Sa buong mundo, 500, 000 mga tao ang namamatay kada taon dahil sa aneurysm. Kalahati ng bilang na ito ay mga taong nasa edad 50 pababa. Para sa mga taong nakaranas nito subalit gumaling, halos 66% ay nakararanas ng neurological problems kahit matapos gumaling. Paano makakaiwas sa aneurysm?
Ang pag-alam kung paano makakaiwas sa aneurysm ay makatutulong sa maagang paggawa ng mga paraan upang mas bumaba ang tyansa ng pagkakaroon nito. Makatutulong din ito sa paggawa ng mga pagbabago sa paraan ng pamumuhay upang mapabuti ang kalidad ng buhay at mamuhay nang mas mahaba at mas malusog.
6 Na Paraan Kung Paano Makakaiwas Sa Aneurysm
Narito ang anim na mga paraan kung paano makakaiwas sa aneurysm.
1. Mas Mag-Ehersisyo
Maraming mabubuting epekto ang pag-eehersisyo. Sa katunayan, ang mga taong araw-araw na nag-eehersisyo ay nabubuhay nang mas mahaba at may mas magandang kalidad ng buhay kaysa sa mga hindi nag-eehersisyo. Hindi lamang ito nakatutulong sa muscles at mga buto ng tao, kundi pati sa cardiovascular system.
Ito ay dahil sa tuwing ikaw ay nag-eehersisyo, natutulungan mong lumakas ang iyong puso, baga, at ang buong cardiovascular system. Ang regular na pag-eehersisyo ay nakapagpapababa ng tyansa ng pagkakaroon ng mataas na presyon ng dugo.
Kung ang mga ugat na daluyan ng iyong dugo ay nasa mabuting kondisyon, napabababa nito ang tyansang madebelop ang aneurysm.
Pinakamainam mag-ehersisyo sa loob ng kahit 30 minuto kada araw, o halos 150 minuto kada linggo.
Sa tuwing ikaw ay mag-eehersisyo, subukang gawin itong simple at gawin itong gawi. Gawin na lamang ang mga komplikadong ehersisyo sa mga susunod na pagkakataon. Sa pamamagitan ng pag-eehersisyo bilang isang gawi, ginagawa mo itong bahagi ng iyong pamumuhay. Dahil dito, nagiging mas kasiya-siya ang paggawa nito at hindi lamang simpleng gawain.
Makatutulong din kung may kasamang kaibigan o mahal sa buhay sa tuwing nag-eehersisyo. Sa ganitong paraan, mahihilkayat ninyo ang isa’t isa na manatiling malakas at malusog.
2. Kumain Ng Balanseng Diet
Upang makaiwas sa aneurysm, ang iyong diet ay may malaking gampanin. Ang pinakasanhi ng aneurysm ay ang altapresyon, o mataas na presyon ng dugo.
Dahil sa mataas na presyon ng dugo, nagninipis ang artery walls at lumalabas ang “balloon” na nagiging aneurysm.
Upang maiwasan ito, kailangang kumain ng balanseng diet na mababa sa fat at cholesterol, at mataas sa mga bitamina, mineral, at fiber.
Ang fat at cholesterol ay parehong dahilan ng pagkakaroon ng aneurysm. Ang mga ito ay nakapagpapataas ng tyansa ng pagkakaroon ng altapresyon, sakit sa puso, diabetes, at aneurysm. Kaya sa pamamagitan ng hindi pagkain ng mga pagkaing mayaman sa fat at cholesterol, bumababa ang tyansa ng pagkakaroon ng aneurysm.
Ang pagkain ng mas maraming gulay at prutas, at kaunting processed at fatty foods ay makatutulong din. Pagdating sa mga karne at carbohydrates, mainam na katamtaman lamang ang pagkain ng mga ito, at subukang kumain ng lean meat at whole grains.
Mainam din ang pagkain ng isda dahil ang mackerel, tuna, salmon, at sardinas ay naglalaman ng omega-3 fatty acids. Ang fatty acids ay maaari ding makatulong upang mas bumaba ang lebel ng cholesterol sa dugo at ito ay isang uri ng “good” fat na kailangan ng katawan.
3. Pagpapanatili ng malusog na timbang
Bukod sa pag-eehersisyo at pagkakaroon ng balanseng diet, ang pagbabawas ng sobrang timbang ay isa ring paraan upang maiwasan ang aneurysm.
Ang mga taong obese at overweight ay may mas mataas na tyansa ng pagkakaroon ng altapresyon, sakit sa puso, diabetes, at aneurysm.
[embed-health-tool-bmi]
Sa usapin ng aneurysm, ang layers ng fat sa katawan ay dahilan upang mas mahirapan ang puso at ugat na daluyan ng dugo na mag-pump ng dugo. Dahil dito, nagkakaroon ng mataas na presyon ng dugo na nakapagpapahina sa arteries at dahilan ng aneurysm.
Ang pagbabawas ng 5 hanggang 10% sa kasalukuyang timbang ay lubhang mas makapagpapababa sa tyansa ng pagkakaroon ng aneurysm.
4. Bawasan o Itigil Ang Paninigarilyo
Isa sa mga mapanganib na dahilan ng aneurysm ay ang paninigarilyo. Bukod sa napatataas nito ang tyansa ng pagkakaroon ng kanser sa baga, dahilan din ito upang tumaas ang tyansa ng pagkakaroon ng cardiovascular problems, at kabilang dito ang aneurysm.
Ito ay dahil ang paninigarilyo ay direktang nakasisira ng arteries na dahilan upang ang artery walls ay humina. Sa paglipas ng panahon, maaaring madebelop ang aneurysm na lubhang mapanganib.
Napatataas din ng paninigarilyo ang tyansa ng pagkakaroon ng altapresyon, na isang sanhi ng aneurysms.
Kaya kung ikaw ay naninigarilyo, o ang iyong malapit na kaibigan o mahal sa buhay, makabubuting hikayatin silang bawasan o itigil ito sa lalong madaling panahon.
5. Bawasan o Iwasan Ang Pag-Inom Ng Alak
Ang pag-inom ng alak ay isa rin sa mga sanhi ng mataas na tyansa ng pagkakaroon ng aneurysm. Ang pag-inom ng maraming alak ay natuklasang nakapagpapataas ng tyansa, habang ang katamtamang pag-inom ay mas nakapagpapababa sa tyansa ng pagkakaroon ng aneurysm.
Mas mataas din ang tyansa para sa mga taong kasalukuyang malalakas uminom. Samantala, ang mga dating malalakas uminom ay may mas mababang tyansa ng pagkakaroon ng aneurysm.
6. Sumailalim Sa Aneurysm Screening
At huli, mahalagang sumailalim sa aneurysm screening, lalo na kung ang miyembro ng pamilya ay may aneurysm.
Sinusuri sa pamamagitan ng aneurysm screening kung may umbok o aneurysm sa aorta. At kung matuklasan ng doktor na mayroon ka nito, maaari kang gumawa agad ng mga aksyon upang maiwasan ang pagputok nito.
Ang mga kalalakihang nasa edad 65 pataas ay may mataas na tyansa ng pagkakaroon ng aneurysm. Kaya mahalaga ang regular na screening.
Sa pamamagitan ng pagsunod sa mga payo na ito kung paano makakaiwas sa aneurysm, bababa ang tyansa ng pagkakaroon ng hindi lamang aneurysm, kundi maging ng iba pang cardiovascular diseases.
Matuto pa tungkol sa Stroke at Aneurysm dito.