Ang delirium, o deliryo, gaya ng karaniwang tawag sa Pilipinas, ay isang kondisyon na maaaring narinig na ng mga tao, ngunit hindi pamilyar. Dito, tatalakayin natin kung ano ang nagiging sanhi ng delirium at confusion, pati na rin ang mga sintomas ng kondisyong ito.
Ano ang Sanhi ng Delirium at Confusion?
Karaniwang naririnig sa Pilipinas ang katagang “nagde-deliryo” o pagiging delirious. Karaniwang ibig sabihin nito na ang isang tao ay nalilito, o wala sa tamang estado ng pag-iisip.
Sa puntong medikal, ang ibig sabihin ng delirium ay ang isang tao ay nagdurusa sa isang malubhang kaguluhan sa pag-iisip. Maaaring makita ang isang tao na confused o nalilito sa kanyang paligid. Kadalasan, ang isang taong dumaranas ng delirium ay walang ideya kung kung anong nangyayari sa kanyang paligid.
Ang isang mahalagang pagkakaiba ay ang delirium ay hindi isang sakit. Nangangahulugan ito na ang isang taong dumaranas ng delirium ay maaaring may isa pang problemang nagdudulot ng pagbabago sa kalagayan niya sa pag-iisip.
Sa mga matatanda, ang delirium ay minsan ay napagkakamalang dementia o Alzheimer’s disease. Gayunpaman, ang isang malaking pagkakaiba ay ang delirium ay kadalasang nangyayari nang mabilis. Karaniwan din itong reversible habang ang dementia ay hindi. Tumatagal lamang ng ilang oras o araw para magkaroon ng kapansin-pansing senyales ng delirium ang isang tao. Sa kabilang banda, ang dementia ay maaaring tumagal ng mga buwan o taon bago mapansin ang mga sintomas.
Para sa mga sanhi nito, may ilang mga bagay na responsable para sa delirium at confusion. Narito ang ilan sa mga ito:
Alcohol o drug withdrawal
Isa sa mga karaniwang sanhi ng delirium ay kapag ang isang taong lulong sa droga o alak ay biglang huminto. Ito ay maaaring maging sanhi ng isang reaksyon, na humahantong sa delirium.
Ang dahilan sa likod nito ay ang kanilang katawan ay nasanay na sa droga at alak, na ang pagtigil nito ay biglang nagdudulot ng masamang reaksyon. Bilang resulta, ang isang taong dumadaan sa withdrawal ay maaaring makaranas ng mga seizure, at delirium. Ito ay maaaring tumagal sa buong oras na ang kanilang katawan ay nasa withdrawals.
Lalong lalo na, ang mga taong nakakaranas ng alcohol withdrawals ay mas-prone sa delirium.
Malubhang Medikal na Kondisyon
Sa ilang mga kaso, ang mga seryosong kondisyong medikal tulad ng atake sa puso, stroke, sakit sa atay, o maging ang malubhang pagkahulog ay maaaring magdulot ng delirium. Ito ay dahil kung minsan ang mga kondisyong ito ay maaaring magdulot ng pagbaba sa paggana ng utak.
Dahil dito, ang isang tao ay maaaring makaranas ng delirium at confusion kung ang kanilang kondisyon ay malubha.
Mababang sodium levels
Ang pagkakaroon ng mababang level ng sodium, o hyponatremia, ay maaari ding magdulot ng delirium. Kapag ang isang tao ay may hyponatremia, ang dagdag na tubig sa katawan ay nagsisimulang makapasok sa mga selula, kaya ang mga ito ay namamaga.
Nangangahulugan din ito na ang ating mga brain cell o neuron ay nagsisimula nang bumukol dahil sa hyponatremia. Bilang resulta, itinutulak ng utak ang bungo, at maaaring magdulot ng malubhang pinsala.
Ang delirium ay isa lamang sa mga posibleng epekto ng hyponatremia. Ang mga taong may hyponatremia ay maaaring ma-coma, o mamatay kung ang kanilang kondisyon ay hindi ginagamot nang maayos.