Appendicitis o kabag? Ito ang karaniwang tanong ng mga taong nakararamdam ng sakit sa kanilang tiyan. Kung hindi mo alam paano matukoy kung ikaw ay may appendicitis o kabag, ang ipag-aalala mo na lang ay ang appendicitis dahil ito ay medical emergency.
Ano ang appendix?
Ang appendix na makikita sa ilalim na kanang bahagi ng tiyan ay isang maliit na bulsa na konektado sa cecum, ang unang bahagi ng colon na tumatanggap ng parsyal na natunaw na pagkain mula sa small intestine.
Sa mahabang panahon, tinitignan ng mga medikal na eksperto ang appendix bilang “vestigial organ” o organ na walang masabing gamit.
Gayunpaman, kamakailan, ang isang pag-aaral mula sa Midwestern University sa Arizona ay nagsabi na ang appendix ay maaaring secondary immune organ, ibig sabihin isang organ na may kontribusyon sa immune system. Ito ay sa pamamagitan ng pag-iimbak ng good bacteria at paggawa ng mga protina na lumalaban sa impeksyon.
Ano ang appendicitis at ano ang mga sanhi nito?
Habang ligtas na sabihin na maaari tayong mabuhay nang walang 2 hanggang 4 na pulgada na appendix, malaking problema ito kung mamaga at magka-impeksyon. Nangyayari ang appendicitis kung mayroong harang sa appendix. Karaniwang sanhi ng harang ang bacteria, viruses, o parasites. Minsan, nagiging sanhi rin ang naiiwan na dumi at at maaari ring dahil sa mga tumor.
Dahil sa harang, ang appendix ay maaaring mamaga at ang supply ng dugo sa bahaging ito ay mababawasan. Kung walang supply ng dugo, puputok ang appendix. Kung pumutok ang appendix, kakalat ang impeksyon sa tiyan. Ito ang rason bakit ang appendicitis ay isang medical emergency.
Paano malalaman kung ito ba ay appendicitis talaga o kabag lamang?
Dahil karaniwang nararamdaman ng mga tao sakit ng tiyan, mahirap na matukoy kung ang sakit ay nagmumula ba sa appendicitis o kung ito ay kabag lamang. Ang sakit sa appendicitis ay may mga sumusunod na katangian:
- Biglaan at matalas na sakit na nagsisimula sa kanan at paibabang bahagi ng tiyan.
- Biglaan at matalas na sakit na nagsisimula sa pusod at lumilipat sa kanang ibabang bahagi ng tiyan.
- Sakit na lumalala kung ikaw ay umubo, bumahing, naglalakad o jogging.
Tandaan na ang sakit ay iba-iba depende sa edad at kondisyon. Halimbawa, ang mga buntis ay maaaring makaramdam ng sakit sa appendicitis sa itaas na bahagi ng kanilang tiyan. Ito ay sa kadahilanan na ang posisyon ng appendix ay nasa itaas ng kanilang tiyan. Hindi rin ibig sabihin ng naramdaman ang mga nakatala ay masasabing sigurado na appendicitis ang sakit. Maaaring iba ang kadahilanan, ngunit pwede rin makonsidera ang appendictis kung maramdaman ang mga nasabing katangian sa itaas.
Kung nag-iisip ka kung ito ba ay appendicitis o kabag lamang, tandaan na ang kabag ay tulad ng cramps. Karaniwang kasama dito ang pagdighay, pag-utot, bloating, at ang paglaki ng tiyan (distension).
Kailan dapat magpapatingin sa doktor
Ang pag-alam kung ito ba ay appendicitis o kabag ay mahalagang bahagi sa pag-alam kung kailan magpapatingin sa doktor. Kung ikaw ay nakararanas ng sakit na may katangiang pang-appendicitis, siguraduhin na humingi agad ng medikal na atensyon, para hindi kumalat ang impeksyon at lumalala ang kondisyon. Ang ibang mga senyales at sintomas ng appendicitis na kailangan mong bantayan ay:
- Pagkahilo at pagsusuka
- Lagnat na lumalala
- Pagkawala ng gana
- Pagkakabag
- Kawalan ng abilidad makautot ng normal
Ano ang mga test para sa appendicitis?
