backup og meta

Asthma At Ibang Sakit Sa Kalusugan: Heto Ang Mga Dapat Mong Malaman

Asthma At Ibang Sakit Sa Kalusugan: Heto Ang Mga Dapat Mong Malaman

Ang asthma ay sakit na nagiging sanhi ng pamamaga ng baga at ng daluyan ng hangin, na nagdudulot ng kahirapan sa paghinga. Ito ay nagreresulta sa pag-atake ng asthma. Bagama’t walang lunas para sa asthma, maaaring makontrol ang mga sintomas nito  at mapigilan ang maaaring mga komplikasyon sa asthma sa hinaharap. Hindi lahat ng taong may asthma ay nagkakaroon ng ibang mga kondisyon sa kalusugan o komplikasyon. Ngunit mahalaga na magsagawa ng tamang pag-iingat at pagkontrol sa mga sintomas nito. Ang asthma at ibang sakit sa kalusugan ay may kaugnayan, at maaaring maging banta sa buhay kung hindi magagamot.

Kung makaranas ng mga sintomas ng asthma kahit sa maikling panahon lamang o kahit hindi gaanong malubhang ang mga sintomas, dapat itong seryosohin. Ang maagang diagnosis at napapanahong gamutan ay mahalaga upang ma-kontrol ang mga sintomas ng asthma. Makatutulong din ang pagpigil sa ibang mga kondisyong pangkalusugan na maaaring lumubha dulot ng asthma. Napatatas din ng asthma ang tyansa ng pagkakaroon ng iba pang mga kondisyong pangkalusugan tulad ng:

Narito ang kaugnayan ng asthma at ibang sakit sa kalusugan.

Asthma At Ibang Sakit Sa Kalusugan: Sakit Sa Puso

Napatataas ng asthma ang tyansa ng pagkakaroon ng atake sa puso, stroke o anumang sakit na may kaugnayan sa puso. Maraming mga teorya ang nagmumungkahi ng kaugnayan ng sakit sa puso at asthma. Ang pinakakaraniwang teorya ay kung hindi magagamot o makontrol ang asthma, maaari itong magdagdag ng pressure sa puso upang makakuha ng oxygen mula sa baga. Ang labis na pressure sa puso ay maaaring maging sanhi ng mga sakit sa puso. Gayundin, maaari ding maging sanhi ng pagkabalisa ang asthma, na kung mananatili sa loob ng matagal na panahon, ay maaaring maging sanhi ng sakit sa puso.

Asthma At Ibang Sakit Sa Kalusugan: Osteoporosis

Ang osteoporosis ay isang kondisyon kung saan ang buto ay nagiging marupok at nagiging sanhi ng malubhang pananakit. Ang mga taong may asthma ay may mas mataas na tyansang magkaroon ng osteoporosis. Ito ay dahil sa mga gamot na tinatawag na corticosteroids na inirereseta para sa asthma. Ang mga gamot na ito ay maaaring makapagpababa sa dami ng calcium na nakukuha mula sa pagkain at nakaaapekto sa pagkawala ng buto na nagreresulta sa pagnipis ng mga ito. Gayundin, ang mga gamot na ito ay nagiging sanhi ng pagkawala ng maraming calcium mula sa bato, nakaaapekto sa pagkawala ng buto, na nagpapahina rito at sa muscles.

Pag-Iwas Sa Osteoporosis 

Dapat pataasin ang calcium intake sa tulong ng gatas, produktong may gata, madadahong gulay, etc. Dapat ding pataasin ang pagkakaroon ng vitamin D. Itigil ang paninigarilyo dahil ito ay nakasasama sa parehong mga buto at baga. Maaaring mag-ehersisyo upang mapatibay ang iyong mga buto. Ang mga simpleng ehersisyo na maaaring isa sa workout routine ay ang  paglalakad, jogging, spot jogging, etc.

Asthma At Ibang Sakit Sa Kalusugan: Obstructive Sleep Apnea

Ang obstructive sleep apnea ay problema sa paghinga kung saan saglit na tumitigil sa paghinga ang isang tao habang natutulog. Ang mga taong may asthma ay mas may tyansang magkaroon nito. Kung ito ay hindi magagamot, ang sleep apnea ay maaaring maging sanhi ng mga komplikasyong may kaugnayan sa puso.

Mahalagang makontrol ang mga sintomas ng obstructive sleep apnea sa tulong ng mga gamot at malusog na paraan ng pamumuhay. Maaaring imungkahi ng iyong doktor ang pag-iwas sa mga tiyak na gamot tulad ng sleeping pills. Maaari ding magreseta ang iyong doktor ng gamot sa allergy upang maibsan ang mga sintomas. Kailangan mong bigyan ng pansin ang iyong timbang, iwasan ang pag-inom ng alak, at palakasin ang iyong resistensya.

Asthma At Ibang Sakit Sa Kalusugan: Pagkabalisa

Magkaugnay ang asthma at pagkabalisa. Ang mga sintomas ng isa ay maaaring makapagpalubha sa sintomas ng isa, o kabaliktaran. Maging ang mga simpleng stress ay maaaring maging dahilan ng kahirapan sa paghinga. Ilan sa mga karaniwang sintomas ng asthma at pagkabalisa ay ang mga sumusunod:

  • Depresyon
  • Kawalan ng ganang kumain
  • Pagiging iritable
  • Kawalan ng kakayahang gawin ang mga pang-araw-araw na gawain
  • Kakulangan ng lakas
  • Panghihina
  • Kawalan ng pokus

Ang karaniwang salik na nakapagpapaluba sa parehong kondisyon ay ang labis na stress. Ito ay dahil kung ikaw ay stress, ang iyong katawan ay magpoprodyus ng labis na stress hormones. Magkakaroon ng reaksyon ang iyong katawan sa hormones sa pamamagitan ng pagtaas ng tibok ng puso at mabilis na paghinga. Ito ay maaaring maging sanhi ng mga sintomas ng asthma. Ang ugnayang ito sa pagitan ng asthma at iba pang kondisyong pangkalusugan tulad ng pagkabalisa ay itinuturing na napakalubha.

