Dulot ng regular na exposure ng balat sa bacteria at pawis, maaari itong kapitan ng mga sakit at iba pang kondisyon. Dahil sa mga kondisyong ito na nakaaapekto sa milyon-milyong tao sa buong mundo, itinuturing ng World Health Organization ang skin conditions na isa sa mga pinakalaganap na isyung pangkalusugan. Isa sa mga karaniwang skin conditions ang contact dermatitis (CD). Upang magkaroon pa ng higit na kaalaman tungkol sa kondisyong ito, mula sa mga sintomas nito hanggang sa gamot sa contact dermatitis, basahin ang artikulong ito.
Ano Ang Contact Dermatitis?
Ang Contact dermatitis (CD) o contact eczema ay isang uri ng eczema sa balat na nasa anyong makati at mapulang pantal na maaaring makaliskis. Puwedeng mangyari ito dahil sa iba’t ibang dahilan gaya ng direktang contact sa makapaminsalang kemikal, o isang allergic reaction.
Irritant Contact Dermatitis
Ito ang uri ng contact dermatitis na non-allergic. Ibig sabihin, dulot ito ng friction (matinding pagkaskas ng anumang bagay sa balat), salik pangkapaligiran (halumigmig, klima, o temperatura), o iritasyon sa mga kemikal (adhesives o solvents).
Allergic Contact Dermatitis
Ito ang uri ng contact dermatitis na dulot ng direktang contact sa isang allergen. Di tulad ng irritant contact dermatitis, ilang araw o ilang linggo ang lumilipas bago lumabas ang mga sintomas ng ganitong uri ng CD. Gayunpaman, maaaring hindi rin agad mag-react ang balat sa unang beses na ma-expose ito sa allergen.
Ano Ang Mga Sanhi Ng Contact Dermatitis?
Ang contact dermatitis ay sanhi ng isang irritant o allergen na may direktang contact sa balat. May ilang mga substance na puwedeng maging sanhi ng systemic dermatitis sa pamamagitan ng paglunok (ingestion).
- Pesticides, fertilizers, o ang mismong halaman
- Solvents na natatagpuan sa mga pintura o pandikit, at mga substance na airborne
- Rubbing alcohol at mga produktong ginagamit sa paglalaba gaya ng bleach o detergent
- Mga shampoo na may Sodium Lauryl Sulfate, na maaaring makairita sa sensitibong balat
Narito rin ang karaniwang allergens na maaaring maging sanhi ng allergic contact dermatitis:
- Mga substance na nag-re-react sa liwanag ng araw gaya ng sunscreen (photoallergic contact dermatitis)
- Nickel sa mga alahas o barya, cosmetics, nail polish, at deodorant
- Medication
- Produktong nagtataglay ng Balsam of Peru at/o formaldehyde
Mga Sintomas At Panganib
Mga Sintomas Ng Contact Dermatitis
Maaaring lumabas agad ang mga sintomas ng contact dermatitis sa loob ng ilang oras matapos ng direktang contact sa isang allergen o irritant. Ang resulta, lumalabas ang mga manipestasyon ng ganitong kondisyon sa mga bahagi ng balat na nakalantad.
Ang kadalasang dapat tingnang mga senyales at sintomas nito ay pangangati, pagbibitak-bitak, tuyo, o paltos sa balat na may kasamang pulang pantal, o paltos na may lumalabas na malinaw na likido. Gayunpaman, para sa may darker skin tones, maaaring magkaroon sila ng mga pantal na kulay gray, purple, o dark brown.
Bagaman maaaring lumitaw ang CD sa anumang bahagi ng katawan, kadalasang naaapektuhan nito ang mga kamay o mukha dahil ito ang mas madalas na nakalantad.
Mga Panganib Ng Contact Dermatitis
May mga taong mas malapit sa panganib ng pagkakaroon ng contact dermatitis lalo na kung ang trabaho nila ay nangangailangan ng madalas na contact sa mga irritant o allergen.
- Chefs at iba pang taong nagtatrabaho sa industriya ng pagkain
- Healthcare professionals
- Mga nagtatrabaho sa metalworking, konstruksyon, at agrikultura
- Professional cleaners, mechanics, cosmetologists, at hairdressers
Gamot Sa Contact Dermatitis at Paraan ng Pag-iwas
Gamot sa Contact Dermatitis
Sa oras na malaman ang pagkakaroon ng contact dermatitis, susubukan ng doktor o ng healthcare professional na matukoy ang substance na sanhi ng CD na ito. Kasama sa mga gamot sa contact dermatitis ang mga sumusunod:
- Ointments at creams na may corticosteroids
- Moisturizers (emollients) na nagpapanatiling hydrated ng balat
- Oral medication
Paraan Ng Pag-Iwas Sa Contact Dermatitis
Ang pag-alam kung saan sensitibo ang iyong balat at ang pag-iwas sa mga substance na ito ang pinakamagandang paraan upang maiwasan ang contact dermatitis. Gayunpaman, kung hindi ka nakatitiyak sa sanhi ng ilang reaksyong lumilitaw sa iyong balat, narito ang ilang paraan upang maiwasan ang contact dermatitis:
- Panatilihing malinis ang iyong balat. Kung nagkaroon ka ng contact sa anumang bagay na sa tingin mo ay allergic ka dito, hangga’t maaari, tiyaking mahugasan ang bahagi ng balat gamit ang sabon at tubig.
- Gumamit ng tamang protective gear. Kung bahagi ng trabaho mo ang paghawak ng irritants, tiyaking magsuot ng gloves, at iba pang protective equipment gaya ng goggles, o face mask.
- Mag-moisturize ng balat. Kung pakiramdam mong natutuyo ang iyong balat, o kahit pagkatapos mong maghugas ng kamay, tiyaking gumamit ng moisturizer.
Mahalagang Tandaan
Nagkakaroon ng contact dermatitis ang isang tao kapag nadidikit ang balat sa mga mapaminsalang allergen at irritant. Ang resulta, makati at namumulang mga pantal. Bagaman mild lang ang ganitong kondisyon, pwede rin itong maging sanhi ng discomfort at sakit (pain). Mabuti na lang, mayroong mga gamot sa contact dermatitis gaya ng ointments, moisturizers, at medication.
Matuto pa tungkol sa Kalusugan ng Balat dito.