Para sa taong borderline diabetic, napakahalaga ng diet. Makatutulong ang tamang klase ng pagkain at pagkontrol sa dami nito upang makontrol, o mabaliktad ang kanilang kondisyon. Ano ang borderline diabetic diet?
Bukod sa diet, mayroon ding ilang kailangang gawing pagbabago sa paraan ng pamumuhay ng mga borderline diabetic upang maging malusog.
Ano ang Borderline Diabetes?
Ang borderline diabetes ay isang kondisyon kung saan mas mataas kaysa sa normal ang blood sugar levels. Ngunit hindi sila diabetic.
Isa pang tawag sa borderline diabetes ay prediabetes. Dahil kung hindi ito makokontrol o mapapamahalaan, maaaring maging type 2 diabetes ang borderline diabetes. Sinasabing sa loob ng 3 – 5 taon, 25% ng mga taong may borderline diabetes ay magkakaroon ng diabetes. At mas mahabang panahong borderline diabetic ang isang tao, mas mataas ang tsansang maging tunay na diabetes na ito.
Maaaring ang pagkakaroon ng borderline diabetes ay nangangahulugan ding nagsisimula na ang mga epekto ng diabetes tulad ng problema sa puso at kidney.
Narito ang ilang mga panganib para sa borderline diabetes o prediabetes:
- Pagiging obese o sobra sa timbang
- May kaanak na diabetic
- Mataas na blood pressure
- Mataas na level ng cholesterol
- Mga babaeng nagkaroon na ng gestational diabetes
- Mga babaeng may PCOS o polycystic ovarian syndrome
Isang mahalagang bagay na dapat tandaan ay reversible condition ang borderline diabetes. May 2 – 6 na taon ang mga taong may prediabetes upang baguhin ang kanilang gawi upang mabaliktad ang kanilang kondisyon.
Kaya’t kung mayroon kang borderline diabetes, mahalagang magsimula na ng mga pagbabago agad bago magtuloy-tuloy ang iyong kondisyon.
Ano Ang Borderline Diabetic Diet?
Isa sa pinakamahalagang hakbang na puwedeng gawin ng borderline diabetics ang pagbabago sa kanilang diet. May direktang epekto ang ating mga kinakain sa ating kalusugan. At totoo ito lalo na pagdating sa diabetes.
Narito ang ilang paalala pagdating sa kung ano ang borderline diabetic diet:
Iwasan ang maaasukal na pagkain at inumin
Upang makontrol ang borderline diabetes, isa sa mga unang dapat gawin ang pag-iwas sa maasukal na mga pagkain at inumin. Syempre, mataas sa asukal ang mga ganitong pagkain, na kayang magpataas ng iyong blood sugar levels.
Sa halip na uminom ng sodas, piliin na lang ang fizzy water o kaya ay plain water na lang. Puwede mo rin itong lagyan ng isang hiwa ng lemon kung nais mo ng kaunting flavor.
Kailangan mo ring magbawas ng mga panghimagas. Sa halip na cake, tsokolate, at iba pang matatamis, pumili ng may mas mababang sugar gaya ng citrus fruits, unsweetened yogurt, at iba pa.
Panatiling kontrolado ang iyong carbs
Mahalaga ring kontrolin ang pagkain ng carbohydrates. Ibig sabihin nito, kailangan mong umiwas sa ilang mga pagkain gaya ng white bread, white rice, pasta at potato chips.
Sa halip, pumili ng healthier carbs gaya ng whole-grain bread, brown rice, kamote, o quinoa.
Mas masusustansyang pagkain
Sa borderline diabetic diet, una sa listahan ang mga gulay. Maganda ring kumain ng mga pagkaing mayaman sa protina gaya ng itlog, lean meat, isda, at mani. Dahil pinababagal ng protina ang pagpasok ng carbs sa daluyan ng dugo.
Maganda ring idagdag sa iyong diet ang fiber. Tumutulong ito upang mapanatili kang busog. Pinababagal nito ang digestion na nagpapabagal din ng pagsipsip ng carbs papunta sa iyong dugo.
I-manage ang mga pagpipilian
Mahalaga rin ang kontrol sa dami ng kinakain, lalo na kung nais mong magbawas ng timbang. Walang gaanong epekto ang pagkain ng masustansya kung sobra-sobra ka rin kung kumain na lagpas sa kinakailangan ng iyong katawan.
Gawin ito nang tuloy-tuloy
Panghuli, ituloy-tuloy ang pagbabagong ito. Iwasan ang crash diets, o sobrang ginugutom ang sarili.
Lahat ng pagbabago sa iyong paraan ng pamumuhay ay kailangang ituloy-tuloy sa mahabang panahon dahil ito ang pinakamagandang paraan upang mapanatiling malusog. Ang pagkakaroon ng mindset na nakatuon sa long-term health ay makatutulong upang maging madali ang pagsunod sa healthier lifestyle. At iwasang bumalik sa bad habits.
Matuto pa tungkol sa Diabetes dito.