Kung ikaw ay nasa ospital na, magsasagawa ang doktor ng mga test upang matignan kung ang sakit ay sanhi ng appendicitis o kabag (o ibang kondisyon). Ang mga test ay:
- Physical Exam – Sasabihan ka ng doktor na ituro ang masakit na bahagi. Iba pang halimbawa na pwedeng pagawin ng doktor ay maglalagay sila ng marahan na pressure sa bahaging ito. Kung naramdaman na mas masakit kapag natanggal na ang pressure, maaaring ito ay appendicitis. Maaari ring silang maglagay ng pressure sa kanan at ibabang bahagi ng tiyan. Kapag sumakit ang kaliwa at ilalim na bahagi ng tiyan, maaaring masabi na ang sakit ay appendicitis.
- Urine Test – sa pamamagitan ng test sa ihi ay matutukoy ang sakit sa tiyan na sanhi ng impeksyon sa urinary tract.
- Blood Tests – Kukuhanin din nila ang iyong dugo upang matingnan ang mga senyales ng impeksyon.
- Imageries – Sa huli, upang makumpirma kung ito ay appendicitis, magsasagawa ang doktor ng abdominal scans sa pamamagitan ng CT Scan, x-ray o ultrasound. Nakatutulong ang scans kung ang doktor ay hindi matukoy ang sanhi ng sakit sa tiyan sa pamamagitan ng pagsusuri lamang.
Ano ang mga lunas para sa appendicitis?
Kung natukoy na ng doktor na ito ay appendicitis, maaaring payuhan ka na sumailalim sa appendectomy – ang operasyon upang tanggalin ang appendix. Mayroong dalawang uri ng appendectomy –keyhole o laparascopic surgery at open surgery.
Sa keyhole o laparoscopic surgery, 3 hanggang 4 na maliit na butas ang isinasagawa para pagsuksokan ng instrumentong ilalagay saloob ng tiyan ng pasyente. Kabilang dito ang gamit na nagpu-pump ng gas upang lumaki ang tiyan at magbigay ng espasyo para makagalaw ang doktor. Ginagamit ang laparoscope, isang tube na may ilaw at camera para makita ang loob ng tiyan ng hindi binubuksan ito, at iba pang instrumento na kasya sa butas na ginagamit upang matanggal ang appendix ng hindi naghihiwa ng malaking butas. Sumakabila, ang open surgery naman ay nasasagawa sa pamamagitan ng paghiwa ng malaking cut sa kanang ibang bahagi ng tiyan at gumagamit ng usual na instrumento.
Ang panahon sa recovery sa appendectomy ay nakadepende sa uri ng operasyon na isinagawa. Kung ikaw ay sumailalim sa keyhole o laparoscopic surgery, maaaring pauwiin ka na ng doktor sa loob ng 24 oras matapos ang operasyon. Kung ikaw ay sumailalim sa open surgery, maaaring umabot ng isang linggo pa bago ka pauwiin ng doktor. Bago umuwi, magbibigay ng panuto ang doktor sa tamang paglilinis ng sugat. Magrereseta rin ng painkillers o antibiotics upang maiwasan ang onset ng impeksyon.
Mahalagang Tandaan tungkol sa Appendicitis o Kabag
Kung alam mo paano matukoy kung ang sakit ay sanhi ng appendicitis at kabag, mas magiging handa ka na upang harapin ang medical emergency na hatid ng pamamaga at impeksyon sa appendix.
Tandaan na ang sakit sa appendicitis ay biglaan at matalas at karaniwang nararamdaman sa kanang ibabang bahagi ng tiyan. Ang sakit na ito kabilang ang mga senyales at sintomas ng appendicitis ay kailangan agad ng medikal na atensyon.
Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.