Hindi makakaila na sobrang “uncomfy” sa pakiramdam ng isang tao ang pagkakaroon ng magaspang na balat, dahil sa friction, pangangati, at pamumula na pwedeng maranasan ng isang indibidwal sa kanyang rough skin. Kaya naman ang kadalasang tanong tuloy ng karamihan ay kung bakit at paano nga ba tayo nagkakaroon ng magaspang na balat?
Sa katunayan, napakahalagang masagot ng tanong na ito upang mabigyan ng wastong treatment ang ating mga balat, lalo na kung nakakaranas ka ng mga pagsusugat dahil sa pagkakaroon mo ng magaspang at tuyong balat.
Kaya’t ano pa ang hinihintay mo? Basahin ang artikulong ito para malaman ang sagot sa iyong mga katanungan tungkol sa magaspang na balat.
Pag-Unawa Sa Magaspang Na Balat
Kapag ikaw ay nakakaranas ng magaspang na balat, kadalasan ay nakakaramdam ka ng friction sa paghawak mo sa sariling balat. Maaari kang magkaroon ng rough skin sa anumang bahagi ng iyong katawan gaya ng mukha, braso, at paa.
Sinasabi na pwedeng resulta ng pagkakaroon mo ng likas na dry skin ang pagiging magaspang ng iyong mga balat. Kaya naman madalas na ipinapayo sa mga taong may rough skin ang pag-inom ng tubig upang maging hydrated ang balat.
Bakit May Taong May Magaspang Na Balat?
Maraming factors kung bakit nagiging magaspang ang balat ng isang tao at narito ang mga sumusunod:
- Skin allergies
- Kondisyon sa balat tulad ng eczema
- Dehydrated o kulang sa tubig ang katawan ng isang tao
- Pagkakaroon ng build-up ng dead skin cells
- Kakulangan ng angkop na paggamit ng skincare products o kawalan ng paggamit sa mga ito gaya ng lotion
- Labis na pagkakamot
- Pagkakaroon ng maraming mga sugat
- Hindi pagbibigay ng wastong treatment para sa mga galos, injury, at sugat
- Matinding pagkakabilad o exposure sa araw
Ang pagkakaroon ng rough skin ay pwedeng makita rin sa anyo ng dry patches sa iba’t ibang bahagi ng katawan ng tao. Maaaring gumaspang ang balat ng kahit na sinong indibidwal anuman ang kanilang edad at kasarian. Sapagkat, ang rough skin ay isang karaniwang skin condition na maaaring taglayin ng bawat isa sa atin. Ngunit, huwag kang mag-alala dahil maraming paraan para maiwasan ang pagiging magaspang ng mga balat at gawing smooth ang ating skin.
Mga Paraan Para Hindi Maging Magaspang Ang Ating Mga Balat
- Uminom ng tubig ayon sa wastong dami na dapat na kokonsumo ng tao (8-10 baso kada araw).
- Maligo lamang sa loob ng 5-10 minuto para hindi matanggal ang lahat ng natural oils mo sa balat na sanhi para mawala ang likas na moisture nito.
- Para hindi masira ang balat, iwasan ang labis na paggamit ng bath sponges at scrub brushes.
- Maging marahan sa pagkukuskos ng balat kapag naliligo.
- Gumamit ng angkop na lotion para sa’yong balat.
- Iwasan ang pagsusuot ng mga damit na masikip na pwedeng maging dahilan ng pagkairita ng balat at friction.
Paano Ginagamot Ang Rough Skin?
Sa pagbibigay ng treatment sa ating balat, mahalaga na malaman muna natin ang root cause kung bakit nagiging magaspang ang ating skin. Maganda kung ikaw ay makikipag-usap sa’yong doktor o dermatologist para sa pagkakaroon ng tamang diagnosis at paggamot. Maaari kasing maging iba-iba ang paraan ng paggamot na gagawin sa bawat tao dahil sa mga sumusunod na factors:
- Skin types
- Allergy
- Medikal na kondisyon
- Mga kasalukuyang gamot na iniinom
Kung ikaw ay pagpapatingin sa doktor maaari silang magreseta ng mga sumusunod:
- Ointment
- Cream
- Lotion
- Mga gamot sa allergy
Maaari rin na magsagawa ng mga home remedy sa pagbibigay ng treatment sa balat gaya ng pag-inom ng tubig at pagpapanatili sa kalinisan ng ating mga balat.
Key Takeaways
Siguraduhin na sapat na nakakakuha ng nutrisyon at tubig ang iyong katawan upang maiwasan ang pagkakaroon ng magaspang at tuyong balat. Maganda rin na magpakonsulta sa isang eksperto at dermatologist para mas mapangalagaan ang ating balat at ito’y mas maging malusog. Hindi ka rin dapat mabahala kung naging magaspang ang iyong balat dahil maraming mga paraan upang gawing healthy muli ang iyong skin.
Matuto pa tungkol sa Kalusugan ng Balat dito.