Ayon sa World Health Organization, ang paninigarilyo ay pumapatay ng tinatayang walong milyon bawat taon. Ipinapakita rin ng data na 19% ng mga nasa hustong gulang sa buong mundo ay mga naninigarilyo, na ang mga lalaki ay mas malamang na manigarilyo kaysa sa mga babae. Ang paninigarilyo ay napatunayang nagdudulot ng napakaraming problema sa kalusugan tulad ng cancer. Ngunit ang mga numero ay nagpapakita na ang malaking bilang ng mga tao sa buong mundo ay pinipili pa ring manigarilyo. Ang mabuting balita ay hindi pa huli ang lahat para huminto. Ang mga benepisyo ng pagtigil ng paninigarilyo ay mararamdaman sa loob ng ilang minuto ng iyong huling sigarilyo.
Matuto nang higit pa tungkol sa paninigarilyo, at kung bakit napakaraming tao ang nahihirapang huminto.
Bakit nakakaadik ang Paninigarilyo?
Ang pagtigil ng paninigarilyo ay isang habit na mahirap alisin. Dahil karamihan sa mga sigarilyo ay naglalaman ng nikotina, isang highly addictive substance. Kung nasanay ang katawan mo sa paninigarilyo, magsisimula kang hanap-hanapin ito. At pagtagal ay magiging adik ka dito.
Karaniwang nag-eenjoy ang smokers sa paninigarilyo dahil binabago ng nikotina ang mga level ng dopamine at noradrenaline sa utak. Dahil dito, pansamantalang bumababa ang stress at anxiety levels. Kaya lang, mabilis na bumababa ang epekto ng nikotina. Kapag nasanay na ang katawan ng isang tao sa nikotina, kakailanganin nilang humithit ng mas maraming sigarilyo upang maramdaman ang parehong epekto. Ganito kung paano nalululong ang isang tao sa paninigarilyo.
Bukod sa nikotina, ang sigarilyo ay naglalaman din ng mga mapanganib na kemikal tulad ng:
- Arsenic – Isang naturally occurring substance na matatagpuan sa crust ng lupa, at ang inorganic form nito ay ginagamit upang ma-preserve ang kahoy. Ang matagal na pagkakalantad sa arsenic ay maaaring humantong sa pagkalason sa arsenic.
- Formaldehyde – Ang sangkap na ito ay karaniwang ginagamit bilang embalming fluid, ngunit matatagpuan din sa mga sigarilyo. Kapag nilalanghap, maaari itong magdulot ng pangangati sa mata, ilong, at lalamunan. Ang formaldehyde ay isa ring kilalang carcinogen.
- Cadmium – Isang uri ng metal ang cadmium na ginagamit sa mga baterya. Kapag ang cadmium ay nakapasok sa katawan ng tao, maaari itong makaapekto sa bato, respiratory, at maging sa skeletal system. Ang cadmium ay kilala rin na nagpapataas ng iyong posibilidad na magkaroon ng cancer.
- Tar – Nabubuo ang sangkap na ito kapag sinunog ang tabako sa mga sigarilyo. Ang tar ay lumilikha ng malagkit na layer sa loob ng baga kapag ito ay nilalanghap. At maaari itong humantong sa mga malubhang kondisyon sa paghinga tulad ng cancer.
Mga Epekto ng Paninigarilyo sa Iyong Kalusugan
Ang mga nakakapinsalang sangkap na matatagpuan sa mga sigarilyo ay simula pa lamang. Ang paninigarilyo ay maaaring magkaroon ng negatibong epekto sa iyong kalusugan tulad ng:
- Stroke: Nagpapakipot sa mga daluyan ng dugo ang paninigarilyo. Dahilan ito upang ang isang tao ay mas nanganganib na magkaroon ng high blood pressure at blood clots, na maaaring humantong sa stroke.
- Mga Sakit sa Baga: Ang paninigarilyo ay nakakasira sa alveoli sa baga na maaaring humantong sa iba’t ibang sakit sa baga, at maging sa lung cancer.
- Cancer: Nagdaragdag ng panganib ng isang tao na magkaroon ng cancer sa lahat ng bahagi ng katawan, hindi lamang sa baga.
- Fertility: Ang paninigarilyo ay nakakaapekto sa fertility ng isang tao, na ginagawang mas mahirap para sa kanila na magbuntis.
