Alam ng sinumang nakaranas magkaroon ng tuberculosis kung gaano katindi ang paggamot nito. Kailangan mong uminom ng ilang antibiotics nang hindi bababa sa 6 na buwan. Ito ang dahilan kung bakit tinitingnan ng maraming mananaliksik ang posibilidad na gamutin ang TB gamit ang mga halamang gamot. Mayroon bang herbal para sa tuberculosis ang may potensyal na labanan ito?
Naghahanap ng Herbal para sa Tuberculosis?
Marahil, ang pinakamabigat na dahilan kung bakit naghahanap ang mga researcher ng herbal para sa TB ay dahil ang kondisyong ito ay karaniwang nangangailangan ng hindi bababa sa apat na gamot. Ang mga ito ay rifampicin, isoniazid, pyrazinamide, at ethambutol. Lahat ng ito ay mga antibiotic, at bawat isa ay may set ng side effects na maaaring magdulot ng discomfort.
Higit pa rito, ang paggamit ng herbal para sa tuberculosis ay pwedeng maging malaking kabawasan sa mga gastos. May ilang mga pag-aaral na nag-ulat na ang mga pasyente na gumamit ng mga halamang gamot ay kailangan lamang pakuluan ang mga dahon at inumin ang pinaglagaan. Sa ilang mga ulat, pinakuluan ng mga tao ang mga dahon at nilalanghap ang steam o singaw.
At panghuli, maraming imbestigador ang naghahanap ng novel antimycobacterial drugs. Ito ay dahil dumarami ang multidrug-resistant Mycobacterium tubeclosis, ang bacteria na nagdudulot ng TB.
Anong Mga Herbal ang Nagpapakita ng Potensyal Para sa Tuberculosis?
Sa kasalukuyan, wala pa ring aprubadong herbal para sa tuberculosis. Gayunpaman, sinisiyasat ng mga siyentipiko ang potensyal ng mga sumusunod na halamang gamot:
Artemisinin
Ang Artemisia annua (sweet wormwood) ay centuries-old na herbal medicine na natuklasan ng mga siyentipikong Tsino. Ang gamot na nagmula sa damong ito, ang artemisinin, ay ginagamit upang gamutin ang malaria na dulot ng Plasmodium falciparum. May dahilan na ngayon ang mga imbestigador na maniwala na maaari rin nating gamitin ang halamang gamot na ito upang gamutin ang tuberculosis. Natuklasan ng isang pag-aaral na pinigilan ng artemisinin ang Mycobacterium tuberculosis mula sa pagiging dormant. Ipinaliwanag ni Robert Abramovitch, ang lead researcher, na kapag ang bakterya ay umabot sa dormancy, mas mataas ang posibilidad na sila ay maging resistant sa antibiotics. Sabi niya, ang pagharang sa dormancy, ay maaaring gawing mas sensitibo ang TB bacteria sa mga gamot at maaari pang paikliin ang oras ng paggamot.
Turmeric
Isa pang potensyal na herbal para sa tuberculosis ang turmeric.
Sa pagsisiyasat sa laboratoryo na pinamagatang, Curcumin may help overcome drug-resistant tuberculosis, natuklasan ng mga mananaliksik na binabago ng curcumin (na makikita mo sa turmeric), ang immune response sa Mycobacterium tuberculosis.
Ipinaliwanag ng ulat na ang curcumin ay nakapag-alis ng bakterya ng TB mula sa purposely infected cells in culture. Nang tingnang mabuti ng mga mananaliksik, natuklasan nila na ang curcumin ay nag-stimulate ng mga macrophage. Ito ay isang uri ng puting selula ng dugo na pumapalibot at pumapatay ng mga mikroorganismo.
Bawang
Alam ng maraming tao ang kamangha-manghang nagagawa ng bawang pagdating sa pagpapababa ng blood pressure. Ngunit iminumungkahi ng kamakailang data na ang herbal na ito ay nakagagamot din ng TB.
Isang pag-aaral ang nagpakita na ang isang konsentrasyon ng 80mg/ml ng langis ng bawang ay halos ganap na nagpa-hinto sa paglaki ng TB bacteria. Ang pagbawas sa colony count ay maihahambing sa 0.03mg/ml ng rifampicin, isa sa mga karaniwang gamot para sa TB.
Licorice
Ang licorice ay isang ugat na nagdaragdag ng lasa sa kendi at inumin. Nagpapakita rin ito ng mga magagandang epekto bilang herbal para sa tuberculosis at sore throat. Ito ay hindi karaniwan sa ating bansa. Pero may ilang mga tindahan na nagbebenta ng commercial preparations (mga kapsula at pulbos).
Sa isang pag-aaral ng hayop, naghanda ang mga mananaliksik ng liposomal dry powder para sa inhalation o paglanghap (LDPI) na naglalaman ng licorice extract. Ang mga resulta ay nagpakita na pagkatapos ng paglanghap, 46% ng inihandang gamot ay umabot sa baga habang 16% ay nanatili sa baga 24 na oras pagkatapos ng pangangasiwa.
Nang suriin nila kung paano gumana ang gamot, napansin nila na mayroong “malaking pagbawas sa bilang ng bakterya” hindi lamang sa baga kundi pati na rin sa spleen ng mga TB-infected na daga.