Ano ang mga sintomas at paggamot sa leptospirosis? Kadalasang naipapasa ang mga virus, sakit, at impeksyon mula sa isang tao papunta sa isa pa. Karamihan sa mga sakit ang kumakalat dahil sa human transmission, sa pamamagitan man ng body waste o fluid. Ngunit may mga sakit din na nakukuha ng mga tao sa mga hayop. Tinatawag na zoonotic disease ang ganitong uri ng sakit.
Isang karaniwang zoonotic disease ang leptospirosis. Sa kabila ng mababang pagkalat nito sa ilang bahagi ng mundo, itinuturing pa rin na pinakalaganap na zoonotic disease sa mundo ang leptospirosis. Pinapakita ng data na may 1 milyong kaso ng leptospirosis bawat taon, habang 59,000 naman na pagkamatay sa buong mundo ang nauugnay sa leptospirosis.
Tinatawag na leptospirosis ang isang bacterial disease na nangyayari sa mga hayop, na maaari din maipasa sa mga tao. Sanhi ito ng hugis spiral na bakterya na tinatawag na “leptospires” o spirochetes. Maaaring makaapekto ang bakterya sa atay, bato, at iba pang organ sa parehong tao at hayop.
Maaaring makuha ang sakit na ito sa iba’t ibang alagang hayop at ligaw na hayop tulad ng:
- Mga mammal sa dagat
- Baka
- Tupa
- Kambing
- Baboy
- Kabayo
- Mga aso, bihira ang pusa
- Daga
Maraming paraan para mahawaan ng leptospira bacteria ang mga hayop. Dahil karaniwang naipapasa ang leptospirosis sa nahawaang ihi, maaaring mahawa ang isang hayop sa pamamagitan ng pag-inom ng kontaminadong tubig o paglapit sa kontaminadong lupa. Maaaring makapasok ang bakterya na nagsasanhi ng leptospirosis sa mata, ilong, at bibig ng hayop, na siyang mahahalagang lugar para magtuloy-tuloy ang pagkalat.
Posibleng mahawaan ng leptospirosis ang mga tao sa pamamagitan ng exposure sa kapaligiran:
- Maaari ito makapasok sa mga tao sa pamamagitan ng mga sugat at gasgas sa balat, sa mga namumuong sipon sa ilong, bibig, mata, at balat na pinasukan ng tubig.
- Madikit sa ihi ng nahawang hayop, o iba pang fluid ng katawan maliban sa laway.
- Madikit sa lupa, tubig, o pagkain na nakontamina ng ihi ng nahawang hayop.
- Pumapasok minsan sa katawan ng tao ang leptospires sa pamamagitan ng paglanghap sa mga patak ng ihi ng nahawaang hayop, o kaya naman sa pag-inom ng tubig.
Ngunit maliit ang posibilidad na direktang makahawa ng isa pang tao ang taong may leptospirosis. Kadalasang nauugnay ang pagkalat nito sa malakas na pag-ulan at pagbaha, na nagpapataas sa panganib ng exposure mula sa kontaminadong tubig.
Sintomas at Paggamot sa Leptospirosis
Kung nahawaan ng bakterya na nagsasanhi ng leptospirosis, maaari kang makitaan ng sintomas 10 araw matapos ang exposure. Ngunit maaari din lumabas ang mga sintomas sa loob ng 2 hanggang 29 na araw matapos maimpeksyon.
Maaaring magpakita ng mga sumusunod na sintomas ang isang taong may leptospirosis:
- Lagnat
- Panlalamig
- Sakit ng ulo
- Pananakit ng kalamnan, partikular na sa mga binti
- Pamumula ng mata
- Pagsusuka
- Sakit sa tiyan
- Ubo
- Pananakit sa lalamunan
Maaaring magdala ng seryosong problema sa kalusugan ng isang tao ang kaso ng leptospirosis na hindi inagapan.
Sa unang phase nangyayari ang mga karaniwang sintomas. Gumagaling ang tao ngunit nagkakasakit din muli. Tinatawag itong acute o febrile phase kung saan umiikot ang bakterya sa dugo na nagdudulot ng mga karaniwang sintomas. Tumatagal ng 2-9 na araw ang phase na ito, at susundan ng ilang araw na paggaling.
Karaniwang mas malala ang sintomas ng mga kaso ng leptospirosis sa ikalawang phase. Sa phase na ito, maaaring magdulot ng kidney o liver failure, o meningitis ang leptospirosis. Nakikita ito sa pabalik-balik na lagnat at pagkakaroon ng mga komplikasyon at malubhang sintomas.
