backup og meta
Matuklasan
Mga Health Tool
Magtanong sa Doktor
I-save

Paano Makakaiwas Sa Pagkakaroon Ng Cystitis?

Narebyung medikal ni Elfred Landas, MD · General Practitioner · Maxicare Primary Care Center


Isinulat ni Niña Christina Lazaro-Zamora · a

    Paano Makakaiwas Sa Pagkakaroon Ng Cystitis?

    Ang cystitis ay isang karaniwang impeksyon; ito rin ay isa sa mga pinakamasakit. Sa artikulong ito, alamin kung paano makakaiwas sa cystitis sa natural na paraan.

    Senyales At Sintomas Ng Cystitis

    Ang cystitis ay isang uri ng urinary tract infection (UTI). Ito ay pamamaga ng bladder wall dahil sa impeksyon ng bakterya. Ang magandang balita ay karamihan sa mga kaso ng cystitis ay mga hindi gaano malubha. Gayunpaman, kung hindi ito ipagagamot, maaari itong magresulta sa mga mas malulubhang komplikasyon, tulad ng impeksyon sa bato.

    Ang mga sumusunod ay ang ilan sa mga pinakakaraniwang senyales ng cystitis:

    • Nakararamdam ng pananakit habang umiihi
    • Madilim na kulay ng ihi
    • Madalas na pag-ihi
    • Pagsakit ng pantog
    • Mga sintomas ng impeksyon, tulad ng sinat at pagkakaroon ng masamang pakiramdam

    paano makakaiwas sa cystitis 2

    Paano Makakaiwas Sa Cystitis?

    Paano makakaiwas sa cystitis sa natural na paraan? Narito ang mga sumusunod na pag-iingat na maaaring isaalang-alang.

    1. Magsagawa ng mga wastong hygiene practices.

    Kung ikaw ay may mataas na tyansa na magkaroon ng cystitis, isaalang-alang ang paliligo sa pamamagitan ng shower imbes na sa bathtub. Ito ay dahil ang paliligo sa bathtub ay maaaring makapagpataas ng tyansa ng pagkakaroon ng impeksyon. Ito ay lalo na kung gumagamit ng mga produktong panligo (bubble bath at sabon) na may mga matatapang o mapapangib na kemikal.

    Dagdag pa, matapos gumamit ng banyo, siguraduhing magpunas mula sa harap papunta sa likod upang maiwasan ang pagkalat ng impeksyon mula sa anus papunta sa vulva.

    2. Maging maingat sa paggamit ng mga produktong feminine care.

    Binigyang-diin ng mga eksperto na hindi kinakailangan ang paggamit ng mga produktong feminine care. Sapat na ang paghuhugas gamit ang sabon at tubig. Gayunpaman, kung hindi sanay nang hindi gumagamit ng mga produkto, siguraduhing hindi ito naglalaman ng mga mapapanganib na kemikal.

    3. Manatiling mainit-init.

    Iminumungkahi ng ilang pag-aaral ang pagpapanatili ng puson at mga paa na mainit-init upang maiwasan ang impeksyon sa pantog.

    4. Palakasin ang resistensya.

    Dahil ang sanhi ng cystitis ay impeksyon, naniniwala ang mga eksperto na ang pagpapalakas ng resistensya ay mainam na paraan upang maiwasan ang sakit na ito.

    5. Gumamit ng maluluwag na pantalon at cotton na underwear.

    Maaaring mairita ng masikip na pantalon ang pribadong bahagi ng katawan. Ito ay maaaring mas makapagpataas sa tyansa ng iritasyon at impeksyon. Sa kabilang banda, ang mga hindi cotton na underwear ay hindi epektibong sumisipsip ng kasalumigmigan, na dahilan upang maging mamasa-masa ang bahagi ng underwear. Ang mga bakteryang sanhi ng impeksyon ay kadalasang nananatili sa mga mainit-init, mamasa-masang lugar.

    6. Siguraduhing nailabas ang lahat ng laman ng pantog.

    Kung mas matagal na nanatili ang ihi sa pantog, mas mataas ang tyansa ng impeksyon. Kaya naman, umihi nang mabuti upang mailabas ang lahat ng laman ng pantog.

    7. Umihi kung lubhang kinakailangan.

    Ilang minuto lamang ang kakailanganin upang umihi at mailabas ang lahat ng laman ng pantog, kaya gawing nakasanayan ang pag-ihi kung lubhang kinakailangan.

