Maraming tao ang nakakukuha ng urinary tract infection o UTI sa isang punto sa kanilang buhay. Ang ganitong uri ng impeksyon ay maaaring magdulot ng malubhang kakulangan sa ginhawa at humantong sa mas malalang problema sa kalusugan kung hindi ito magamot. Narito ang mga kaalaman tungkol sa UTI na dapat mong alalahanin.
Ano Ang UTI?
Bilang panimula sa mga kaalaman tungkol sa UTI, ating talakayin kung ano ba talaga ang naturang kondisyon.
Ang urinary tract infection, o mas kilala sa tawag na UTI, ay tumutukoy sa anumang uri ng impeksyon na nakaapekto sa alinmang parte ng urinary system. Ito ay kinabibilangan ng mga sumusunod na bahagi:
- Mga kidney
- Mga ureter
- Bladder
- Urethra
Karamihan sa mga impeksyon ay nangyayari sa lower urinary tract, na kinabibilangan ng bladder at urethra.
Bagama’t medyo karaniwan ang UTI at karamihan ng mga kaso ay hindi gaanong kaseryoso, may malaking panganib ito kung ang impeksyon ay kumalat sa itaas na bahagi ng urinary system, pangunahin sa mga bato o kidney.
Kaalaman Tungkol Sa UTI: Mga Sanhi At Uri
Mayroong ilang mga sanhi ng UTI. Ang urinary tract ay maaaring maapektuhan kapag ang bakterya at mikrobyo mula sa labas ay nakapasok sa katawan. At mayroong ilang mga paraan kung paano ito nangyayari.
Mga Sanhi
Ang pinakakaraniwang paraan para ma-infect ang urethra ay kapag ang bakterya mula sa malaking bituka ay nakapasok sa lower urinary tract.
Kapag ang urethra ay na-infect, maaari na itong umabot sa pantog o bladder. Kung hindi ito magamot kaagad, maaari itong umakyat sa upper urinary tract at maapektuhan na rin maging ang mga bato.
Ito ang pangunahing dahilan kung bakit inirerekomenda ng mga doktor na magpunas ang mga babae mula sa harap hanggang likod kapag sila ay gumagamit ng banyo. Maiiwasan nito ang pagpasok ng bakterya sa anus sa urethra.
Ang mga babae ay may mas mataas na panganib dahil sa kanilang mas maikling urethra kumpara sa mga lalaki. Nangangahulugan ito na mas madaling maabot ng bakterya ang pantog.
1. Sexual Intercourse
Ang isa pang karaniwang paraan ng pagkakaroon ng UTI ay sa pamamagitan ng pakikipagtalik. Ang bakterya ay maaaring makapasok sa vagina at umabot sa urinary tract sa panahon ng pakikipagtalik.
2. Genetics
Isa pang magandang kaalaman tungkol sa UTI ay ang pagganap ng mga gene sa pagkakaroon ng naturang kondisyon. Ang hugis ng urinary tract ay maaaring maging isang salik sa pagtukoy.
3. Diabetes
Ang mga babaeng may diabetes ay gayunding may mas mataas na panganib na magkaroon ng impeksyong ito. Ito ay dahil ang kanilang kondisyon ay nangangahulugan na mayroon silang mas mahinang immune system na nag-iiwan sa kanila na mas madaling kapitan ng mga impeksyon.
Mga Uri
Mayroong ilang mga uri ng urinary tract infections. Ang mga uri na ito ay pangunahing nakabatay kung saan sila nangyayari:
1. Cystitis
Ang cystitis ay isang kondisyon kung saan ang urinary bladder ay apektado at namamaga. Kadalasan, ang pamamaga na ito ay sanhi ng isang impeksiyon.
Minsan ang impeksyon ay hindi sanhi ng mga panlabas na mikrobyo na pumapasok sa loob ng pantog. Ang katawan ay may natural na bakterya na maaaring maging hindi balanse. Kapag nangyari iyon, maaaring maapektuhan ang pantog at maging sanhi ng pamamaga.
Kapansin-pansin na ang cystitis ay hindi palaging nagmumula sa mga impeksyon. May ilang uri ng gamot na maaaring humantong sa pamamaga ng pantog.
