Noong 2019, nadiskubre ng student scientist na si Maria Isabel Layson na ang bunga ng aratiles ay mayroong mga bioactive compounds na maaaring magamot ang diabetes. Napanalunan pa nga ni Layson ang National Science and Technology Fair at nag-compete sa Intel International Science and Engineering Fair sa United States1. Pero paano nga ba nito nagagamot ang diabetes?
Ano pa ba ang medicinal use ng bunga ng aratiles? Alamin dito ang kasagutan.
Bunga ng Aratiles: Nakakatulong nga ba Ito sa Diabetes?
Kabilang sa mga bioactive compounds na nahanap ni Layson ay ang anthocyanin, flavonoids, at polyphenol.
Anthocyanins
Ayon sa pag-aaral, nakakatulong ang anthocyanins dahil napoprotektahan nito ang beta cells ng pancreas2. Dahil dito, tumataas ang insulin secretion, naibababa ang insulin resistance, at napapalakas rin ang liver. Lahat ng ito ay nakakatulong sa digestion pati na rin sa pag-absorb ng carbohydrates sa katawan.
Bukod sa bunga ng aratiles, nakukuha ang anthocyanins mula sa blackberries, blueberries, cranberry, at cherries.
Flavonoids
Ang mga flavonoids naman ay mga compounds na natural na may anti-diabetic effect. Bukod dito, nakakatulong rin ang flavonoids upang makaiwas sa diabetes, pati na rin sa mga side effects nito. Ito ay dahil sa kakayanan ng flavonoids na baguhin ang glucose metabolism, lipid profile, at hepatic enzyme activities3.
Maraming prutas at gulay ang mayroong flavonoids. Nakukuha rin ito sa tsaa pati na rin sa red wine.
Polyphenols
Ayon sa mga eksperto, ang mga polyphenols naman ay nakakatulong sa type 2 diabetes. Nakakatulong ito upang pabagalin ang pag-digest ng carbohydrates, pag-absorb ng glucose, pag-stimulate ng insulin at kontrolin ang paglabas ng glucose mula sa atay4.
Nakukuha ang mga ito sa gulay, prutas, nuts at seeds, pati na rin ang kape at tsaa.
Reminders
Bagama’t malaki ang potensyal ng bunga ng aratiles bilang gamot, kailangan pa ng masusing pag-aaral tungkol dito. Ligtas naman ang pagkain ng aratiles kung hindi sosobra. Ngunit hindi ito dapat basta-bastang gamitin na gamot para sa diabetes.
Iba pang Gamit ng Bunga ng Aratiles
Heto ang ilan pang maaaring paggamitan ng bunga ng aratiles:
Nakakatulong Ito para Makaiwas sa Sakit
Ayon sa mga ulat ay maraming antioxidants na laman ang bunga ng aratiles. Ang antioxidants ay nakakatulong labanan ang mga free radicals, na pinaniniwalaang nagdudulot ng mga sakit kagaya ng heart disease at kanser.
Nilalabanan Nito ang Inflammation
Ayon pa sa isang ulat ay nakatutulong ito para labanan ang inflammation. Sinusuportahan nito ang matagal nang paniniwala ng mga tao tungkol sa nagagawa ng aratiles para sa katawan.
Sa isang pag-aaral, nabawasan nito ang pamamanas ng isang daga sa loob lamang ng tatlong oras. Ayon sa mga researchers, halos katulad nito ang epekto ng indomethacin na isang anti-inflammatory na gamot5.
Ito ay Mayroong Antibacterial Properties
Alam mo ba na mayroong antibacterial properties ang bunga ng aratiles? Ang mga methanol extracts mula sa dahon at prutas nito ay nagpakita ng antibacterial properties laban sa Escherichia coli at Staphylococcus aureus6.
Ang E. coli ay isa sa karaniwang sanhi ng urinary tract infections o UTI, at ang S. aureus naman ay nagiging sanhi ng pneumonia at impeksyon sa balat.
Posible Itong Makagamot sa mga Ulcer
Ang ethanolic extract na nagmumula sa dahon ng aratiles ay nakakatulong upang bawasan ang acidity ng tiyan. Posible itong makatulong sa indomethacin-induced gastric ulcers at maihahalintulad ang epekto nito sa ranitidine, na isang gamot na ginagamit upang bawasan ang stomach acid7.
Key Takeaways
Ang bunga ng artiles or kerson ay mahahanap kahit saan sa Pilipinas. Noong 2019, napag-alaman ng isang student scientist ang potensyal nito laban sa diabetes. Ito ay dahil sa taglay nitong anthocyanin, flavonoids, at polyphenols.
Bukod sa paggamot sa diabetes, ang bunga ng aratiles ay mayroong mataas na antioxidant content, anti-inflammatory activity, antibacterial properties, at maaaring makatulong sa ulcers.
Bagama’t ligtas ang pagkain ng aratiles, hindi ito dapat gamitin upang gamot lalo na kung walang permiso ng iyong doktor. Higit na hindi ito dapat gamiting kapalit ng maintenance na gamot na kasalukuyan mong iniinom.
Alamin ang tungkol sa diabetes dito.
Isinalin sa Filipino ni Alwyn Batara
[embed-health-tool-bmi]