backup og meta

Ano Ang Hyperglycemia? Heto Ang Facts Na Dapat Mong Malaman

Ano Ang Hyperglycemia? Heto Ang Facts Na Dapat Mong Malaman

Ano ang hyperglycemia? Tinatawag na hyperglycemia ang isang kondisyon kung saan mataas ang blood sugar level. Karamihan sa mga kaso ng hyperglycemia ang may kaugnayan sa diabetes mellitus. Samakatuwid, maaaring magpapalit-palit ang gamit sa mga terminong ito.

Diabetes At Hyperglycemia

Tinatawag na diabetes mellitus ang isang metabolic disorder na nangyayari kapag hindi gumagawa ng sapat na insulin ang katawan o may mataas itong insulin resistance. Isang uri naman ng hormone ang insulin na kumokontrol sa blood glucose sa pamamagitan ng pagtulak ng glucose papunta sa cells. Kapag nangyari ang mga problemang ito sa insulin, hindi maaaring ma-regulate ang blood sugar. Maaari itong humantong sa mataas na blood sugar level o hyperglycemia.

Narito ang pamantayan para sa hyperglycemia:

  • Random blood glucose na higit o katumbas ng 200mg/dl, kasama ang mga klinikal na sintomas tulad ng paglakas ng gana kumain, pagdalas ng pagkauhaw, at madalas na pag-ihi.
  • Fasting blood glucose na higit sa o katumbas ng 126mg/dl
  • 2-h plasma glucose ≥200 mg/dl kasunod ng 75-g oral glucose challenge sa matatanda

Kapag Hindi Nakontrol Ang Hyperglycemia

Ano ang hyperglycemia? Karaniwang benign na kondisyon ang hyperglycemia kapag kontrolado ito. Gayunpaman, ilang pangyayari ang maaaring magtulak sa katawan sa glucose dysregulation. Maaaring maging banta sa buhay ang mga kasong ito lalo na kapag naantala ang paggagamot.

Ang diabetic ketoacidosis at hyperosmolar hyperglycemic syndrome ay dalawang emergency cases na maaaring manggaling sa mataas na blood glucose. Nangyayari ito kapag umabot ang blood glucose level sa 250mg/dl. Mabilis nating talakayin ang bawat isa sa kanila.

Diabetic Ketoacidosis

Ang diabetic ketoacidosis, o DKA, isa itong acute at seryosong kondisyon na maaaring mangyari sa mga taong may uncontrolled hyperglycemia kapag naipon ang substance na “ketones” sa kanilang dugo.

Sa loob ng normal na pangyayari, gumagamit ang katawan ng glucose para magbigay ng enerhiya. Gayunpaman, hindi nakakakuha at nakagagamit ng glucose ang mga taong may diabetes na karaniwang walang sapat na insulin. Bilang resulta, nagsisimulang mag-metabolize ng taba ang kanilang katawan para mapagkuhanan ng enerhiya.

Isang byproduct ng fat metabolism ang ketones, at maaaring makasama ang sobrang ketones sa katawan. Mas malaki rin ang posibilidad na magkaroon ng DKA ang mga pasyenteng may type 1 diabetes mellitus.

Maaaring magpakita ang DKA bilang:

  • Pagduduwal o pagsusuka
  • Pagkapagod
  • Pangkalahatang panghihina, panlalata
  • Sakit sa tiyan
  • Paghina ng gana kumain
  • Madalas na pag-ihi
  • Nag-ibang mental status
  • Fruity breath

Hyperosmolar Hyperglycemic Syndrome

Ang hyperosmolar hyperglycemic syndrome o HHS, sa kabilang banda, ay karaniwang nangyayari sa loob ng ilang araw hanggang linggo, kabaligtaran ng DKA na nabubuo sa loob ng 24 na oras. Dagdag pa rito, mas karaniwan sa mga pasyenteng may type 2 diabetes mellitus ang HHS. Hindi tulad sa DKA, walang mataas na ketone bodies sa dugo ang mga pasyente na may HHS.