Benepisyo ng pagtigil ng paninigarilyo: Bakit Dapat Mong Tumigil
Isa sa mga pangunahing dahilan kung bakit dapat isipin ang pagtigil ay ang simpleng katotohanan na ito ay magdaragdag ng higit pang mga taon sa buhay mo. Isa sa mga pinakamahusay na benepisyo ng pagtigil sa paninigarilyo ay magiging ligtas mula sa mga nakakapinsalang epekto ng secondhand smoke ang iyong mga mahal sa buhay.
Para bigyan ka ng malinaw na larawan kung bakit ka dapat huminto sa paninigarilyo, narito ang mga benepisyo ng pagtigil sa paninigarilyo oras-oras:
- 20 minuto: Pagkatapos lamang ng 20 minuto mula noong huling sigarilyo mo, babalik sa normal ang iyong presyon ng dugo at tibok ng puso. Magsisimulang magtrabaho ang iyong mga baga upang alisin ang mga nakakapinsalang sangkap na nalanghap mo mula sa paninigarilyo.
- 8 oras: Kapag naabot mo na ang walong oras na marka, tataas ang antas ng oxygen sa iyong dugo. Inilalagay nito ang iyong katawan sa mas mababang panganib ng hindi paggana.
- 12 oras: Sa loob lamang ng 12 oras, babalik sa normal ang mga antas ng carbon monoxide sa iyong katawan. Nangangahulugan ito na ang iyong katawan ay magsisimulang magbigay ng dugong mayaman sa oxygen sa iyong mga cell.
- 24 na oras: Bumababa ang iyong panganib ng atake sa puso.
Pagtagal, kung magawa mong ganap na alisin ang paninigarilyo sa iyong buhay, maibabalik ng iyong katawan ang sarili sa isang malusog na estado. Isaisip ang mga benepisyo ng pagtigil sa paninigarilyo upang matulungan kang harapin ang pag-alis ng nikotina.
Side-Effects ng Nicotine Withdrawal
Kapag nasanay na ang katawan mo sa nikotina na nasa mga sigarilyo, maaaring maging mas mahirap na huminto sa paninigarilyo. Ito ay dahil dumadaan ka sa withdrawal. Sa unang linggo ng iyong mga pagtatangka na huminto, mararamdaman mo ang pagnanasang manigarilyo na maaaring magdulot sa iyo ng pagbabalik sa dati.
Ilang mga sintomas ng nicotine withdrawal:
- Nahihirapang mag-focus
- Pagkabalisa
- Insomnia, o putol-putol na tulog
- Matinding pagbabago-bago ng mood
- Dagdag timbang
Naiulat din ng mga tao ang pakiramdam ng sintomas na tulad ng trangkaso. Ito ang madalas na dahilan na manigarilyo muli. Kung nakakaranas ka ng anumang withdrawal symptoms, kumunsulta sa iyong doktor tungkol sa Nicotine Replacement Therapy (NRT). Ito ay may kasamang mga produktong tulad ng patches, gum, o lozenges. Makakatulong ang mga ito na ilayo ka sa cravings.
Normal ba na sumakit ang iyong dibdib pagkatapos na huminto sa paninigarilyo?
Ang ilang mga tao ay nagsabi na nakaramdam sila ng pananakit ng dibdib sa sandaling huminto sila sa paninigarilyo. At ito ay siguradong bahagi ng mga sintomas ng withdrawal. Maaari ka ring makaramdam ng paninigas ng dumi o naduduwal sa mga unang ilang linggo ng paghinto. Kung ang pananakit ng dibdib at iba pang sintomas ay nagpapatuloy, makipag-ugnayan kaagad sa iyong healthcare provider.
Key Takeaways
Ang benepisyo ng pagtigil ng paninigarilyo ay marami at halos agaran. Isaisip iyon para ma-motivate ang iyong sarili.
Ang pagtigil sa bisyong paninigarilyo ay ang unang hakbang upang maging mas malusog at mas mahusay ang iyong sarili. Maaari itong maging isang mahirap na laban sa pagsisikap na mamuhay nang walang nikotina. Kaya naman mahalagang manatiling matatag. Gayunpaman, huwag matakot na subukan muli kung nabigo ka.
Para sa higit pang impormasyon tungkol sa mga mapagpipilian mo tungkol sa Nicotine Replacement Therapy at iba pang bagay na maaari mong gawin upang huminto sa paninigarilyo, pinakamahusay na kumunsulta sa isang propesyonal sa kalusugan.