliit na bituka, o malaking bituka.
Ang impeksiyon ay humahantong sa pamamaga ng lining ng gastrointestinal tract, na nagiging sanhi ng pagtatae at posibleng, lagnat at panginginig.
Maaaring magkaroon ng stomach flu sa pamamagitan ng person-to-person contact. Ito rin ay maaaring dahil sa pagkonsumo ng kontaminadong pagkain at tubig (food poisoning).
Ang ibang sintomas na dapat bantayan ay:
- Abdominal cramps
- Pagduduwal
- Pagsusuka
- Sakit ng ulo
Karaniwang hindi kailangan ng treatment para sa stomach flu ang isang malusog na tao. Kailangan lamang ng pahinga at maraming fluid.
Bacterial infection
Tulad ng mga virus, ang bacteria tulad ng salmonella at E. coli ay maaari ding makapasok sa katawan sa pagkonsumo ng kontaminadong pagkain. Sa katunayan, ang pinakakaraniwang sanhi ng pagkalason sa pagkain ay bacterial infection.
Bukod sa pagtatae na may lagnat, ang impeksyon ng bacteria ay maaari ding maging sanhi ng mga sumusunod na sintomas:
- Pagduduwal
- Pagsusuka
- Panghihina
- Masakit na kalamnan
- Walang gana kumain
Tandaan na ang treatment ay depende sa bacteria at kung gaano kalala ang mga sintomas. Karamihan sa mga kaso ay nalulutas ng walang treatment, pero maaari kang makatanggap ng mga antibiotic at fluid replacement therapy sa pamamagitan ng ugat (swero) kung ang iyong mga sintomas ay mas malala.
Impeksyon ng parasitiko
Ang parasites tulad ng tulad ng Entamoeba hystolytica ay maaaring magdulot ng amebiasis at humantong sa mild symptoms tulad ng matubig na dumi.
Ayon sa CDC, 10 hanggang 20% lamang ng mga pasyenteng nagkakaroon ng amoebiasis ang nagkakasakit ng mild diarrhea at stomach cramps. Gayunpaman, kung magkaroon sila ng amoebic dysentery, maaari nilang danasin ang madugong dumi at lagnat.
Maaaring gamutin ng ilang antibiotic ang amoebiasis. Kung hindi ka magkakasakit, maaaring kailangan mo lamang ng isang uri ng antibiotic. Kung nagkaroon ka ng mga sintomas, maaaring bigyan ka ng doktor ng dalawang uri ng antibiotics (ang una, pagkatapos ang isa pa).
Inflammatory bowel diseases (IBDs)
Pangmatagalang kondisyon ang inflammatory bowel diseases na nagdudulot ng pamamaga sa digestive tract. Ang dalawang uri ng IBD, ang Crohn’s disease at ulcerative colitis, ay may magkatulad na sintomas, kabilang ang pagtatae na may lagnat.
Ang iba pang sintomas ay:
- Sakit sa tiyan
- Pagbaba ng timbang
- Fatigue
Kailan hihingi ng tulong medikal
Ang pagkakaroon ng pagtatae na may lagnat ay isang indikasyon na maaari kang dumaranas ng impeksyon sa GI tract o IBD. Kumunsulta sa iyong doktor para sa isang tumpak na diagnosis at tamang paggamot.
Bukod pa rito, dapat kang humingi kaagad ng tulong medikal kung ikaw ay:
- Hindi ma-tolerate ang pag-inom ng fluid, pagkain, o gamot
- May diarrhea na higit sa 2 araw; para sa mga sanggol, toddlers, at maliliit na bata, ang pagtatae na tumatagal ng higit sa 24 na oras ay nangangailangan ng agarang paggamot
- May lagnat na 38.8 C o mas mataas
- Dumaranas ng matinding pananakit ng tiyan o rectal pain
- May dugo o nana sa dumi
- May 6 o higit pang matubig na dumi sa nakalipas na 24 na oras
- Nakakaranas ng madalas na pagsusuka
- Mga palatandaan ng dehydration
Habang ang karamihan sa mga kaso ng pagtatae ay kusang nawawala, mahalagang humingi ng medikal na tulong kapag ang isang tao ay hindi kayang tiisin o i-tolerate ang, pagkain, at/o gamot (lalo na sa mga matatandang pasyente). Ito ay maaaring higit pang humantong sa hypotension o mababang presyon ng dugo at/o electrolyte imbalance.
Dehydration
Ang matinding pagtatae ay maaaring magdulot ng dehydration, ngunit tumataas ang panganib kung makaranas ka ng diarrhea na may lagnat. Ito ay dahil kapag mas mataas ang iyong temperatura, mas maaaring ma-dehydrate ka. Kung napansin mo ang mga palatandaan ng dehydration, pumunta kaagad sa ospital.
Mga palatandaan ng dehydration sa mga sanggol at maliliit na bata:
- Tuyong bibig
- Kawalan ng luha
- Tuyo ang diaper sa loob ng 3 oras
- Lubog na mga mata, pisngi, at tuktok ng bungo
- Pagkairita
Mga palatandaan ng dehydration sa mga matatanda:
- Maitim na ihi at madalang na pag-ihi
- Matinding pagkauhaw
- Pagkapagod
- Pagkahilo
- Pagkalito
Panghuli, habang maaari kang mag-take ng oral rehydration solutions (ORS) bilang pangunang lunas para sa dehydration, maaaring hindi ito naaangkop sa mga hindi makapagpigil ng kanilang fluids.
Key Takeaways
Kadalasan, magkahiwalay nating nararanasan ang pagtatae na may lagnat. Kung magkasama ang mga ito, maaaring may impeksyong viral, bacterial, o parasitic. Bukod dito, maaari rin itong nagpapahiwatig ng inflammatory bowel disease. Gayunpaman, huwag kalimutan na maaari kang magdusa mula sa pagtatae na may lagnat dahil sa dalawang hindi magkakaugnay na mga kondisyon na sabay nangyayari.
Halimbawa, maaari kang nakakain ng isang bagay na nakakasakit sa iyong tiyan at nagkakaroon ng pagtatae tulad ng pagkakaroon mo ng sipon at nagkaroon ng lagnat.
Ang pinakamahusay na paraan, gaya ng dati, ay ang magtakda ng appointment sa iyong doktor. Gayundin, kung nakakaranas ka ng malalang sintomas tulad ng dehydration o hypotension, humingi kaagad ng medikal na atensyon.