Nakadisenyo ang ating katawan sa paraang nangangailangan ng araw. Ngunit maaaring negatibo o positibo sa kalusugan ang epekto ng araw sa balat.
Dahil sa liwanag ng araw, napapanatili nating gising ang sarili tuwing daylight hours, at mataimtim tayong nakatutulog sa gabi. May mga tao ring na-de-depress kapag hindi sila nakakakuha ng sapat na liwanag mula sa araw sa loob ng mahabang oras.
Ngunit may kaugnay ring kapahamakan ang sinag ng araw gaya ng mapaminsalang ultraviolet (UV) rays na pwedeng maging sanhi ng pagkasira ng balat. Madali tayong malito kung kailan sobra o kulang ang init ng araw na ating kailangan.
Ang pag-unawa sa epekto ng araw sa balat ang pinakamagandang paraan upang malaman kung gaano karaming araw ang dapat mong makuha, at ano ang pwede mong gawin upang maprotektahan ang sarili.
Mga Positibo At Negatibong Epekto Ng Araw Sa Balat
Mga Uri Ng UV Light
Kilala ang sunlight bilang ilaw na ibinubuga ng araw. Gayunpaman, alam mo bang ang sunlight ay binubuo ng parehong nakikita (visible) at hindi nakikitang (invisible) rays at waves? Ang longer waves gaya ng radio waves ay walang naidudulot na panganib sa tao.
Sa kabilang banda, ang shorter waves, kasama rito ang ultraviolet (UV) light, ay kayang makalusot sa atmospera ng mundo at magdulot ng positibo at negatibong epekto ng araw sa balat ng tao.
May tatlong karaniwang klase ng UV light na nakakaabot sa surface ng mundo:
- UVA rays: Mas mahaba ang wavelength nito. Ibig sabihin, kaya nitong makapasok sa gitnang layer ng iyong balat o sa dermis. Ito rin ang kadalasang uri ng sinag ng araw na iyong nakukuha.
- UVB rays: Mas maikli ang wavelength nito. Ibig sabihin, kaya lang nitong makaabot sa outer layer ng iyong balat na tinatawag na epidermis.
- UVC rays: Ito ang may pinakamataas na enerhiya sa lahat ng uri ng UV rays. Ngunit nahaharangan ito ng ozone layer kaya’t hindi umaabot ang mundo.
Gayunpaman, hindi naman lubusang walang laban ang katawan sa UVA at UVB rays. Ang melanin na inilalabas sa epidermis ang pumoprotekta sa balat mula sa UV rays. Kung napansin mong naging tan ang kulay ng iyong balat matapos mabilad sa araw, ito ay dahil ginagawa ng melanin ang kanyang trabaho.
Mga Positibong Epekto Ng Araw Sa Balat
Hindi ibig sabihin na may mga negatibong epekto sa balat ang UV rays kaya’t iiwasan mo na ito nang lubusan. May mahalagang gampanin ang sinag ng araw sa ilang natural functions ng ating mga katawan. Narito ang mga mabuting epekto ng araw sa balat at kung bakit kailangan mo nito sa ilang pagkakataon.
Ang Pagbibilad Sa Araw Ay Nakatutulong Sa Pagkakaroon Ng Malusog Na Mga Buto
Ang tamang dami ng UV rays o sinag ng araw ay kailangan upang magkaroon ng vitamin D ang katawan. Tinutulungan ng vitamin D ang katawang tumanggap ng calcium at phosphate mula sa mga kinakain. Nakatutulong ang mga mineral na calcium at phosphate sa pagbuo ng malulusog na buto, ngipin, at muscles.
Ang kinakailangang vitamin D ng katawan sa araw-araw ay makukuha sa pamamagitan ng 10 – 15 minutong pagbibilad sa araw. Nakatutulong ang pagbibilad upang maiwasan ang rickets, isang sakit na sanhi ng kakulangan sa vitamin D.
Nakatutulong Ang Pagbibilad Sa Araw Upang Gumanda Ang Iyong Pakiramdam
Hindi mo ba napapansin na mas masaya ang mga tao tuwing panahon ng tag-araw? Posibleng dahil nakakukuha ang mga tao ng mas maraming araw kaysa sa karaniwang nangyayari sa kanila. Sinasabi ng pag-aaral na nakakapag-stimulate ng pineal gland ang exposure sa araw. Ang pineal gland ay matatagpuan sa utak na responsable sa paggawa ng happy hormone na serotonin.
Nakapagpapagaling Ng Ilang Kondisyong Medikal
Bahagi ng gamutan para sa isang kondisyon sa balat na tinatawag na psoriasis ang exposure sa UV rays. Isa itong chronic disease na nagdudulot ng red at patchy skin na lumilitaw sa ilang bahagi ng katawan. Ang tawag sa gamutang ito ay “phototherapy”, na kadalasang ginagamitan ng artificial UV rays o ng natural na sinag ng araw.
Nakatutulong Sa Paggamot Ng Seasonal Depression
Ang seasonal depression o Seasonal Affective Disorder (SAD) ay isang uri ng depression na kadalasang sanhi ng pagbabago sa panahon. Puwedeng makatulong ang light therapy o ang exposure sa araw pagkagising upang mabawasan ang ilang sintomas na kaugnay ng SAD.
Masasamang Epekto Ng Araw Sa Balat
Ang sobrang pagbibilad sa araw o sa UV rays ay puwedeng makasira sa elasticity ng balat na dahilan upang maging mahina ito sa paglaban sa epekto ng pagtanda. Narito ang ilan pang masasamang epekto ng sobrang pagbibilad sa araw:
Maaaring Magdulot Ng Heat Exhaustion o Heat Stroke Ang Pagbibilad Sa Araw
Kung matagal kang nagtatrabaho o nakabilad sa araw nang walang tamang proteksyon o hydration, maaari kang ma-heatstroke. Puwede itong maging banta sa iyong buhay kung hindi agad maaagapan.