Mahalaga ang kolesterol sa katawan dahil responsable ito sa pagbuo ng healthy cells. Gayunpaman, ang pagkakaroon ng mataas na kolesterol ay maaaring mag-trigger ng maraming problema sa kalusugan. Ang mga epekto ng mataas na kolesterol sa katawan ay mula mild hanggang severe. At bagaman ang ilang mga komplikasyon ay nababaligtad, ang iba ay maaaring tumagal habambuhay kung hindi ginagamot. Narito ang kailangan mong malaman.
Mataas na Kolesterol
Ang mataas na kolesterol ay nangyayari kapag may masyadong maraming low-density lipoprotein (LDL) o masamang kolesterol sa dugo, na nagtatakda ng pagbuo ng mga fatty deposit sa mga daluyan ng dugo. Kapag ang taba ay patuloy na naipon sa blood vessels, pinipigilan nito ang daloy ng dugo sa arteries. Ito ay nagiging sanhi ng pinsala sa paglipas ng panahon.
Karaniwang napapamahalaan ang mataas na kolesterol. Kailangan nito ng pagbabago sa pamumuhay, mga gamot, at paggamot sa isang tao na may mataas na kolesterol upang dahan-dahang bumuti ang kalagayan. Gayunpaman, ang mga taong may hindi makontrol na antas ng kolesterol ay dapat na maingat na i-monitor. Dahil may mas malaking panganib sila na magkaroon ng iba’t ibang mga komplikasyon.
Mga sintomas ng mataas na kolesterol
Ang mga taong may mataas na kolesterol ay kadalasang hindi nagpapakita ng anumang mga palatandaan o sintomas ng babala. Karaniwan, malalaman lamang ito ng mga taong may ganitong kondisyon pagkatapos ng serye ng laboratory tests at konsultasyon.
Sa ilang mga kaso, ang pagkakaroon ng mataas na kolesterol ay nalalaman lamang kapag ang isang tao ay dumanas ng atake sa puso o stroke. Ang normal at malusog na antas ng kolesterol sa mga nasa hustong gulang ay humigit-kumulang 200 milligrams bawat deciliter (mg/dL). Ang mataas na kolesterol naman ay humigit-kumulang 240 mg/dL at mas mataas.
Inirerekomenda ng mga doktor ang regular na pag-check ng kolesterol. Ito ay sa mga taong patuloy na may high blood pressure, mga sobra sa timbang, napakataba, heavy smokers, at may family history. Ito ay dahil mas malamang na makaranas sila ng mataas na kolesterol kaysa sa iba.
Epekto ng Mataas na Kolesterol sa Katawan
Karamihan sa mga tao ay hindi alam, bukod sa puso, na ang mataas na kolesterol ay maaari ding magdulot ng mga negatibong epekto sa ibang organs sa katawan. Narito ang ilang epekto ng mataas na kolesterol sa katawan na dapat nating malaman.
Ang Puso (circulatory system)
Ang pinakakaraniwang komplikasyon ng mataas na kolesterol ay may kinalaman sa puso at sa circulatory system.
Kapag naiipon ang mga taba sa arteries, puede itong maging sanhi ng pagbabara at makaapekto sa flexibility ng arteries. Ito ay tinatawag na atherosclerosis o ang pagtigas ng mga ugat.
Ang atherosclerosis ay maaaring humantong sa mas malalang mga problema sa cardiovascular tulad ng coronary heart disease (pagkitid ng arteries). Dahil sa pagkitid ng arteries, mababawasan ang daloy ng dugo sa puso. Ito ay nauuwi sa pananakit ng dibdib o angina.
Kapag nagpatuloy ang angina, maaari nitong tuluyang higpitan ang daloy ng dugo sa puso na isang maagang senyales ng posibleng atake sa puso o pagpalya ng puso.
Ang utak (nervous system)
Alam mo ba na 25% ng kolesterol ng katawan ay nasa utak? Gayundin, ang utak ay gumagawa ng sarili nitong kolesterol sa halip na kunin ang kolesterol na ginawa ng atay.
Kolesterol ang isa sa pinakamahalagang elemento ng utak upang ito ay gumana nang maayos. Sinisigurado nito na ang mga neuron ay kayang makipag-usap at makipagpalitan ng mga electric signal sa isa’t isa.
