Napansin mong nagbago ang kulay ng isang parte ng iyong balat. Hindi mo sigurado kung ano ito o bakit ito nangyari, ngunit marami ang nakapagsabi na ito ay maaaring sanhi ng namumuong dugo. Mayroon din namang nagsasabi na ito ay maaaring hematoma. Makatutulong ang artikulong ito upang matukoy mo ang pagkakaiba ng dalawang kondisyon at magamot ito sa lalong madaling panahon.
Ano Ang Namumuong Dugo?
Tulad ng iminumungkahi ng pangalan, ang namumuong dugo ay tumutukoy sa gel-like connections ng dugo. Ito ay kinikilala bilang blood clot sa Ingles. Nabubuo ang mga ito sa iyong mga ugat o artery kapag ang dugo ay nagbabago mula sa likido hanggang sa bahagyang solid.
Ang clotting ay isang normal na proseso na pumipigil sa iyong katawan mula sa labis na pagdurugo kapag ikaw ay nasaktan. Gayunpaman, ang mga clots ay minsang nabubuo sa loob ng mga vessels nang walang halatang pinsala o hindi kusang nawawala. Ang mga ganitong sitwasyong ay maaaring maging mapanganib. Kung kaya, nangangailangan ng angkop na pagsusuri ng mga sintomas at paggamot.
Tinatawag itong thrombus kapag nagkaroon ka ng pamumuo kung saan hindi dapat ito mangyari. Ito ay maaaring manatili sa isang lugar (tinatawag na thrombosis) o lumipat sa katawan (tinatawag na embolism o thromboembolism). Samantala, ang mga clots ay maaaring kilalanin bilang arterial clots o venous clots ayon sa lugar kung saan ito naganap.
Ang mga sumusunod na salik ay nagpapataas ng iyong panganib na magkaroon ng namumuong dugo:
- Obesity
- Pagbubuntis
- Kawalang-kilos (kabilang ang matagal na kawalan ng aktibidad, pag-upo, pagpahinga, o mahabang biyahe)
- Paninigarilyo
- Mga oral contraceptives
- Ilang mga kanser
- Trauma
- Ilang mga operasyon
- Edad (mas mataas na panganib para sa mga taong higit sa 60 taong gulang)
- Family history
- Chronic inflammatory conditions
- Diabetes
- Altapresyon
- Mataas na kolesterol
- Naunang central line replacement
Ano Ang Hematoma?
Sa kabilang banda naman, ang hematoma ay isang pool ng namumuong dugo sa isang organ, tissue, o saanman sa katawan. Ito ay kadalasang kinikilala bilang pasa na sanhi ng sirang daluyan ng dugo buhat ng operasyon o pinsala. Karamihan sa mga ito ay maliit at kusang nawawala, ngunit ang ilan ay maaaring kailanganin na alisin sa pamamagitan ng operasyon. Ang hematoma na makikita sa utak ay isang halimbawa nito.
Nabubuo ang isang pasa kapag nasira ng isang pinsala ang mga daluyan ng dugo malapit sa ibabaw ng iyong balat. Ito ang nagpapahintulot sa kaunting dugo na tumagas sa mga tissue sa ilalim ng iyong balat. Ang nakulong na dugo ay maaaring magdulot ng naturang pasa na sa una ay parang isang itim-at-asul na marka. Nagbabago rin ang kulay nito habang patuloy na gumagaling.
Madalas mangyari ang mga pasa sa mga kababaihan marahil mas madali silang kapitan nito kaysa sa iba. Habang tumatanda ang mga tao, nagiging manipis ang balat at nawawala ang ilan sa proteksyon na fatty layer na nagsisilbing cushion para sa mga daluyan ng dugo mula sa mga pinsala.
May ilang mga salik na maaaring magpataas ng iyong panganib sa naturang kondisyon, kabilang ang mga sumusunod:
- Pagtanda (habang tumatanda lumalaki ang posibilidad ng pagkakaroon ng mga pasa)
- Bleeding disorders (tulad ng hemophilia)
- Thrombocytopenia
- Alcohol use disorder
- Liver diseases
- Vitamin C o K deficiency
- Malubhang viral infection
- Blood cancer
Paano Nagagamot Ang Namumuong Dugo At Hematoma?
Ang mga namumuong dugo ay mayroon iba’t ibang paraan ng paggamot depende sa lokasyon nito at kasalukuyan estado ng iyong kalusugan. Ito ang dahilan kung bakit nangangailangan ng pagkonsulta sa iyong doktor.
Ilan sa mga gamot na maaari niyang irekomenda o ireseta sa iyo ay ang mga sumusunod:
- Medication (tulad ng anticoagulants o blood thinners, at thrombolytics na nakapagtutunaw ng mga namumuong dugo)
- Compression stockings
- Stents
- Surgical operation (tulad ng catheter-directed thrombolysis at thrombectomy)
- Vena cava filters
Samantala, para naman sa hematoma o mga pasa, makatutulong ang pagsasagawa ng RICE method upang humupa ang pamamaga nito:
- Rest. Ipahinga at protektahan ang bruised area.
- Ice. Maglagay ng yelo o ice pack sa lugar sa loob ng 10 hanggang 20 minuto. Ulitin ito ng ilang beses sa isang araw kung kinakailangan.
- Compress. I-compress ang naturang bahagi kung ito ay namamaga, gamit ang isang elastic bandage. Huwag ito masyado sikipan.
- Elevate. Subukang panatilihin itong mas mataas sa antas ng iyong puso. Makakatulong ito na mabawasan ang pamamaga.
Kung ang iyong balat ay hindi nasira, hindi mo kailangan ng bandage. Maaari ka ring uminom ng over-the-counter na pain reliever kung kinakailangan.
Key Takeaways
Madalas na naihahalintulad ang namumuong dugo at hematoma sa isa’t isa marahil pareho itong nagdudulot ng kapansin-pansing pagbabago ng kulay ng balat. Subalit, mahalagang maunawaan ang dahilan ng skin discoloration sa bawat kondisyon. Malaki ang maitutulong ng angkop na pagsusuri kung ano ang mayroon ka upang magkaroon din ng karampatang paggamot. Huwag kalimutang kumunsulta sa iyong doktor tungkol dito.
Alamin ang iba pa tungkol sa Kalusugan ng Balat dito.