Sa mundo natin ngayon, napakadali nang magdagdag ng timbang, samantalang napakahirap namang magbawas. Mahirap gawin ang magbawas ng timbang at manatiling malusog. Ngunit sa pamamagitan ng determinasyon at consistency, maaari mong maabot ang pagiging fit. Narito ang listahan ng pinakamabuting exercises para pumayat at magkaroon ng malusog na pangangatawan.
Pinakamabuting exercises para pumayat at gumanda ang kalusugan
Bilangin ang Iyong Hakbang
Hindi na nakagugulat. Ang mga taong madalas nakaupo o nakahiga ay mapapansing nababawasan ang kanilang timbang sa simpleng regular na paglalakad.
Maaaring gawin ninuman ang paglalakad. Walang bayad at walang gastos. Wala ring kagamitang kailangan. Kaya’t hindi mo kailangan ng pera upang simulang gawin ito.
Maaaring gawin agad ng beginners ang paglalakad at ng mga taong madalas nakaupo o nakahiga. Walang kailangang karanasan sa pagsisimula ng regular na paglalakad.
Ang paglalakad ay isa sa mga pinakamagandang ehersisyo para pumayat at gumanda ang kalusugan. Isa rin itong very low impact activity, na ang ibig sabihin, hindi mo kailangang maglagay ng stress sa iyong mga kasukasuan. Ang maganda rito, puwede kang maglakad sa sarili mong bilis. Magsimula muna nang mabagal. Manatiling mabagal at relax, o mag-brisk walk. Anuman ang piliin mo, ikaw ang bahala.
Madaling idagdag ang paglalakad sa iyong pang-araw-araw na gawain. Iparada ang iyong kotse sa lugar na medyo mas malayo sa lugar na pupuntahan mo, o maglakad sa labas kasama ng iyong alagang hayop.
Malaki ang magagawa ng dagdag na paglalakad sa buhay natin.
Sa oras na masanay ka nang abutin ang bilang ng hakbang na iyong kailangan, maaari mo na lagpasan ang nakasanayan sa pamamagitan ng pagtakbo paakyat ng hadgan at pataasin ang iyong tibok ng puso.
Weight o ang Resistance Training
Napakaraming maling paniniwala sa buong mundo hinggil sa weight training. Ngunit matutulungan ka nitong magpalaki ng kalamnan at mabawasan pa ang calories. Ito ang isa sa sobrang inirerekomendang ehersisyo para pumayat at gumanda ang kalusugan!
May mga taong nag-iisip na napakahirap nito para sa kanila. May iba namang nararamdamang parang babagal sila sa paggalaw dahil nagiging malaki sila. Maaaring isipin ng mga babae na magmumukha silang macho dahil sa weight training. Hindi totoo ang lahat ng ito.
Ang weight training, kung magagawa nang tama at sasabayan ng masusustansyang pagkain at sapat na oras para magpahinga ay makapagbibigay sa iyo ng mas magandang pangangatawan.
Maaaring mag-iba-iba ang resultang makuha mo sa weight training. Depende ito sa nais mong maabot at uri ng training at dyeta.
Syempre, sa pagsisimula mo ng weight training, mahalagang palaging matiyak na handa ang iyong katawan upang maiwasang mabigla, mapulikat, at iba pang pinsala.
HIIT o High-Intensity Interval Training
Isa sa pinakamagandang exercises para pumayat ang HIIT.
Ang HIIT, na kilala rin bilang high-intensity interval training, o simpleng interval training ay nananatiling isa sa pinakamaganda at pinakamabilis na paraan upang mabawasan ang taba sa katawan.
Kilalang-kilala ng mga abalang tao ang HIIT, dahil ang bawat sesyon nito ay maaaring matapos sa loob lamang ng 10 hanggang 30 minuto.
Gayunpaman, kung nais mo pang dagdagan ang pag-eehersisyo, puwede naman. Tiyakin lamang na hindi mo masyadong pupuwersahin ang iyong sarili dahil maaari itong mauwi sa malalang pinsala sa katawan o higit pa.
Madali lamang magsimulang mag-HIIT. Ang kailangan mo lang gawin ay baguhin ang tindi ng iyong normal na exercise activity.
- Halimbawa, kung naglalakad o tumatakbo ka sa treadmill, magsimulang maglakad sa loob ng isang minuto.
- Saka ka tumakbo sa mas mataas na bilis sa loob ng 2 minuto.
- Maglakad nang mabagal sa loob ng 30 segundo upang makapahinga.
- Bumalik sa pagtakbo sa loob ng dalawang minuto.
Sa madaling salita, binabago mo ang tindi o intensidad ng iyong workout papunta sa high intensity sa alternating interval.
Sa paggawa ng HIIT, tandaang iwasang puwersahin ang sarili agad-agad. Gawin ang bilis na kaya mo at unahin ang pagkakaroon ng magandang porma kaysa sa bilis. Kung hindi, maaari mong mapinsala ang iyong katawan o malagay sa panganib ang iyong puso o baga. Ang HIIT ay isang bagay na madali mo lang dapat magagawa.
Magsimula sa mas maiikling high intensity intervals at saka unti-unting habaan ang intervals.
Paglangoy
Isa sa mga tiyak na magandang exercises para pumayat at bumuti ang kalusugan ay ang paglangoy. Sa kasamaang palad, hindi lahat ay may pool o nakapupunta dito. Ngunit hindi nito nababago ang katotohanang ang paglangoy ay maaaring makabuti para sa iyong katawan.
Nagiging daan ang paglangoy upang sanayin ang buo mong katawan sa anumang impact. Maaari itong maging relaxing at maaari ding makasunog ng napakaraming calories. Depende ‘yan sa kung paano mo ginamit ang iyong oras sa swimming pool.
At dahil isang low-impact exercise ang paglangoy, maganda ito para sa mga nakararanas ng matagal nang pananakit ng kasukasuan. Maganda rin itong paraan upang mag-ehersisyo kahit may sugat. Bukod dyan, makatutulong din ito sa flexibility at nakapagpapabuti ng iyong paghinga habang nag-eehersisyo!
Maaaring maging mahirap isakatuparan ang pagbabawas ng timbang at pagpapanatili nito. Gayunpaman, ang pinakamahirap dito ay kung paano ka magsisimula.
Sa oras na magsimula ka nang mag-ehersisyo, tiyaking nagagawa ito nang tama at naipagpapatuloy ito hangga’t kaya. Sa ganitong paraan, mababawasan ang iyong timbang at magiging mas malusog ang katawan. Basta’t gawin ito sa bilis na gusto mo at tiyaking makinig sa sinasabi ng iyong katawan upang maiwasan ang injury!
Matuto pa tungkol sa Health Fitness dito.