Alam na natin na ang ang sobrang timbang ay hindi healthy. Pero alam mo rin ba na ang fat distribution ay mahalaga? Ayon sa mga eksperto, kung mas malaki ang waistline mo, mas mataas ang health risks. Dahil sa mga ito, alamin natin ngayon kung paano paliitin ang tiyan.
Subcutaneous at Visceral Fats
Bago tayo magpatuloy sa mga paraan upang mabawasan ang taba ng tiyan, linawin muna natin ang isang bagay: Hindi lahat ng taba ay masama. Ang taba sa katawan ay nag-iimbak ng enerhiya, nagbibigay ng insulation, kumokontrol at gumagawa ng mga hormone. Bukod dito, ang taba ay nagsisilbing padding, na nagpoprotekta sa ating organs.
Ito ang dahilan kung bakit hinihikayat tayo ng mga doktor na kumain ng sapat na dami ng taba. Makukuha natin ito sa matatabang isda, mani at buto, avocado, at healthy cooking oils.
Kung may mabuti at masamang taba sa nutrisyon, mayroon ding hindi nakakapinsala at mapanganib na taba sa katawan.
- Ang subcutaneous fat, na nasa ilalim lamang ng balat, ay karaniwang hindi nakakapinsala. Ito ang “jiggly” na taba na maaari mong hawakan gamit ang iyong mga daliri.
- Ang visceral fat naman ay hindi maabot. Ito ay nasa kaloob-looban, nakapalibot sa iyong mga internal organs. Ang pagtaas ng visceral fat ay nauugnay sa maraming mga panganib sa kalusugan.
Ang belly fat ay parehong may subcutaneous at visceral fat
Mga Panganib ng Pagdami ng Taba sa Tiyan
Mahalagang paliitin ang tiyan dahil sa health risks na nauugnay dito, kabilang ang:
- Mga sakit sa cardiovascular at hypertension
- Insulin resistance at type 2 diabetes
- Sleep apnea
- Colorectal cancer
- Premature death mula sa anumang dahilan
Paano Malalaman Kung Napakarami Mong Taba sa Tiyan
Ang pagsukat sa iyong tiyan ay mabuting paraan para malaman kung sobra-sobra ang taba sa tiyan.
Tumayo ng tuwid at sukatin ng measuring tape ang iyong hubad na tiyan. Ang tape ay dapat sa itaas lamang ng balakang mo at ito ay dapat sakto at hindi dapat masikip. Huminga muna, mag-exhale at saka sukatin. Huwag ipitin ang iyong tiyan.
Ang waistline ng mga lalaki ay hindi dapat lumampas sa 40 inches. Para sa mga babae, ang pinakamahusay na sukat ay mas mababa sa 35 inches.
Ayon sa mga eksperto, ang mga lalaki at babae na may higit sa 40 at 35 inches ang waistline ay may tinatawag na abdominal obesity.
Paano Paliitin ang Tiyan
Walang mabilisang solusyon kung paano paliitin ang tiyan. Kung gusto mong mabawasan ang taba sa tiyan mo, maaaring makatulong ang mga tip na ito:
Galaw-galaw
Malaking tulong ang ehersisyo sa pagpapaliit ng tiyan at pagbabawas ng abdominal obesity. Mag-takda ng hindi bababa sa 30 minutong moderate-intensity na pisikal na aktibidad araw-araw. Kung kaya mo pa, maaaring gawin itong isang oras sa isang araw.
Nakakatulong din ang strength training tulad ng resistance bands o pagbuhat ng weights. Subukang gawin ang mga ehersisyong ito nang hindi bababa sa dalawang beses sa isang linggo.
Mahalaga:
Uminom ng Katamtaman
Ang anumang uri ng alkohol ay naglalaman ng mga calorie, kaya ang labis na pag-inom ay maaaring maging sanhi ng pagdami ng taba ng tiyan.
Ang mga babae ay hindi dapat lumampas sa isang drink sa isang araw. At ang mga lalaki ay maaaring magkaroon ng dalawa araw-araw. Alamin dito kung ano ang “isang drink”.
Magkaroon ng Malusog na Diet
Ang malusog na diet ay may whole grains, lean protein, at iba’t ibang prutas at gulay. Pumili rin ng healthy source ng taba. Limitahan ang pagkain ng processed meat. Siyempre, maging maingat sa pag-inom ng matatamis na inumin.
Panghuli, huwag kalimutan na ang portion ng pagkain ay mahalaga.
[embed-health-tool-bmi]














