Ang mga tao ay madalas magbiro tungkol sa pagbebenta ng kidney sa tuwing gusto nilang bumili ng isang mahal na bagay. Kung tutuusin, dalawa ang ating kidney, hindi ba? Bagama’t totoo na maaari pa ring tayong mabuhay sa tulong ng isang kidney, tiyak na mas mainam ang dalawa kaysa sa isa. Ang kidneys ay espesyal at importanteng organs, kaya naman ang pagkakaroon ng malulusog na pares nito ay napakahalaga. Dapat mo bang paglaanan ang pag-inom ng supplement sa kidney? Epektibo at ligtas ba ang mga ito?
Bakit mahalaga ang kalusugan ng kidney?
Ang ating kidneys ay kakaiba at mahalagang organs. Ang dalawang organs na ito ay matatagpuan sa bandang likod ng abdominal cavity. Subalit sa kabuoan, hindi natin nakikita o nararamdaman ang mga ito. Ano ang kanilang ginagawa para sa ating katawan? Tungkulin nitong salain ang ating dugo at lumikha ng ihi. Dagdag pa, responsable rin ito sa pagtanggal ng dumi at toxins. Gayundin, nakatutulong ito upang makontrol ang presyon ng dugo.
Katulad ng puso, ang ating kidneys ay gumagana 24 oras sa isang araw, 7 araw sa isang linggo, sa ating buong buhay. Sa katunayan, ang malusog na pares ng kidneys ay sumasala ng halos 140 litrong dugo bawat araw. Mahalaga ito upang maiwasan ang pamumuo ng dumi mula sa normal na metabolic processes. Dagdag pa, inaalis ng kidneys ang sobrang tubig upang maiwasan ang edema at bloating.
Subalit dahil ang ating kidneysay laging gumagana, nakararanas din ang mga ito ng lubhang pagkapagod. Dahil sinasala ng mga ito ang maraming dugo, lantad ang kidneys sa lahat ng gamot at kemikal na natunaw sa dugo. Kapag nasira ang kidneys, hinayaan ng tubules na nasa loob nito ang pagdaan ng mas malalaking particles. Kadalasan, ang blood cells, protein, at sugars ay nananatili sa dugo. Subalit kapag nasira ang kidneys, maging ang mga ito ay dumadaan patungo sa ihi. Ang biglang pagkasira ng kidney ay tinatawag na acute kidney injury (AKI) habang ang matagal ng sira na kidney ay tinatawag na chronic kidney disease (CKD).
Ang ilan sa mga senyales at sintomas ng sakit sa kidney ay ang mga sumusunod:
- Proteinuria (protein sa ihi)
- Hematuria (dugo sa ihi)
- Glycosuria (glucose sa ihi)
- Pagkapagod
- Mahinang pagkontrol sa presyon ng dugo
- Pananakit ng gitna o ibabang bahagi ng likod
- Lagnat
- Anemia
Dapat ba akong uminom ng supplement sa kidney?
Katulad ng nabanggit kanina, ang ating kidneys ay lantad sa maraming kemikal na makikita sa mga pagkain at inuming ating kinukonsumo. Halos lahat ng gamot ay natutunaw at inilalabas mula sa katawan, maaaring sa pamamagitan ng hepatic (liver) o renal (kidney) routes. Ang liver ay responsable sa halos lahat ng metabolism (pagtunaw) habang ang kidneys ay responsable sa halos lahat ng paglabas o pagtanggal ng mga dumi. Bagama’t kayang gawin ng kidneys ang tungkulin nito, ang mataas na doses ng anomang gamot ay maaaring maging mahirap at maging sanhi ng pagkasira ng kidneys dahil sa pagkaipon ng mga ito.