Ano ang nangyayari sa HHS? Sa loob ng normal na pangyayari, bumabalik sa katawan ang lahat ng glucose na dumadaan sa mga bato. Kapag umabot ang blood glucose level ng humigit-kumulang 180mg/dl, nagiging saturated ng glucose ang dugo at natitigil ang patuloy na reabsorption. Ilalabas naman sa ihi ang glucose na naiwan sa bato. Pinapataas nito ang saturation ng ihi. Habang nagpapadala naman ng senyales sa mga bato para dagdagan ang paglabas ng tubig upang mabaliktad ang supersaturation. Dahil sa pagdami ng tubig na lumalabas, tumataas din ang glucose concentration sa dugo. Nauuwi ito sa matinding hyperglycemia.

Dahil sa madalas na pag-ihi, mas malala ang pagka-dehydrate ng mga pasyenteng may HHS kumpara sa mga pasyenteng may DKA. Maaari silang magpakita ng mga senyales ng dehydration, tulad ng mabilis na tibok ng puso, tuyong labi at oral mucosa, lubog na mga mata, at pagbaba ng skin turgor. Kabilang ang mga sumusunod sa iba pang mga palatandaan at sintomas ng HHS:

  • Dark yellow o brown na kulay ng ihi
  • Pagbaba ng timbang
  • Madalas na pag-ihi
  • Madalas na pagkauhaw o pag-inom ng tubig
  • Hypotension
  • Mahinang pulso
  • Nag-ibang mental status
  • Pagkahilo

Ano Ang Dahilan Ng Hyperglycemia?

Karaniwang kasunod ng isang pangyayaring biglang nagpapataas ng blood glucose level ang DKA at HHS. Kabilang ang mga sumusunod sa pinakakaraniwang pangyayari na nauuwi sa DKA at HHS:

  • Mga acute illness tulad ng atake sa puso at stroke
  • Mga impeksyon tulad ng pulmonya at urinary tract infection
  • Biglang paghinto ng insulin therapy
  • Kakulangan sa insulin therapy
  • Kaunting pag-inom ng tubig
  • Pag-inom ng mga gamot na nakakaapekto sa carbohydrate metabolism, tulad ng glucocorticoids, diuretics, at antipsychotics
  • Paggamit ng cocaine
  • Mga eating disorder at iba pang mga problema na maaaring humantong sa pagkawala ng insulin
  • Pagkasira ng mga continuous subcutaneous insulin infusion (CSII) device

Gaya ng nabanggit, parehang emergency situation ang DKA at HHS. Sa kabutihang palad, naibabalik sa dati ang parehong kondisyon. Dapat dalhin ang mga pasyenteng may hyperglycemia na pinaghihinalaan ding may DKA o HHS sa pinakamalapit na ospital para sa agarang pagsusuri at panggagamot. Kabilang sa mga angkop na treatment ng dalawang kondisyon ang strict glucose monitoring at control, fluid resuscitation, at paggamot sa mga natatagong kondisyon.

Key Takeaways

Maaaring humantong sa mga kondisyong banta sa buhay ang matinding hyperglycemia. Komunsulta sa iyong doktor upang malaman kung paano maiwasang mangyari ito.

Matuto pa tungkol sa Diabetes dito.

Disclaimer

Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

Hyperosmolar Hyperglycemic Syndrome, https://my.clevelandclinic.org/health/diseases/21147-hyperosmolar-hyperglycemic-syndrome, Accessed October 21, 2021

Diabetic hyperosmolar syndrome, https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/diabetic-hyperosmolar-syndrome/symptoms-causes/syc-20371501, Accessed October 21, 2021

Hyperglycemia (High Blood Glucose), https://www.diabetes.org/healthy-living/medication-treatments/blood-glucose-testing-and-control/hyperglycemia , Accessed October 21, 2021

Hyperglycemia, https://www.ncbi.nlm.nih.gov/books/NBK430900/, Accessed October 21, 2021

Hyperglycemia, https://medlineplus.gov/hyperglycemia.html, Accessed October 21, 2021

Kasalukuyang Version

11/07/2024

Isinulat ni Daniel de Guzman

Narebyung medikal ni Mia Dacumos, MD

In-update ni: Jan Alwyn Batara


Mga Kaugnay na Post

Puwede ba ang diabetic sa noodles? Alamin dito!

Okay lang ba Kumain ng Kanin ang may Diabetes?


Narebyung medikal ni

Mia Dacumos, MD

Nephrology · Makati Medical Center


Isinulat ni Daniel de Guzman · a

ad iconadvertisement

Nakatulong ba ang artikulong ito?

ad iconadvertisement
ad iconadvertisement