Halos lahat ng tao ay nasubukan nang magpataba o magpapayat. Alam din nila kung gaano kasaya kapag nagtatagumpay silang gawin ito at kung gaano kalungkot kapag sila ay nabigo. Kung tutuusin, magkakaiba ang metabolismo sa bawat tao at maaaring maging mahirap ang pagbabawas o pagdadagdag ng timbang. Ito ang dahilan kung bakit mahalaga ang pag-alam tungkol sa basal metabolic rate. Ito ang susi sa pagpapababa, pagdaragdag, o simpleng pagkontrol ng iyong timbang. Ano ang basal metabolic rate?
Ano ang Metabolic Rate?
Kilala rin ang basal metabolic rate bilang baseline metabolism ng iyong katawan.
Ang metabolismo ay kung paano ginagawang energy ng iyong katawan ang lahat ng pagkain at inuming kinokonsumo nito.
Ang calories sa pagkain at inuming ating kinakain ay isinasama sa oxygen. Ito ngayon ang naglalabas ng energy na kailangan ng katawan upang gumana.
Ang basal metabolic rate ay tumutukoy sa bilang ng calories na kailangan ng iyong katawan upang mapanatili ang pinakapangunahing life-sustaining functions nito. Sakop din nito ang nasa 60 – 70% ng calories na nilulusaw mo bawat araw.
Ito ay dahil ang basal metabolic rate ang gumagamit ng energy na kailangan ng iyong katawan upang mapanatiling gumagana ang iyong puso, kidneys, baga, utak, at iba pang organ para mabuhay ka.
Responsable ito sa iyong paghinga, blood circulation, at pagpapanatili ng temperatura ng katawan.
Tumutukoy rin ang metabolismo sa mga prosesong kemikal na nangyayari sa loob ng ating katawan na nagiging daan upang magpatuloy ang buhay at normal nitong function. Para sa ilang tao, pwedeng maging mas mabilis ang kanilang metabolismo na tumutulong sa kanilang mas mabilis na makapagbawas ng timbang dahil mas mabilis ding magsunog ng energy, habang mas mabagal naman ang metabolismo ng iba.
Nagaganap ang metabolismo sa pamamagitan ng dalawang proseso, ang catabolism at anabolism. Ang catabolism ay tumutukoy sa breakdown ng food components, habang anabolism naman ang “building up” phase ng metabolismo. Pareho itong kinakailangan upang mabalanse ang nakaimbak na energy ng katawan.
Bakit Mahalaga ang Basal Metabolic Rate?
Hindi tumitigil sa paggalaw ang ating katawan. Kahit nakahiga tayo o natutulog. Ito ang dahilan kung bakit kailangan ng katawan ng energy kahit na nagpapahinga. Kailangan ito upang magawa ang mahahalagang function tulad ng paghinga, tissue/organ repair, pagtunaw ng pagkain, at sirkulasyon ng dugo.
Dahil lahat tayo ay magkakaiba, ang pag-alam sa ating basal metabolic rate ay makatutulong upang kalkulahin ang bilang ng calories na kailangan natin upang manatiling malusog.
Sa oras na alam na natin kung gaano karaming energy ang kailangan natin upang makapagpatuloy, mas magiging madali nang malaman kung gaano karaming pagkain ang kailangan natin kada araw upang mabuhay, makapag-ehersisyo, at makapagtrabaho sa opisina o sa bahay.
Makatutulong ang pag-alam sa iyong basal metabolic rate upang mabawasan, madagdagan, o makontrol ang timbang. Kapag alam mo ang iyong BMR at kung gaano karaming calories ang iyong nalulusaw, malalaman mo kung gaano karami ang ikokonsumo mo o ibabawas mo depende sa iyong fitness goals.
Ano ang mga salik na nakaaapekto sa iyong BMR?
May ilang magkakaibang salik na nakaaapekto sa iyong basal metabolic rate, tulad ng:
- Edad
- Kasarian
- Timbang
- Tangkad
- Lahi
- History ng pagbabawas o pagdaragdag ng timbang
- Body composition
- Genes
- Diet
Sa 9 na mga salik na nakaaapekto sa BMR, ang diet at body composition ang pwede nating gawan ng paraan upang mapabuti ang ating basal metabolic rate.
Paano Kalkulahin ang Iyong BMR?
Ang mabilis at madaling paraan upang makalkula ang iyong BMR ay sa pamamagitan ng paggamit ng health assessment tools. Tignan ang aming BMR calculator dito.
Sa oras na alam mo na ang iyong BMR, malalaman mo na kung paano mo babaguhin ang iyong body composition upang mabago ang iyong basal metabolic rate.
Dahil wala masyadong pwedeng magawa sa iyong edad, genes, lahi, kasarian, at tangkad, magtuon ka na lang sa iyong timbang upang makagawa ng pagbabago sa metabolismo ng iyong katawan.
Basal Metabolic Rate vs Resting Metabolic Rate
Maraming tao at sites ang gumagamit ng basal metabolic rate (BMR) at resting metabolic rate (RMR) nang magkapareho. Iniisip ng mga tao na pareho ang dalawang ito, ngunit may pagkakaiba sila.
Ang BMR ay tungkol sa energy na ginagamit ng mga pinakapangunahing function ng katawan. Kabilang dito ang paghinga, sirkulasyon ng dugo, at pagkontrol ng temperatura.
Sa kabilang banda, kabilang sa RMR ang energy na kailangan para sa digestion at pang-araw-araw na paggalaw ng katawan tulad ng pagtayo, pag-upo, pagsusuot ng damit, o pagbubuhat ng baso sa pag-inom.
Ang mahalagang tandaan dito ay ang BMR at RMR na makukuha mo ay pagtatantya lamang. Mahirap na makuha ang aktuwal na bilang maliban kung magsagawa ng mga laboratory test.
Maganda kung masusundan ang bilang ng calories na ginagamit ng iyong katawan araw-araw nang walang ehersisyo, upang malaman kung gaano karaming calories ang kailangan mo upang mabawasan o magdagdag ng timbang.
Key Takeaways
Kung interesado kang magkaroon ng pagbabago sa iyong body composition o timbang, ang unang hakbang na dapat mong gawin ay alamin ang iyong basal metabolic rate.
Mula dito, malalaman mo na ang dapat mong gawin pagdating sa pagdaragdag, pagbabawas, o pagpapanatili ng dami ng calories na kailangan ng iyong katawan upang magdagdag, magbawas, o magpanatili ng timbang.
Hindi nagbibigay ang Hello Health Group ng payong medikal, diagnosis, at gamutan.