Kapag ang mga microorganism ay pumasok sa katawan ng tao at nagdulot ng pinsala, impeksyon ang tawag dito. Kung nagtatanong ka tungkol sa mga karaniwang impeksyon sa balat na mayroon sa Pilipinas, narito ang ilan sa mga kaalaman tungkol sa uri, sanhi at paraan ng gamutan nito.
Mga Uri Ng Impeksyon
Bago talakayin ang tungkol sa mga sanhi ng impeksyon sa balat at mga gamutan, makatutulong kung pag-uusapan muna ang mga posibleng uri nito.
Pumapasok ang microorganism sa katawan upang gamitin itong host para magparami, at sakupin ito upang lumikha ng impeksyon.
Pathogens ang tawag sa mga infectious microscopic organisms na ito. Ilan sa mga halimbawa nito ang:
Viruses
Kapag nagkaroon ka ng impeksyon dala ng virus, tinatawag itong viral infection. Napag-alaman ng mga mananaliksik na may 5,000 uri ng virus, ngunit may malaking posibilidad na mayroong milyong uri nito.
Isa sa halimbawa ng malaganap na impeksyon sa balat ay ang herpes. Ang herpes ay maaaring magdulot ng mga sugat na tinatawag na ulcers, na puwedeng magdulot ng paltos (blisters) sa bahagi ng ari (genital area).
Fungi
Ang fungus ay kadalasang isang multicellular parasite. Gumagamit ito ng enzyme upang i-decompose at sipsipin ang mga organic matter. Bagaman may mga single-celled types din ito, gaya ng yeast.
Kabilang sa mga fungal skin infections ang yeast infection, alipunga, ilang impeksyon sa mata, buni, at iba pa. Ang madalas na senyales ng pagkakaroon ng fungal skin infection ay pantal.
Bacteria
Ang single-celled microorganism na prokaryotes ay isang bacteria. Karamihan sa mga good bacteria ay lumalaban sa bad bacteria upang maiwasan ang pagkakasakit.
Gayunpaman, may ilang bacteria na puwede pa ring makapagdulot ng mga sakit, gaya ng impeksyon sa balat. Ilan sa mga ito ang folliculitis, cellulitis, furuncles, at iba pa.
Mga Sintomas Ng Impeksyon
Iba-iba ang mga sintomas ng impeksyon depende sa organismong nakapagdulot nito. Dagdag pa, nakadepende rin sa lugar kung saan may impeksyon ang sintomas na iyong mararamdaman. Narito ang ilan sa mga sintomas.
Viral Skin Infection
Nakadepende sa klase ng viral infection sa balat ang sintomas nito. Ang pamamantal ang karaniwang sintomas, ngunit dahil nagpapatong-patong ang mga sugat sa balat at hindi nakatitiyak sa kung ano ba talaga ito, doktor ang tamang humusga batay sa iyong history at mga physical exam.
Bagaman puwede rin itong lumabas sa ibang anyo. Halimbawa, maliliit na umbok o spot sa bibig, mga labi, talampakan, o maging sa loob ng bibig dahil sa hand, foot, at mouth disease.
Mga Sintomas Ng Bacterial Skin Infection
Gaya ng iba pang impeksyon, ang mga sintomas ay nakadepende sa lugar kung saan may impeksyon. Halimbawa, ang cellulitis ay nagdudulot ng mapula at masakit na impeksyon.
Ang pigsa ay isang halimbawa ng bacterial skin infection na nagsisimula sa hair follicles. Karaniwan itong masakit at puno ng nana.
Mga Sintomas Ng Fungal Skin Infection
Ang karaniwang mga sintomas ng fungal skin infection ay pagbabago sa balat, gaya ng pamumula, pagbabalat, o pagbibitak. Isa ring karaniwang sintomas nito ang pangangati.
Sanhi Ng Impeksyon
Gaya ng nabanggit kanina, nagdudulot ng impeksyon ang pathogens. Ang uri din ng pathogen ang magsasabi kung papaano ito kumakalat. Halimbawa, maaari kang makakuha ng viral skin infection sa pamamagitan ng paghawak sa iba.
Gayunpaman, may ilang mga viral skin infection gaya ng bulutong na nakukuha sa hangin at sa paghawak. Narito ang talaan ng mga paraan kung papaano naikakalat ang impeksyon sa balat:
- Skin contact
- Paghawak o pagdikit sa dumi (feces)
- Paglilipat ng fluid galing sa katawan
- Pagkonsumo ng kontaminadong tubig o pagkain
- Paghawak sa mga gamit na hinawakan ng taong may impeksyon
- Paglanghap ng hanging may droplets o particles mula sa taong may impeksyon
Tandaan na ang paraan ng pagkalat nito ay magkakaiba sa bawat uri ng pathogen.