Ang ating kidneys ay hindi nangangailangan ng tiyak na supplement. Sa katunayan, kung kaunting gamot lamang ang iyong iinumin, kaunting trabaho lamang din ang kailangang gawin ng kidneys. Dahil ang mga ito ay highly vascularized organs, ang pagpapanatili ng malusog na diet para sa puso na may kasamang exercises para sa cardio ay makapagpapabuti sa kabuoang kalusugan. Dagdag pa, ang pagkontrol sa presyon ng dugo at sa blood sugar ay makababawas sa pagod ng kidneys.
Ang problema sa karamihan ng herbal supplements ay hindi ito aprobado ng FDA bilang gamot sa anomang tiyak na sakit. Gayundin, karamihan sa mga ito ay hindi nakalagay ang mga sangkap o ang tiyak na dami ng sangkap na ginamit sa paggawa nito. Dahilan ito upang mahirap malaman kung ikaw ba at underdose o overdose sa isang gamot.
Dagdag pa, ang ibang supplements ay maaaring may kasamang mapanganib na contaminants, tulad ng heavy metals. Maaari ding makaapekto ang potensyal na side effects ng supplements na ito sa gamot na kasalukuyan mong iniinom.
Ang supplement sa kidney ay kadalasang may kasamang mga salita tulad ng “natural” at “ligtas”. Subalit ang mga ito ay kadalasang hindi tototo at para lamang maging mabenta ang produkto. Uminom lamang ng supplement sa kidney na inireseta ng iyong doktor o ng nephrologist.
Mga Sangkap na Dapat Iwasan
Para sa mga taong may dalawang malulusog na kidneys, anoman ang kanilang kainin ay makakaya ng kanilang katawan. Ang isang gamot na may mataas na dose ay hindi makasisira ng kanilang kidneys.
Subalit ang pag-inom ng mga tiyak na gamot sa loob ng mga linggo, buwan, at taon ay maaaring magkaroon ng epekto. Ito ang dahilan kung bakit mahalaga ang pagkakaroon ng regular na konsultasyon sa doktor. Babaguhin ng iyong doktor ang doses ng iyong gamot, maging ang iyong regimens batay sa epekto ng mga ito.
Para sa mga pasyenteng may AKI, CKD, o sumailalim sa kidney transplant, kailangang maging mas maingat sa mga kinakain at iniinom. Lubhang mas mahalaga ito kung mayroon pang ibang kondisyon tulad ng diabetes at altapresyon. Sa kabuoan, kailangang iwasan ang mga pagkaing mataas sa sodium at potassium-containing substances.
Ang mga taong may history ng kidney stones ay dapat na uminom ng maraming tubig sa loob ng isang araw. Iwasan din ang mga pagkaing maraming asin at mayayaman sa mineral. Ang citrus juice ay may citrate na nakatutulong upang maiwasan ang pamumuo ng bato.
Gayunpaman, kailangang iwasan ang pag-inom ng maraming doses ng vitamin C supplements. Ito ay dahil batay sa mga pag-aaral, napatataas nito ang tyansa ng pagkakaroon ng kidney stones, lalo na sa mga may history nito. Iwasan din ang mga pagkain at supplements na may oxalates, dahil nakatutulong ito sa pamumuo ng bato.
Mga pagkain at sangkap na dapat iwasan o dapat gamitin nang may pag-iingat:
- Saging
- Beans
- Patatas at mga ugat na gulay
- Spinach at broccoli
- Ginseng
- Dandelion
- Evening primrose
- Luyang dilaw
- Milk thistle
- Ampalaya
- Coriander (wansoy, cilantro)
- Parsley
- Yohimbine
- Creatine
- Licorice root
- Uva ursi
- Alak
Key Takeaways
Sa kabuoan, ang supplement sa kidney ay hindi kinakailangan ng malulusog na kidneys. Maaari itong maging mapanganib para sa mga taong mayroon ng sakit sa kidney. Bukod sa supplements, maaaring hindi rin makaburi sa mga pasyenteng may renal disease ang mga tiyak na pagkain at halamang gamot. Kumonsulta sa iyong doktor o pharmacist para sa marami pang impormasyon tungkol sa mga gamot na maaaring makaapekto sa iyong kidneys.