Ang mga bulaklak ay nagdudulot ng kasiyahan sa sinumang nakakakita rito. Pero alam mo ba na may ilang mga bulaklak na pwedeng gamitin para sa skincare routine mo? Matuto dito sa mga benepisyo ng calendula para sa balat.
Pinagmulan ng Calendula
Ang calendula (Calendula officinalis) ay karaniwang tinatawag na pot marigold. Kabilang ito sa pamilya ng daisies, chrysanthemums, at ragweed. Mula noong 12th century, ginamit na ng mga tao ang makulay na orange-yellow petals ng mga bulaklak para sa medicinal purposes.
Isa ito sa mga halamang may chemical properties na sinasabing potensyal na tumulong sa paglaki ng bagong tissue sa mga sugat at bawasan ang pamamaga sa bibig at lalamunan. Nakaugalian na itong gamitin sa paggamot sa pananakit ng tiyan at ulcers pati na rin para paginhawahin ang menstrual pain. Gayunpaman, wala pa ring pananaliksik upang patunayan ang mga claim na ito. Ngayon, isinasaalang-alang ito ng mga tao dahil sa iba’t ibang mga benepisyo ng calendula para sa balat na magagamit sa pamamagitan ng ilang mga produkto.
Mga Benepisyo ng Calendula para sa Balat
Ang bulaklak ng calendula ay malawakang ginagamit para gamutin ang maraming karamdaman tulad ng sugat, pantal, impeksyon, pati na rin ang pamamaga ng balat.
Calendula para sa balat: Nakatutulong sa Pagpapagaling ng Sugat at Ulcer sa Balat
Ang isa sa mga kapansin-pansing benepisyo sa balat ng calendula ay ang kakayahang pagalingin ang mga paso, hiwa, at maging mga pasa, gayundin upang labanan ang mga maliliit na impeksyon.
Ipinakita ng mga pag-aaral sa hayop na ang calendula ay tumutulong sa mga sugat na gumaling nang mas mabilis. Ito ay posibleng sa pamamagitan ng pagtaas ng dami ng dugo sa napinsalang bahagi at pagtulong sa katawan sa pagbuo ng bagong tissue.
Bukod dito, nagbibigay din ito ng ilang mga nakapapawi na epekto dahil sa mga anti-inflammatory properties nito. Ang calendula ay may mataas na konsentrasyon ng flavonoids. Ito ay plant-based antioxidants na nagbibigay ng proteksyon sa mula sa posibleng pinsala sa free radical. Kaya mabisa ito laban sa pamamaga, mga virus, at bakterya.
Ayon sa isang test-tube study, napabuti ng calendula extract ang produksyon ng collagen habang patuloy na gumagaling ang mga sugat. Ang collagen ay isang uri ng protina na mahalaga sa pagbuo ng bagong balat.
Sa isang 12-linggong pag-aaral ng 57 katao, 72% ng mga binigyan ng calendula extract ay gumaling sa venous leg ulcers. Ito ay kumpara sa 32% sa control group. Bukod pa rito, 78% ng mga kalahok sa isang 30-linggong pag-aaral ng 41 na adults na may diabetes-related foot ulcers ay nagpakita ng magandang pagsasara ng sugat pagkatapos ng araw-araw na paggamot ng calendula spray.