Hindi maikakaila na ang puso ay isa sa pinakamahahalagang organs ng katawan. Ito ay dahil ito ang nagsusuplay ng dugo sa lahat ng organs ng katawan na may dugo. Ang malusog na puso ay ang nagpapanatili ng ating malakas at malusog na pangangatawan. Ngunit, paano kung ang puso ay hindi nasa maayos nitong kalagayan? Mayroon bang vitamins para sa puso upang mapalakas ito? Alamin sa artikulong ito ang vitamins para sa puso.
Vitamins Para Sa Puso: Pagpapanatili Ng Malusog Na Puso
Kinakailangan ng ating katawan ng vitamins upang maayos itong gumana. Gayunpaman, kung ang pag-uusapan ay ang kalusugan ng puso at pagpigil sa mga sakit, nananatiling hindi malinaw ang epekto ng mga vitamins. Ito ay dahil wala pang pag-aaral ang nakatutuklas sa malinaw na ugnayan ng vitamins at sa pagpapababa ng tyansa ng pagkakaroon ng sakit sa puso.
Ano pa man, hindi ito nangangahulugang hindi nangangailangan ng vitamins para sa puso. May tiyak na vitamins upang mapalakas ang kalusugan ng puso. Mahalagang masiguradong mayroon kang sapat ng vitamins araw-araw.
Vitamin C At Vitamin E
May mga tiyak na pag-aaral na nagpapakita na ang vitamin C at vitamin E ay may benepisyo sa pagpapababa ng tyansa ng pagkakaroon ng mga problema sa puso. Gayunpaman, wala pang mas malawakang pag-aaral ang nagpapakita ng anomang tiyak ebidensya.
Sa kabila nito, ang vitamin C ay nakapagpapababa ng lebel ng cholesterol at triglycerides, na may kaugnayan sa sakit sa puso. Natuklasan ding ang vitamin E ay nakapagpapababa rin ng lebel ng cholesterol sa dugo. Nangangahulugan itong ang pag-inom ng vitamin C at E ay maaaring may ilang benepisyo sa puso ng tao.
Dapat kang uminom ng 500mg ng vitamin C na pinakamataas, at 400 IU o halos 268mg ng vitamin E araw-araw.
Vitamin D
Kabilang ang vitamin D sa mga bitaming nakatutulong sa pagpapatibay ng puso. Natuklasang nakatutulong ito sa pagkontrol ng blood pressure. Ayon sa ilang pag-aaral, ang kakulangan sa vitamin D ay may kaugnayan sa pagtaas ng tyansa ng atake sa puso.
Mainam na mapagkunan ng vitamin D ang gatas, yogurt, keso, pulang karne, pula ng itlog, at atay.
Vitamin B9
Kilala rin bilang folic acid, ang vitamin B9 ay natuklasang nakatutulong sa pagpapalakas ng kalusugan ng puso. Gayunpaman, natuklasan lamang ito sa pamamagitan ng population studies, at kinakailangan pa ng maraming pananaliksik upang malaman ang mga epekto nito sa puso.
Ang folic acid ay nananatiling mahalaga na makukuha sa broccoli, brussel sprouts, at maging sa mga madadahong gulay.
Vitamin B12
Ang vitamin B12, na makikita sa karne, isda, at mga dairy na produkto, ay makatutulong upang mabawasan ang tyansa ng pagkakaroon ng sakit sa puso. Ito ay dahil napatunayan ng ilang mga pag-aaral na ang kakulangan sa vitamin B12 ay may kaugnayan sa mataas na tyansa ng pagkakaroon ng sakit sa puso. Gayunpaman, ang mas malinaw na ugnayan nito ay hindi pa matutuklasan.
Pinakamainam Na Makuha Ang Vitamins Para Sa Puso Mula Sa Pagkain
Bagama’t ang pag-inom ng vitamins ay madali at agad na mabibili, mainam pa ring makuha ang vitamins na ito mula sa mga pagkain. Ito ay dahil kung makukuha ang vitamins mula sa pagkain, madalas na mas madali itong masipsip ng katawan.
Sa ilang mga kaso, ang pag-inom ng labis na supplements ay maaari ding maging sanhi ng overdose. Bagama’t hindi lahat ng vitamins ay nakasasama kung iinumin nang maramihan, hindi pa rin mainam na ideya ang pag-inom ng maraming vitamins na higit pa sa pangangailangan ng iyong katawan.
Hangga’t maaari, subukang magkaroon ng vitamins na ito sa pamamagitan ng isang malusog na diet. Subukang magdagdag ng mga prutas at gulay sa iyong kinakain upang makuha ang nutrisyon ng mga ito.
Kung sa ilang mga kadahilanan, hindi ka makakuha ng tiyak na vitamin, maaari kang uminom ng mga supplement. Mainam ding ideya ang pagkonsulta sa doktor tungkol sa pag-inom ng supplements upang mabigyan ka ng payo sa ligtas na pag-inom ng mga ito.
Hangga’t maaari, mainam pa ring subukan o kumuha ng vitamins mula sa mga natural na pagkain. Makipag-ugnayan sa iyong doktor at dietitian o nutritionist upang magkaroon ng plano sa pagkain na angkop sa iyong paraan ng pamumuhay. Sila ang makapagbibigay ng pinakamainam na mungkahi kung anong vitamin ang nakapagpapalakas ng puso.
Matuto pa tungkol sa Kalusugan sa Puso dito.