Posible nga ba ang pagkakaroon ng isang tao nang pigsa na may pigsa? Marahil ang ilan sa inyo ay natatakot sa magiging sagot sa tanong na ito. Itinuturing na isang malaking discomfort ang pagkakaroon ng pigsa o boil, dahil maaari kang makaranas ng pananakit ng katawan sa bahagi na nagtataglay ng pigsa. Sa oras na hindi ito mabigyan ng angkop na paggamot, maaari itong mauwi sa impeksyon, kaya naman mahalaga ang pagpapakonsulta sa doktor upang malaman ang iyong mga pangangailangan upang gumaling mula sa kondisyong ito.
Basahin ang artikulong ito para malaman ang sagot sa katanungan tungkol sa pagkakaroon ng pigsa sa mismong pigsa.
Bakit Nagkakaroon Ng Pigsa?
Ang boil ay dulot ng impeksyon sa hair follicle na matatagpuan sa balat. Ito ay kadalasang dulot ng staphylococcal bacteria, na maaaring pumasok sa mga hiwa o butas. Kung saan maaari silang mag-travel mula sa buhok papunta sa hair follicle ng isang tao.
Pigsa Na Tinubuan Ng Pigsa, Posible Nga Ba?
Kilala rin ang boil sa tawag na “furuncle” kung saan ito ang impeksyon sa balat na maaaring magdulot ng masakit at manana na umbok o pamamaga sa balat. Nagaganap ang pagkakaroon ng boil kapag may bakterya na nag-i-infect sa ating hair follicle.
Ang ating hair follicle ay isang sac sa ilalim ng ating balat kung saan tumutubo ang ating mga buhok. Dagdag pa rito, ayon na rin kay Dr. Jaeim Maranan, marami tayong hair follicles sa ating balat na nagtataglay ng oil gland.
“Kaya naman hindi posible na magkaroon ng pigsa galing sa mismong pigsa dahil nangyayari lamang ang pigsa sa bawat hair follicle na naimpeksyunan. Subalit, kahit hindi maaaring tumubo ang pigsa galing sa isa pang pigsa ay maaari silang magkumpol sa iisang lugar or area para maging isang malaking koleksyon ng nana. Ang medikal na term para dito ay carbuncle,” paglilinaw ni Dr. Jaeim.
Paano Nauuwi Sa Komplikasyon Ito?
Batay kay Dr. Jaeim nagkakaroon ng komplikasyon ang boil kung ito ay pumasok sa dugo at mag-travel sa ibang parte ng katawan na maaaring maging sanhi ng impeksyon, tulad ng impeksyon sa dugo (sepsis), sa puso (endocarditis), at buto (osteomyelitis).

Sinu-Sino Ang Nasa Risk Na Magkaroon?
Narito ang list ng mga taong nasa risk ng pagkakaroon ng boil:
- Taong may close contact sa taong may staphylococcus infection
- Diabetes
- Iba pang mga kondisyon sa balat
- Pagkakaroon ng mahina na resistensya
Anu-Ano Ang Mga Treatment Na Pwedeng Gamitin?
“Para masolusyonan ang pigsa,” pahayag ni Dr. Jaeim, “kailangan mapalabas o ma-drain ang nana para mawala ang sakit. Para matulungan mabuksan at mapalabas o ma-drain ang nana, maaaring magpatong ng malinis na bimpo na may maligamgam na tubig sa lugar kung nasaan ang pigsa. Kapag lumalamig na ang bimpo ay ireheat ito at ibalik ulit sa pigsa. Ulitin ito bawat 10 to 15 na minuto sa loob ng ilang oras. Siguraduhin na malinis ang kamay bago at matapos hawakan ang pigsa. Kapag ito ay nabuksan na at na-drain, ito ay gagaling na ng kusa, ngunit asahan na maaari itong umabot ng ilang linggo bago gumaling.”
Pagdaragdag din ni Dr. Jaeim magpakonsulta sa doktor kapag naranasan ang mga sumusunod:
- Ang pigsa ay hindi gumaling matapos subukan ang treatment sa bahay.
- Bumalik ang boil matapos gumaling.
- Ang pigsa ay nasa mukha or sa spine (or gitnang parte ng likod).
- Naging apektado na ang paningin.
- Hindi ito kusang gumaling matapos ang dalawang linggo.
- Nagkaroon ng lagnat habang may pigsa.
Key Takeaways
Sa mga taong may pigsa o furuncle, ipinapayo ang pagpapakonsulta sa doktor para sa wastong paggamot at treatment. Mahalaga ang pagpapatingin sa doktor upang maiwasan ang anumang medikal na komplikasyon. Maaaring magreseta ang iyong doktor ng iba’t ibang medications batay sa’yong kasalukuyang sitwasyon at kondisyon.