Ano ang epekto ng mataas na kolesterol? Tulad ng iba pang bahagi ng katawan, ang sobrang kolesterol ay maaaring makapinsala sa utak at buong nervous system. Ang labis na kolesterol sa arteries na humahantong sa utak ay maaaring magresulta sa stroke o biglaang pagbara sa suplay ng dugo sa utak.
Maaaring magdulot ng seryosong pinsala sa utak ang pagkagambala ng daloy ng dugo sa utak. Pwede itong makaapekto sa cognitive skills, paggalaw, pagsasalita at iba pang developmental at physical skills.
Ayon sa isa pang pag-aaral mula 2011, ang mataas na kolesterol ay lubos na nauugnay sa brain plaques na nag-trigger ng Alzheimer’s disease. Ibig sabihin, ang mga taong may mataas na kolesterol ay mas malamang na magkaroon ng Alzheimer sa hinaharap.
Mahalaga ang karagdagang research sa hinaharap. Ito ay upang magbigay ng higit na katibayan ng kaugnayan sa pagitan ng mataas na kolesterol at Alzheimer’s disease.
Ang kolesterol ay isang mahalagang salik sa synthesis ng acids ng apdo—isang digestive fluid na tumutulong sa bituka na mapiraso ang pagkain at sumipsip ng mga sustansya. Sa kabilang banda, ang labis na kolesterol sa apdo ay humahantong sa pagbuo ng mga kristal at pagbuo ng mga bato sa apdo.
Ang mga bato sa apdo ay lubhang masakit, lalo na sa bahagi ng tiyan at likod. Maaari rin itong magdulot ng malubhang komplikasyon, tulad ng pancreatitis (pamamaga ng pancreas) at kanser sa gallbladder.
Ang mga mata (ocular system)
Ang isa pa sa epekto ng mataas na kolesterol ay maaari ding magkaroon ng mga nakakapinsalang epekto sa iyong mga mata at paningin. Ayon sa isang pag-aaral sa JAMA Ophthalmology journal, ang taong may mataas na kolesterol ay may mas mataas na panganib na magkaroon ng primary open-angle glaucoma o visual field loss. Kung ang plaque, ay bumara sa isa sa malilit na arteries sa loob ng mata, ito ay maaaring maging sanhi ng permanenteng pagkabulag. Dahil ito sa kakulangan ng daloy ng dugo sa retina. Kilala ito na Hollenhorst plaque.
Ang mga taong wala pang 45 years ola na may mataas na kolesterol ay maaaring magkaroon ng bluish ring (arcus senilis) sa paligid ng kanilang cornea. Karaniwan, lilitaw ang arcus senilis habang tumatanda ka, ngunit maaaring mas maaga itong makuha ng ilang indibidwal dahil sa mga deposito ng kolesterol sa mga mata.
Pinakamabuting kumonsulta sa doktor para sa tamang diagnosis. Dahil ang arcus senilis sa mas batang edad ay hindi palaging nangangahulugan na may mataas na kolesterol ang isang tao. Ang arcus senilis ay karaniwang hindi nakakapinsala at hindi nagdudulot ng anumang mga komplikasyon, dahil ito ay normal na bahagi ng pagtanda.
Gayunpaman, pinipili ng ibang tao ang operasyon upang alisin ang mga ito para sa aesthetic na layunin.
Ang balat (integumentary system)
Maaaring magkaroon ng eruptive xanthomatosis sa mga taong may di-makontrol na diabetes. Dahil ang kanilang triglyceride at kolesterol ay patuloy na napakataas. Ang mga taong may ganitong pambihirang kondisyon ng balat ay nagkakaroon ng maliliit na dilaw na bukol na may pulang mga halo sa kanilang mga katawan.
Ang labis na taba mula sa dugo ay kinokolekta sa ilalim ng balat. Nagreresulta ito sa pagbuo ng mga bukol na ito. Karaniwang gagaling ng kusa ang mga bukol na ito pagkatapos ng ilang linggo kapag bumaba ang mga antas ng kolesterol.
Key takeaways
Ang mga epekto ng mataas na kolesterol sa katawan ay iba-iba sa bawat tao. Kung natugunan kaagad ang kalagayan ng mga taong may mataas na kolesterol, ang mga negatibong epekto na binanggit ay mas malamang na hindi mangyari. Gayunpaman, kung ang mga antas ng kolesterol ay hindi pinangangasiwaan nang maayos, mataas ang tyansa ng isang tao na magkaroon ng mga komplikasyon na iyon sa hinaharap.
Matuto pa tungkol sa Cholesterol, dito.
[embed-health-tool-bmr]