Ang okra ay isang gulay na tipikal na tumutubo sa mga tropical na bansa tulad ng Pilipinas. Ito ay isang popular na gulay na ginagamit sa iba’t-ibang mga lutuin; mayroon rin itong malagkit na dagta na ginagamit na pampalapot. Pinaniniwalaan rin ng marami na ito ay isang “superfood” para sa mga mayroong diabetes. Ang ibang tao pa nga ay umiinom ng binabad na okra, sa paniniwalang nakokontrol nito ang blood sugar levels.
Ngunit may katotohanan nga ba ito?
Binabad Na Okra Para Sa Diabetes: Nakakatulong Nga Ba Ito?
Dahil pangkaraniwan at murang gulay ang okra, magiging mainam kung totoo nga na nakakatulong ito laban sa diabetes. Pero ano nga ba ang katunayan na epektibo ito?
Ano Ang Naging Karanasan Ng Gumamit Nito?
Ang mga naging karanasan ng mga sumubok ng binabad na okra ay hindi masasabing scientifically proven. Ngunit ayon sa kanila, bumaba ang blood sugar levels nila matapos itong inumin sa umaga. Ginawa nila ang proseso ng binabad na okra sa pamamagitan ng pagputol nito at pagbabad sa tubig magdamag¹.
Ano Ba Ang Meron Sa Okra?
Alam mo ba na ang okra (at posibleng ang binabad na okra) ay mayroong nutrients na nakakatulong sa diabetes management?
Una, ang okra ay mayroong tinatawag na “superior insoluble fiber” na nakakatulong pabagalin ang pag-absorb ng sugar sa bituka. Ito ay nakakatulong upang ma-stabilize ang glucose levels sa katawan1. Ayon sa isang ulat, maaring makatulong ang fiber pagdating sa glycemic control².
Bukod dito, mayroon ring antioxidant at anti-stress properties ang okra³. Mahalaga ito dahil ang tuloy-tuloy o chronic stress ay maaaring humantong sa biglaang pagtaas ng blood sugar. Bukod dito, malaking bagay sa diabetes management ang mental health ng isang diabetic.
Pag-Aaral Sa Hayop
Marami ring pag-aaral (na karamihan ay isinagawa sa mga daga) ang nagpakita na nakakatulong magpababa ng blood sugar ang okra.
Isang halimbawa nito ay ang isang research na ipinakita ang epekto ng okra sa pagpapababa ng blood sugar levels ng isang daga. Dahil dito, nagkaroon ng interes na pag-aralan ang benepisyo ng okra sa diabetics at kung ano ang maitutulong nito pagdating sa diabetes management⁴.
Iba Pang Benepisyo
Ang okra at binabad na okra ay maaaring makatulong sa problema sa digestion at mataas na cholesterol. Bukod rito, nakakatulong rin daw ang okra pagdating sa pagkakaroon ng malusog na balat at dugo. Nakakatulong rin ito upang maging mabuti ang pagbubuntis⁵.
Paano Idadagdag Ang Okra Sa Iyong Diet?
Ang pinakasimpleng paraan upang idagdag ang okra sa iyong diet ay ang paghalo nito sa iyong mga ulam. Maari mo itong kainin na sariwa, pinirito, pinakuluan, ginawang pickles, atbp. Puwede rin itong idagdag sa salad, at sa iba pang mga ulam na kailangan ng gulay.
Pagdating naman sa binabad na okra, heto ang paraan upang ihanda ito:
- Pumili ng okra na matigas at hindi malambot o malabsak. Hugasan itong mabuti.
- Hiwain nang manipis ang okra.
- Ibabad ang hiniwang okra sa tubig at maghintay ng 24 oras.
- Kapag iinumin na ito, pigain ang hiniwang okra upang ma-drain ang juice nito.
Bagama’t ligtas ang pagkain ng okra at pag-inom ng binabad na okra, maaring makaranas ng ilang mga side effects kung sumobra ang pagkain nito.
Isang halimbawa ay mayroong oxalate ang okra na maaring maging sanhi ng kidney stones⁶. Mayroon rin itong vitamin K na maaaring makaapekto sa mga gamot na pampalabnaw ng dugo, tulad ng warfarin.
Tandaan
Posibleng makatulong nga ang pag-inom ng binabad na okra upang ibaba ang blood sugar. Ito ay sinusuportahan ng ilang mga inisyal na pag-aaral na nagsasabing maaring anti-diabetic food ang okra. Kung nais mo itong subukan, magpakonsulta muna sa iyong doktor lalo na kung ikaw ay mayroong preexisting condition, o kaya umiinom ng maintenance medication.
Learn more about Diabetes here.
[embed-health-tool-bmi]