2. Pyelonephritis
Ang pyelonephritis ay isang impeksyon naman sa bato. Dahil sa kahalagahan ng mga bato sa normal na paggana ng katawan, ang kondisyong ito ay maaaring maging napakalubha at nagbabanta sa buhay.
Karaniwan, ang impeksiyon ay nagsisimula sa ibabang bahagi ng urinary tract at ito ay tumataas hanggang umabot sa mga bato.
3. Urethritis
Ang urethritis ay tumutukoy sa pamamaga ng urethra na karaniwang sanhi ng impeksiyon. Nagdudulot ito ng pananakit habang umiihi. Ito ay maaaring mangyari sa sinuman, mapa babae o lalaki, anuman ang edad.
Kaalaman Tungkol Sa UTI: Mga Senyales At Sintomas Ng UTI
Narito ang mga karaniwang sintomas ng UTI:
- Ang pinakakaraniwang sintomas ng UTI ay ang burning sensation kapag umiihi. Maaaring makaramdam ng pananakit dulot ng sensasyong ito.
- Ang patuloy na sensasyon na kailangan mong umihi, bagaman kakaunti ang ihi na lumalabas
- Pagkakaroon ng ihi na may madilim na kulay
- Ihi na may napakalakas na amoy
- Pagkakaroon ng lagnat na siyang senyales na ang impeksyon ay umabot na sa itaas na bahagi ng urinary tract, kabilang ang mga bato. Ito ay maaaring isang indikasyon na ang impeksyon ay nagiging seryoso.
- Isa pang sintomas ay ang pakiramdam ng presyon at kung minsan ay pananakit sa ibabang bahagi ng tiyan o marahil sa ibabang bahagi ng likod kung ang mga bato ay naapektuhan.
Kaaalaman Tungkol Sa UTI: Pag-Iwas At Paggamot
Ang mabuting balita ay maaaring maiwasan ang UTI. Narito ang ilang hakbang na pwede mong gawin:
- Gaya ng nabanggit kanina, ang mga babae ay dapat magpunas mula harap hanggang likod tuwing gagamit ng palikuran.
- Uminom ng maraming likido sa buong araw. Ito ay magdudulot sa iyo ng higit na pag-ihi, na maaaring mag-alis ng mga mikrobyo sa urinary tract.
- Huwag pigilan ang iyong pag-ihi dahil maaaring mas tumaas ang posibilidad ng impeksyon, lalo na kung mayroong bakterya sa iyong ihi.
- Umihi bago at pagkatapos makipagtalik upang maalis ang mga mikrobyo na maaaring makapasok sa urethra.
- Hugasan ang iyong genitals bago at pagkatapos makipagtalik upang mabawasan ang posibilidad ng impeksyon.
- Iwasan ang mga feminine products dahil maaari itong makagambala sa antas ng pH ng vagina.
Paggamot
Ang mga antibiotic ay ang pinakakaraniwang paraan ng paggamot para sa UTI. Magrereseta ang iyong doktor ng mga antibiotic kung natukoy na kailangan mo ang mga ito.
Home Remedies
Narito ang ilang home remedies na maaari mong gawin para sa UTI upang maiwasan ang pag-inom ng antibiotics:
- Uminom ng maraming tubig para mahugasan ang bakterya na nagdudulot ng impeksyon.
- Kumonsumo ng cranberries bilang prutas o juice. Makatutulong ang mga ito na maiwasan ang bakterya na nakakabit sa walls ng urinary tract.
- Kumonsumo ng mas maraming vitamin C upang palakasin ang iyong immune system.
- Uminom ng probiotics na tumutulong sa pagpapabuti ng iyong immunity at digestion.
Key Takeaway
Maaaring gamutin ang UTI gamit ang mga nakagisnang mga home remedies sa bahay kapag mild pa ang kondisyon, ngunit kung sa tingin mo ay hindi ito bumubuti, mainam na magpatingin sa doktor.
Tandaan na ang kondisyon ay maaaring mapanganib, lalo na kapag ang mga bato ay apektado.
Alamin ang iba pa tungkol sa UTI dito.