Kabilang sa mga malalang sintomas ng leptospirosis ang:
- Jaundice (paninilaw ng balat o mata)
- Kidney failure
- Liver failure
- Problema sa paghinga na nakikita sa pabalik-balik na lagnat at pagkakaroon ng mga komplikasyon at malubhang sintomas
- Meningitis (pamamaga ng membranes sa palibot ng utak at spinal cord)
Matapos bigyan ng tamang na treatment, maaaring gumaling ang taong may leptospirosis sa loob lamang ng ilang linggo. Ngunit kung hindi ito bibigyan ng lunas, maaaring tumagal ng ilang buwan ang leptospirosis.
Ano ang Naglalagay sa akin sa Panganib ng Leptospirosis?
Kahit pa ang leptospirosis ang pinakalaganap na zoonotic disease, karaniwan lamang ito nangyayari sa mga temperate o tropikal na klima. Nauugnay din ang sakit na ito sa kahirapan, problema sa pabahay at kalinisan, at baha. Mataas ang panganib sa pagkakaroon ng sakit na ito ang mga taong nagtatrabaho bilang:
- dairy farmers
- Nagtatrabaho sa imburnal
- Magsasaka
- Veterinarian o mga animal caretaker
- Mangingisda
Nasa panganib na maimpeksyon ang mga taong may ganitong uri ng trabaho dahil inilalapit sila ng kanilang mga trabaho sa labas at sa mga hayop.
Maaari ka rin ilagay ng mga sumusunod na libangan sa panganib ng leptospirosis:
- Water sport (gaya ng kayaking o white water rafting)
- Paglangoy
- Camping
- Paghahalaman
Inilalagay ka ng mga libangan na ito sa panganib ng leptospirosis dahil inilalapit ka nito sa lupa o mga anyong tubig na maaaring kontaminado, gaya ng mga ilog.
Paggamot sa Leptospirosis
Para matiyak ang sintomas at paggamot sa leptospirosis, nangangailangan ito ng tamang diagnosis mula sa doktor. May mga test na maaaring isagawa ang mga health practitioner para matiyak ang diagnosis. Ngunit madalas na binabase ang diagnosis sa mataas na listahan ng paghihinala, history ng exposure, at mga senyales at sintomas ng clinical leptospirosis.
Para malaman kung may leptospirosis ang isang tao, karaniwang nagsasagawa ng blood test ang mga health practitioner. Sa kasalukuyan, wala pang bakuna ang leptospirosis para sa tao. Gumagamit ng antibiotic gaya ng doxycycline o penicillin para magamot ang sakit na ito.
Kung naghihinala na may leptospirosis, pinakamahusay na makipag-ugnayan kaagad sa isang health practitioner. Pinakamabuting gamutin kaagad ang leptospirosis kung kailan nagsisimula pa lamang ang mga sintomas para maiwasan ang mas malubhang sintomas.
Pag-iwas sa Leptospirosis
Sa kaso ng leptospirosis, mas mabuting umiwas kaysa magpagamot. Narito ang ilang bagay na makatutulong sa iyo para makaiwas dito:
- Maghugas palagi ng kamay gamit ang sabon at tubig, lalo na kung humahawak ng mga hayop.
- Kung mahilig mag-alaga ng halaman, siguraduhin na gumagamit ng guwantes bilang proteksyon.
- Panatilihing malinis at maayos ang iyong bahay para hindi bahayan ng mga daga.
- Kung hindi maiwasan ang paglusong sa baha, siguraduhin na natatakpan ang mga sugat sa balat at magsuot ng tamang sapatos at damit bilang proteksyon.
- Magsuot ng tamang sapatos lalo na kung lulusong sa putik at lupa.
- Iwasan ang paglapit sa tubig na posibleng kontaminado.
Kung magkaroon ng exposure, tanungin ang iyong doktor tungkol sa antibiotic prophylaxis o gamot na maaari mong inumin para maprotektahan ang sarili mula sa impeksyon.
Kung may mga alagang hayop o iba pang hayop sa bahay, siguraduhin na sinusunod ang mga gawaing nakasulat sa ibaba:
- Linisin ang mga lugar na inihian ng aso, siguraduhin na gumamit ng guwantes, at maayos na i-disinfect ang lugar.
- Huwag hayaan na umihi ang iyong aso sa mga lugar na madalas ka o ang iyong pamilya.
- Maghugas ng kamay palagi pagkatapos hawakan ang mga alagang hayop.
- Bakunahan ang iyong mga baboy, baka, o aso.
Ano ang mga sintomas at paggamot sa leptospirosis? Tinatawag na leptospirosis ang sakit na nagmumula sa mga bakterya na nakikita sa mga ihi ng mga nahawaang hayop gaya ng daga, aso, baka, at iba pang hayop. Isang zoonotic disease ang sakit na ito, ibig sabihin naipapasa ito mula sa hayop papunta sa tao. Ang pag-iwas mula sa exposure at pagsasanay ng kalinisan ang pinakamahusay na paraan para maiwasan ang leptospirosis.
Matuto pa tungkol sa mga Nakahahawang Sakit dito.