Kapag nasa matinding panahon na ng summer, maaaring tumaas ang temperatura sa mas mapanganib na level. Kung walang tamang kaalaman, ang isang tao ay madaling ma-dehydrate. Ang dehydration ay nangyayari kapag walang sapat na tubig sa katawan. Sa ganitong kaso dapat kang uminom agad ng tubig o mag-replenish ng ibang fluids.
Alamin ang mga dapat gawin sa dehydration at kung paano ito maiiwasang mangyari.
Ano ang Dehydration?
Ang dehydration ay kapag ang katawan ay nawawalan ng mas maraming likido kaysa sa nakukuha nito. Nawawalan ng maraming likido ang katawan ng tao sa paggawa ng mga normal na function ng katawan tulad ng pagpapawis o pag-ihi. Anumang likido ang mawala sa atin, pinupunan natin ito sa pamamagitan ng pagkain o pag-inom.
Maaaring maiwasan ang mild na mga kaso ng dehydration sa pamamagitan ng pag-inom ng mas maraming liquid. Kaya lang, ang dehydration, kung pababayaan ay maaaring lumala at kailanganin ng atensyon medikal.
Ano ang Nagdudulot ng Dehydration?
Ang isang karaniwang sanhi ng dehydration ay ang hindi pag-inom ng sapat na tubig. Panalo ang malamig na soda sa isang mainit na araw ng tag-araw, ngunit mas mabuting uminom ka ng malamig na tubig upang mapunan ang balanse ng likido sa iyong katawan.
Kung fan ka ng kape, limitahan kung gaano karaming kape ang iyong iniinom lalo na kung ito ay isang partikular na mainit na araw o kung ikaw ay may maraming pisikal na aktibidad. Ang kape ay isang diuretic, ibig sabihin, maaari itong maging sanhi ng mas maraming pag-ihi. Kahit na ang link sa pagitan ng dehydration at kape ay pinagtatalunan pa rin, mas mainam na iwasan ang inuming ito upang manatili kang hydrated.
Ang iba pang karaniwang sanhi ng dehydration ay ang mga sumusunod:
-
- Pagsusuka o pagtatae. Kapag nagtatae o nagsusuka ang isang tao, siya ay naglalabas ng mas maraming tubig kaysa sa regular. Bukod pa rito, ang tubig na itinatapon kapag nagtatae o nagsusuka ay may mga kasamang asin o electrolytes na kailangan ng katawan. Mas mabilis kang made-dehydrate pag nararanasan mo ang mga ito, lalo pa’t kung sabay ang pagtatae at pagsusuka.
- Madalas na pag-ihi. Ang ilang mga kondisyon na kinasasangkutan ng mga bato ay maaaring maging sanhi ng pag-ihi ng isang tao nang mas madalas. Ang diabetes, na nagiging sanhi ng labis na trabaho sa mga bato, ay maaari ding maging sanhi ng pagdalas ng pag-ihi na maaaring humantong sa dehydration.
- Sobrang pagpapawis. Kung ikaw ay nag-eehersisyo nang hindi umiinom ng anumang likido, sa isang mainit at humid na kapaligiran, mas malamang na ma-dehydrate ka.
- Lagnat. Ang katawan ay nagiging mas madaling ma-dehydrate kung ang lagnat ay hindi naagapan.
Sino ang mas nasa Panganib ng Dehydration?
Maaaring mangyari ang dehydration sa sinuman, ngunit may ilang mga kondisyon at kadahilanan na nadudulot para sa iilan upang mas madali o mabilis silang ma-dehydrate. Ang mga sumusunod ay ang mga pinaka nasa panganib:
- Mga matatanda. Ang ilang matatandang tao ay unti-unting nawawalan ng kakayahang makaramdam ng uhaw, kaya mabilis silang ma-dehydrate.
- Mga bata at sanggol. Mas madaling kapitan ng lagnat, pagsusuka, at pagtatae ang nasa ganitong age group. Ang mga sanggol at maliliit na bata ay maaari ring ma-dehydrate dahil maaaring hindi nila alam kung paano sabihin na sila ay nauuhaw.
- Mga taong dumaranas ng malalang mga sakit. Ang ilang kondisyong medikal ay maaaring maging sanhi ng pagpapawis o pag-ihi ng isang tao nang mas madalas, na maaaring humantong sa dehydration.
- Mga taong nagtatrabaho o nag-eehersisyo sa mga maiinit na lugar. Ang pag-eehersisyo o pagtatrabaho sa ilalim ng init ng araw ay maaaring maging sanhi ng mabilis na pagkawala ng likido sa isang tao.