    8. Subaybayan ang iyong diet.

    Ang pagsubaybay sa iyong diet ay isa sa mga natural na paraan kung paano makaiiwas sa cystitis. Isaalang-alang ang pagdaragdag ng mga sumusunod sa iyong nakasanayang diet:

    Tubig

    Ang pagdaragdag ng maraming tubig sa iyong diet ay makatutulong upang natural na maiwasan ang cystitis. Maaari itong makatulong sa tatlong mga paraan:

    • Ang pag-inom ng maraming tubig ay nangangahulugang pag-ihi nang madalas. Mahalaga ito dahil ang pagkakaroon ng tirang ihi sa pantog ay maaaring maging dahilan ng pagkakaroon ng impeksyong sanhi ng bakterya.
    • Napalalabnaw ng tubig ang ihi, dahilan upang mabasawan ang acidity nito. Ang ihi na masyadong acidic ay maaaring makairita sa pantog, dahilan upang mas tumaas ang tyansa ng impeksyon.
    • Ang pagiging hydrated ay nakatutulong sa pagpapabuti ng kabuoang kondisyon ng katawan

    Iminumungkahi ng maraming eksperto na kung hindi magagawa ang ilang mga paraan upang maiwasan ang cystitis, ang pag-inom lamang ng mas maraming tubig sa buong araw ay lubhang malaking tulong.

    Probiotics At Prebiotics

    Isa pa sa mga natural na paraan upang maiwasan ang cystitis ay sa pamamagitan ng pagdaragdag ng probiotics at prebiotics sa iyong diet.

    Ang probiotics ay ang mga pagkain nagtataglay ng buhay, at mabuting bakterya. Habang ang prebiotics ay ang mga nagsisilbing pagkain para sa mga buhay na bakterya.

    Ang pagdaragdag ng maraming mabubuting bakterya sa iyong katawan ay mainam na paraan upang malabanan hindi lamang ang mga impeksyon sa pantog kundi maging ang ibang sakit sa digestive. Ito ay dahil nakokontrol nila ang masasamang bakterya.

    Maraming yogurts ang naglalaman ng buhay na bakterya; kung hindi ka mahilig sa yogurt, may ibang maaaring pagpilian, tulad ng probiotic na gatas.

    Mga Prutas At Green Leafy Vegetables

    At syempre, huwag kalimutan ang pagdaragdag ng mga gulay na may dahong kulay berde at prutas sa iyong diet. Napalalakas ng mga ito ang resistensya sa paraang mas protektado ka laban sa mga impeksyon, tulad ng cystitis.

    9. Magsagawa ng mga wastong hygiene practices bago at pagkatapos makipagtalik.

    Ang bakterya na maaaring maging dahilan ng pamamaga ng pantog ay maaaring makapasok sa urethra habang nakikipagtalik.

    Dahil dito, isa sa mga natural na paraan upang maiwasan ang cystitis ay ang paghuhugas nang mabuti ng mga kamay at pribadong bahagi ng katawan bago makipagtalik. Makatutulong din kung gagawin din ito ng iyong karelasyon.

    At huli, upang mailabas ang bakterya, huwag kalimutang umihi at siguraduhing nailabas ang lahat ng laman ng pantog matapos makipagtalik.

    Pagsasaalang-Alang Ng Paggamit Ng Contraception

    Ayon sa ilang mga ulat, ang birth control methods na gumagamit ng spermicide (sperm-killing agents) ay maaaring makapagpataas ng tyansa ng cystitis. Maaaring gayundin para sa diaphragm.

    Kung ikaw ay gumagamit ng isa sa dalawang contraceptive methods na ito subalit nais na natural na maiwasan ang cystitis, maaaring gustuhin mong baguhin ang mga ito.

    Key Takeaways

    Karaniwan man ang impeksyon sa pantog o cystitis, hindi ito nangangahulugang hindi maiiwasan ang sakit na ito. Upang natural na maiwasan ang cystitis, mahalagang maging maingat ang isang indibidwal sa kanyang araw-araw na mga gawi, diet, at iba pang gawi na maaaring makaapekto sa kanyang kabuoang kalusugan.

    Matuto pa tungkol sa Urological Health dito.

    Disclaimer

    Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

    Narebyung medikal ni

    Elfred Landas, MD

    General Practitioner · Maxicare Primary Care Center


    Isinulat ni Niña Christina Lazaro-Zamora · a

    advertisement iconadvertisement

    Nakatulong ba ang artikulong ito?

    advertisement iconadvertisement
    advertisement iconadvertisement