Nakapagpapaunlad ng Digestive Health
Isa sa mga hindi maiikakailang benepisyo ng kimchi ay ang epekto nito sa digestive system. Ang mga binurong pagkain gaya ng kimchi ay nakapagpapaunlad ng intestinal health sa pamamagitan ng pagre-regulate ng antas ng good bacteria sa gut. Ito rin ay pwedeng makatulong sa pag-iwas sa pagkakaroon ng diarrhea at constipation. Ang probiotics sa kimchi ay makatutulong din sa digestive system na ma-absorb ang mga sustansya mula sa mga pagkain na iyong kinain.
Kinokontrol nito ang Kolesterol
Ang mga mananaliksik mula sa Pusan National University sa Korea ay nagsagawa ng pag-aaral kasama ang 100 mga boluntaryo. Ang mga kalahok ay hinati sa dalawang grupo at binigyan ng magkakaparehong pagkain na may iba’t ibang dami ng kimchi. Matapos ang isang linggo, ang parehong grupo ay nagpakita ng pagbaba ng antas ng kolesterol kahit na ang isa ay kumakain ng mas maraming kimchi kaysa sa isang grupo.
Bilang kongklusyon, natuklasan ng pag-aaral na ang kimchi ay nakapagpapababa ng antas ng kolesterol, kahit na kakaunti lamang. Ang tamang antas ng kolesterol ay makabababa ng tyansa ng pagkakaroon ng sakit sa puso at stroke.
Nababawasan nito ang Posibilidad ng Pagiging Obese at Nakatutulong sa Pagpapapayat
Ang lactic acid na mayroon ang kimchi ay nakatutulong para mabawasan ang mga body fats. Ito, kapag sinamahan ng ehersisyo at tamang pagkain, ay makababawas sa masasamang dulot ng obesity. Sa kabilang banda, ang ilang mga sangkap sa kimchi (gaya ng paminta) ay mayroong capsaicin, na nakapagpapabilis ng metabolismo sa pamamagitan ng pagpapataas ng ng energy expenditure at pagtutunaw ng taba at calories. Gayundin, natural na nakapagpapawala ng gana ang capsaicin.
Nakapagbibigay ito ng Makinis na Kutis at Makintab na Buhok
Isa sa mga kakayahan ng kimchi ay gawing makinis ang kutis. Ang bawang na isang sangkap ng kimchi ay may mineral na tinatawag na selenium. Ito ay nakatutulong na mabawasan ang mga sira sa balat at pamamaga dulot ng mga ultraviolet rays. Sa parehong paraan, ang selenium ay nakapagpapabuti ng kalusugan ng buhok. Ito ay sa pamamagitan ng pagpatay sa mga fungus na nagdudulot ng balakubak.
Nakapagpapabagal ng Pagtanda
Ang kimchi ay isang mainam na pinagmumulan ng antioxidants na nakapagpoprotekta sa mga cell mula sa mga free radicals. Ang mga free radicals ay siyang nagpapabilis ng pagtanda dahil sa pagsira nito sa DNA ng balat.
Pinoprotektahan nito ang Katawan mula sa Peptic Ulcer
Isa sa mga hindi gaanong kilalang benepisyo ng kimchi ay ang kakayahan nitong maiwasan ang peptic ulcers. Ito ay dahil sa Leuconostoc mesenteroides na makikita sa kimchi na nakapipigil sa pagdami ng Helicobacter pylori, isang bacterium na sanhi ng peptic ulcer.
Nilalabanan nito ang Yeast Infections
Ayon sa mga paunang pag-aaral, ang antimicrobial property ng kimchi ay kayang sumira ng katawan ng Candida fungus, na siyang nagdudulot ng yeast infections. Nga lamang, karagdagang pananaliksik pa ang kailangan upang mapatunayan ito.
Tandaan
Ang kulturang popular ng Korea ay tunay na nagkaroon ng matinding epekto sa Pilipinas. Isa sa mga pinaka-kapaki-pakinabang na mga bagay na nakuha ng mga Pilipino sa kulturang Koreano ay ang pagkagusto sa kimchi. Hindi lamang ito isang masarap na side dish, mayroon din itong mga benepisyong pangkalusugan.
Isinalin sa Filipino ni Marie Kristel Corpin
Comments
Share your thoughts
Be the first to let Hello Doctor know your thoughts!
Join Us or Log In to join the discussion