Para sa karamihan ang pagkakaroon ng abs ay simbolo ng pagiging fit at malusog. Ito ang dahilan bakit sinusubukan ng mga tao ang iba’t ibang ehersisyo upang magka-abs. Gayunpaman, hindi lahat ng indibidwal ay alam ang mga benepisyo sa kalusugan ng abs, dahil kadalasan ay nakatuon lamang sila sa konsepto na ang abs ay mainam para maging maganda ang itsura ng isang tao.
Sa article na ito, pag-uusapan natin ang mga benepisyo ng pagkakaroon ng abs at paano nito natutulungan na gawing maganda at mahusay ang ating kalusugan. Kaya naman patuloy na basahin ang article na ito.
5 Benepisyo ng pagkakaroon ng abs
Ayon sa mga eksperto at pag-aaral, tumutulong ang mga kalamnan o abs sa tiyan na patatagin ang core ng isang tao. Tinutulungan din nito ang ating paghinga, at paggalaw—at pinoprotektahan din ng abs ang ating internal organs at sumusuporta sa posture at balanse natin.
Para maunawaan ang mahahalagang benepisyo ng pagkakaroon ng abs, narito ang mga sumusunod na paliwanag sa 5 health benefits ng abs:
- Nababawasan ang sakit ng likod o back pain
Sa totoo lang ang ating mga tiyan ang nagsisilbing “anchor” para sa mga kalamnan ng mid at lower back natin. Ibig sabihin nito, kapag ang ating abs ay mahina, pinipilit nito ang mga kalamnan sa likod na magtrabaho nang mas mahirap, para suportahan ang mid back.
Kaya naman ang pagkakaroon natin ng abs ay nagpapabuti sa tibay ng mga kalamnan ng ating likod upang hindi tayo madaling mapagod— at hindi gaanong madaling maapektuhan ng mga pilay o pinsala.
- Pagkakaroon ng magandang posture
Tandaan mo na kapag mahina ang iyong mga kalamnan sa tiyan, maaaring natural kang nakayuko dahil wala kang muscles o abs upang suportahan ang iyong proper alignment.
Tumutulong ang abs para suportahan ang iyong magandang postura sa pamamagitan ng pagtulong sa pag-angat ng iyong gulugod upang mas natural kang makatayo at naka-align ka sa iyong mga braso at binti.
- Pagbuo ng functional strength
Ayon sa Mayo Clinic nakakatulong ang abs para suportahan ang iyong spine at lower back. Malaking bagay ito upang magawa ang ilang mga gawain na hindi nahihirapan, gaya ng pag-upo, paghiga, at pagyuko.
- Napapaunlad ang sport performance
Madalas na ginagamit ang abs sa stabilization at pagkilos sa anumang uri ng sports. Batay na rin sa pag-aaral na nabanggit sa article ng “5 Benefits of Abdominal and Endurance”, ang inilathala pananaliksik noong Marso 2019 sa PLOS ONE ay nagpapakita na ang mga benepisyo ng abs ay kapansin-pansin para sa mga runner, na maaaring makabuti sa static balance, at core endurance ang pagsasagawa ng core training upang magkaroon ng abs.
Bukod pa rito, nakakatulong ang abs sa pagkakaroon ng abdominal strength at endurance para makatagal sa mga pisikal na gawain at sports competition.
- Pagkakaroon ng mahusay na balanse
Ang pagkakaroon ng balanse ay hindi lamang tungkol sa pagtayo natin. Tumutukoy rin ito sa paggawa natin ng mga bagay na nangangailangan ng balanse, kagaya ng pag lalakad ng tuwid, modelling, pagba-bike, at iba pa. Tandaan mo na ang pagkakaroon mo ng abs ay makakatulong upang magawa ang mga bagay na ito nang hindi naaaksidente o napipinsala. Dahil ang abs ay tumutulong para magkaroon ka ng mahusay na balanse para makagawa ng iba’t ibang aktibidad na hindi natutumba.
Paalala ng mga doktor
Walang masama sa paghahangad ng abs at maaari na makuha natin ito sa pamamagitan ng paggawa ng iba’t ibang ehersisyo. Gayunpaman, dapat mong isaisip na hindi mo dapat abusuhin ang iyong sarili sa pag-eehersisyo para lang magkaroon ng abs , dahil maaari na makasama ito sa iyong kalusugan— at mauwi sa pagkakaroon ng iba’t ibang medikal na problema.
Kaya ipinapayo ng mga doktor na kumunsulta sa isang eksperto sa diet at pag-eehersisyo, para magabayan ka sa angkop na ehersisyo na dapat mong gawin— at malaman mo rin kung ano ang mga pagkain na pwede mong subukan para makatulong sa pagbuo ng abs.