Pagbawas Sa Stress

Kung lagi kang stressed, kumonsulta sa iyong doktor tungkol sa mga paraan upang makontrol ito. Ilan sa mga simpleng pamamaraan ng pagkontrol sa stress ay ang pagkain ng mga masusustansyang pagkain, pananatiling organisado, pag-iwas sa paninigarilyo at pag-inom ng alak, at regular na pag-eehersisyo. Maaaring mabawasan ang lebel ng stress sa pamamagitan ng breathing exercises, relaxation techniques, at pagkakaroon ng sapat na tulog.

Dahil maraming pagkakatulad ang asthma at pagkabalisa, may tyansang makaranas ng panic attacks at asthma attacks sa parehong pagkakataon. Ito ay dahilan upang mahirap na matukoy kung ano ang pagkakaiba ng dalawang kondisyon. Kung mas madalas makaranas ng panic attacks at asthma attack, mahalaga ang pahingi ng medikal na tulong at magkaroon ng tamang gamutan.

Asthma At Ibang Sakit Sa Kalusugan: Pagkontrol Sa Mga Sintomas

Triggers

Mahalagang malaman kung ano ang triggers ng iyong asthma. Kapag nalaman mo ang mga ito, siguraduhing iwasang malantad sa mga ito. Kabilang sa karaniwang triggers ng asthma ay ang mga sumusunod:

  • Alikabok
  • Usok
  • Balahibo ng hayop
  • Pollen

Hindi lamang sa loob ng bahay, ngunit maging sa lugar ng trabaho, siguruhing malayo ka sa mga bagay na trigger ng iyong asthma.

Isa pang trigger ng asthma ay ang mga emosyon. Magugulat kang malaman na ang mga emosyon tulad ng pagkagalit, kalungkutan, pag-iyak, pagtawa, etc. ay maaaring mag-trigger sa mga sintomas ng asthma. Ang mga emosyong ito ay maaaring maging sanhi ng pagsikip ng daluyan ng hangin, at magresulta sa kahirapan sa paghinga.

Bakuna

Kumonsulta sa iyong doktor tungkol sa taunang pagpapabakuna na iyong kailangan. Sa karamihan ng mga kaso, ang mga sintomas ng asthma ay na-trigger sanhi ng mga impeksyon. Ang pagkakaroon ng regular na bakuna ay makakatulong upang maiwasan ang mga impeksyon.

Mga Gamot

May mga tiyak na gamot na maaaring mag-trigger sa mga sintomas. Kumonsulta sa iyong doktor kung may matapos uminom ng tiyak na mga gamot ay may naranasan kang anomang problema sa respiratory.

Maaaring mag-iba sa paglipas ng panahon ang mga sintomas ng asthma. Mahalagang obserbahan nang mabuti ang iyong mga sintomas at kumonsulta sa iyong doktor tungkol sa iyong mga kasalukuyang sintomas. Maaaring baguhin ng iyong doktor ang plano ng gamutan. Kung mapansing ang mga sintomas ay nakokontrol nang mabuti, maaaring bawasan ng iyong doktor ang dosage ng mga gamot.

Key Takeaways

May kaugnayan ang asthma sa ibang pang mga kondisyong pangkalusugan tulad ng pagkabalisa, sakit sa puso, osteoporosis, at obstructive sleep apnea. Kung ikaw o ang iyong kamag-anak ay ma-diagnose ng asthma, kumonsulta sa doktor at alamin kung paano kontrolin ang mga sintomas. Ang sintomas ng asthma ay magkaiba sa bawat tao. Inumin ang mga gamot na inireseta ng iyong doktor at magkaroon ng malusog na pamamaraan sa pamumuhay na makatutulong upang maiwasan ang asthma at iba pang mga kondisyong pangkalusugan.

Key-takeaways

Matuto pa tungkol sa Asthma rito.

Disclaimer

Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

Asthma and other health conditions, https://www.asthma.org.uk/advice/manage-your-asthma/other-conditions/, Accessed on 10/05/2020

Complications of asthma, https://www.healthdirect.gov.au/complications-of-asthma/, Accessed on 10/05/2020

Asthma, https://www.nhlbi.nih.gov/health-topics/asthma/, Accessed on 10/05/2020

Overview: Asthma, https://www.nhs.uk/conditions/asthma/, Accessed on 30/06/2021

Asthma, https://www.nhlbi.nih.gov/health-topics/asthma, Accessed on 30/06/2021

Asthma, https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/asthma/symptoms-causes/syc-20369653, Accessed on 30/06/2021

Kasalukuyang Version

01/31/2023

Isinulat ni Niña Christina Lazaro-Zamora

Narebyung medikal ni Mae Charisse Antalan, MD

In-update ni: Mae Antalan, MD


Mga Kaugnay na Post

Nawawala At Bumabalik Ba Ang Asthma? Bakit Ito Nangyayari?

Bawal Kainin Ng May Hika: Ano-ano Ito?


Narebyung medikal ni

Mae Charisse Antalan, MD

General Practitioner


Isinulat ni Niña Christina Lazaro-Zamora · a

ad iconadvertisement

Nakatulong ba ang artikulong ito?

ad iconadvertisement
ad iconadvertisement