Karaniwang Uri ng Impeksyon sa Balat: Mga Sanhi at Gamutan sa Pilipinas
Ngayong alam na natin ang mga sanhi, sintomas, at uri ng mga impeksyon sa balat, pag-usapan naman natin ang karaniwang impeksyon sa balat sa Pilipinas.
1. Acne
Sa maniwala ka man o sa hindi, isang uri ng impeksyon sa balat ang acne. Gayunpaman, hindi lahat ng acne bacteria ay nagdudulot ng acne. Dagdag pa, nakadepende sa strain ng bacteria ang tindi at dalas ng pagkakaroon ng acne.
2. Yeast Skin Infections
Ang Candida o yeast ay isang fungus na namumuhay kahit saan, maging sa iyong katawan. Bagaman nalalabanan ng immune system ang yeast infection, puwede ka pa ring magkaroon nito kapag humina ang iyong resistensya. Paano mo ba masasabing may yeast infection ka? Narito ang ilan:
3. Buni (Ringworm)
Sa kabila ng katawagan nito, ito ay idinudulot ng fungus at hindi ng uod. Gayunpaman, maaaring lumikha ng mga sugat ang impeksyong ito sa balat na mukhang uod na hugis singsing.
Maaaring makakuha ng buni ang tao at hayop. Karaniwang unang senyales ng impeksyong ito ay pulang patches sa balat na apektado, na maaaring kumalat sa buong katawan.
4. Kulugo (Warts)
Isang viral skin infection ang kulugo. Ilan sa mga halimbawa nito ang flat warts, common warts, genital warts, at plantar warts.
5. Alipunga (Athlete’s Foot)
Isang karaniwang fungal infection ang alipunga. Nagdudulot ito ng kaliskis, pagbibiyak, mahapdi, at makating balat sa pagi-pagitan ng mga daliri sa paa. Bunga ito ng fungi ngunit tumutulong ang mamasa-masang kapaligiran sa pagkakaroon nito.
Sino Ang Mas Nanganganib Na Magkaroon Ng Impeksyon Sa Balat?
May mga taong mas madaling kapitan ng impeksyon sa balat kumpara sa iba. Ilan sa puwedeng maging dahilan ng pagkakaroon nito ay:
- Poor circulation
- Mga sakit sa immune system gaya ng AIDS/HIV
- Matatanda
- Diabetes
- Malnourishment
- Sobrang pagkakatupi-tupi ng balat na kadalasang dulot ng sobrang katabaan (obesity)
- Mahinang immune system dulot sa gamutang nakaapekto dito
Paano Gamutin Ang Impeksyon sa Balat
Nakadepende ang gamutan sa klase ng impeksyon at gaano kalala ito. Ngunit may mga impeksyon sa balat na kusang gumagaling.
Halimbawa, maaaring magbigay sa iyo ang doktor ng antiviral na gamot para sa iyong viral skin infection at ng antibiotic para naman sa bacterial infection. Ang paggamit ng antiviral para sa bacterial infection o vice versa ay hindi magiging epektibo. Kaya’t huwag mag-self-medicate. Kailangang kumonsulta sa doktor.
Bagaman nakagagaling ang antibiotics na binigay ng doktor para sa bacterial skin infection, puwede pa ring makaligtas ang ilang strain ng bacteria dito. Kaya mahalaga ang patuloy na pagkonsulta sa doktor kahit tila hindi naman gumagana ang gamot na ibinigay.
Maaaring bigyan ka ng doktor ng antifungal na gamot para sa fungal skin infection na puwedeng pumigil sa fungi na lumaki, o tuluyan nang mawala ito.
Paano Maiiwasan Ang Isang Impeksyon
Walang isang paraan para iwasan ang lahat ng infectious diseases. Gayunpaman, makababawas sa panganib ang pagsunod sa mga sumusunod na hakbang:
- Magpabakuna sa tamang panahon at ipagpatuloy kung kailan kailangan.
- Palaging maghugas ng kamay.
- Gumamit ng condoms kapag nakikipagtalik at magpasuri kung may Sexually Transmitted Infections (STI).
- Huwag magpahiram ng personal na mga gamit gaya ng kubyertos, baso, sipilyo at iba pa sa mga taong may impeksyon.
Kailan Ka Dapat Magpunta Sa Doktor
Kahit na may mga impeksyon sa balat na hindi malala at puwedeng gamutin lang sa bahay, may ilang mga sintomas na nagsasabing kailangan mo na ng atensiyong medikal:
- Paglubha ng mga sintomas gaya ng malalang pagkalat ng mga pantal sa katawan
- Matinding pangangati
- Paglambot ng palibot ng apektadong lugar
- May nararamdamang sakit o kirot
- Mataas na lagnat
Ang sapat na kaalaman tungkol sa mga impeksyon sa balat ay makatutulong sa iyo kung paano ito magagamot at paano maiiwasang magkaroon muli nito.
Matuto pa tungkol sa kalusugan ng balat, dito.