Posibleng mga sintomas ng Dehydration
Maaaring hindi magdulot ng sintomas sa simula ang mild dehydration. Gayunpaman, habang lumalala ang dehydration, ang isang tao ay pwedeng makaranas ng mga sintomas sa ibaba.
Kung na nakakaranas ka ng kahit alin sa mga sumusunod, makabubuting uminom ng tubig agad:
- Matinding uhaw
- Pagkahilo
- Mas matingkad na ihi kaysa sa karaniwan
- Ang pag-ihi ng wala pang apat na beses sa isang araw
- Pagkapagod
- Tuyong labi, bibig, at mata
Kung nararanasan mo ang mga sumusunod na sintomas kasabay ng mga nabanggit sa itaas, tumawag kaagad sa doktor.
- Madugo o itim na dumi
- Disorientation, o pakiramdam na mas inaantok kaysa karaniwan
- Hindi kayang uminom ng mga likido sa bibig
- Nakakaranas ng pagtatae ng higit sa isang araw
Ang mga ito ay maaaring mga warning signs ng matinding dehydration at maaaring kailangan ng agarang paggamot sa dehydration.
Dehydration: First Aid
Mga Bata
Ang dehydration ay madaling magamot sa bahay sa pamamagitan ng muling pagdaragdag ng lahat ng nawalang fluids at electrolytes. Ano ang dapat gawin sa dehydration? Ang first aid para sa dehydration ay nangangailangan ng paggamit ng oral rehydration solution upang maibsan ang mga sintomas na dulot ng dehydration sa mga bata. Inirerekomenda na ang solution na ito ay ibigay muna ng kaunti. Upang masukat kung kakayanin ng bata o hindi. Ipinapayo din na ang solution ay ihalo sa tubig.
Teens at adults
Para sa teens at adults, makakatulong sa mild dehydration ang pag-inom ng tubig na may oral rehydration salts. Mahalaga na malinaw na liquid lamang ang ibibigay sa isang taong dumaranas ng dehydration. Dahil ang juice o soda ay maaaring magpalala sa kanilang kondisyon.
Kung ang isang tao ay nakakaranas ng dehydration mula sa heat exhaustion, siguraduhing dalhin siya sa mas malamig na lugar. Ang first aid sa heat exhaustion ay ang agarang pagdaragdag ng mga liquids sa pamamagitan ng tubig o iba pang inumin na walang caffeine o alkohol.
Kung sa tingin mo na ikaw o ang mahal mo sa buhay ay dumaranas ng heat exhaustion, kailangan mong:
- Pahigain sila, at itaas ang kanilang mga binti
- Siguraduhing tanggalin ang anumang damit na masikip
- Punasan ang mga ito gamit ang isang sponge o tuwalya na binasa sa malamig na tubig
Mga Dapat Gawin sa Dehydration: Prevention
Ang prevention para sa dehydration ay mas madali kaysa sa paggamot nito. Narito ang ilang madaling mga paraan upang manatiling hydrated:
- Uminom ng maraming tubig hangga’t maaari. Kung ikaw ay nagtatrabaho o nag-eehersisyo sa labas, siguraduhing uminom ng maraming likido bago ang aktibidad at manatiling hydrated habang ikaw ay nag-eehersisyo o nagtatrabaho.
- Kung ang panahon ay mas mainit kaysa karaniwan, iwasang manatili sa labas ng masyadong matagal.
- Iwasan ang mga inuming matamis o may caffeine, at uminomi na lang ng tubig.
- Suriin ang kulay ng iyong ihi paminsan-minsan. Kung ang ihi ay mukhang mas matingkad ang kulay, nangangahulugan ito na kailangan mo ng mas maraming tubig.
Key Takeaways
Ang dehydration ay pwedeng magkaroon ng malubhang resulta sa kalusugan ng isang tao. Ito ang dahilan kung bakit mahalagang tandaan ang dapat gawin sa dehydration. Importanteng manatiling hydrated kung nasa mainit na klima ka. O kung may kondisyong medikal na mas nagdudulot ng panganib na ma-dehydrate. Matuto at i-apply ang basic first aid para sa dehydration kung mild ang mga sintomas.
Kung ikaw o isang taong kilala mo ay nanghihina, o nakakaranas ng mga seizure kasama ng mga sintomas ng dehydration, tumawag sa emergency services o magpatingin kaagad sa doktor.