Pantog ang ipunan ng ihi mula sa kidneys o bato natin. Minsan, kapag concentrated ang ihi, namumuo ang mga substance dito at nagiging bato. Sa artikulong ito, pag-uusapan natin ang mga senyales at sintomas ng bato sa pantog.
Ano ang Bato sa Pantog?
Bago natin palalimin ang ating kaalaman tungkol sa mga senyales at sintomas ng bato sa pantog, unawain muna natin ang kondisyong ito.
Ang bato sa pantog o kidney stones ay tinatawag ding bladder calculi. Nangyayari ito kapag namuo ang mga mineral sa pantog. Parehong maaaring magkaroon ng bato sa pantog ang mga lalaki at babae, ngunit ayon sa pag-aaral, mas madalas magkaroon nito ang mga lalaki. Maaaring dahil ito sa paglaki ng prostate na humaharang sa pagdaloy ng ihi, bagaman kailangan pa natin ng dagdag na saliksik upang kumpirmahin ang bagay na ito.
Paano Nabubuo ang Bato sa Pantog?
Upang maunawaan kung paano nabubuo ang bato sa pantog, balikan muna natin ang ilang konsepto tungkol sa urinary system:
- Una, sinasala ng mga kidney ang ating dugo
- Kapag nasala na ang dugo, ang mga duming nasala at sobrang tubig ay magiging ihi na ilalabas ng katawan
- Mula sa mga kidney, iipunin ng pantog ang ihi.
- Matatagpuan mo ang organ na ito sa may bandang puson natin
- Maaaring mag-relax o mag-expand ang pantog upang makapag-ipon ng ihi.
- Nagko-contract din ito upang mapadaloy ang ihi sa urethra.
Kapag naiihi na tayo, kadalasan, puwede nating ubusin ang lahat ng ihi na nasa pantog. Gayunpaman, may ilang pagkakataon at medikal na kondisyon ang nagiging sanhi ng natitirang ihi sa pantog.
Ngayon, may ilang substance sa ating ihi na nagdidikit-dikit at nagiging kristal. Sa katagalan, ang mga kristal na ito ang nagiging bato.
Mga Senyales at Sintomas ng Bato sa Pantog
Maniwala ka man o hindi, minsan, ang mga bato sa pantog, maging ang malalaking bato, ay hindi nagpapakita ng anumang senyales at sintomas. Madalas namang inilalabas sa pag-ihi ang maliliit na bato.
Gayunpaman, kapag nairita ng bato ang lining ng pantog, o kapag humarang ito sa pagdaloy ng ihi, maaaring lumabas ang mga sumusunod na senyales at sintomas:
Sakit sa ibabang bahagi ng tiyan o sa may bandang puson
Madalas na makaranas ng pananakit o pressure sa puson ang mga taong nakararanas ng bato sa pantog. May pagkakataon na ang sakit na nararamdaman ay mas malala at namimilipit.
Bukod sa abdominal pain, maaari ding makaranas ng pananakit sa palibot ng ari ang mga lalaki.
Pagbabago sa kulay ng ihi
Binabago rin ng bato sa pantog ang kulay ng ihi. Ang normal na ihi ay transparent o maputlang dilaw. Gayunpaman, iniulat ng karamihan sa mga pasyente na nagkaroon sila ng dark o malabong ihi kapag meron silang bato sa pantog.
Sa ilang pagkakataon, mapapansin ding may dugo sa ihi (hematuria). Gayunpaman, huwag umasang makakakita ng matingkad na pulang dugo. Kadalasan, humahalo ang dugo sa ihi kaya’t nagkukulay matingkad na pink o kulay Coke o tsaa.
Nahihirapang Umihi
Maraming mga ulat mula sa mga pasyente ang nagsasabing may magkakaiba silang nararanasang hirap sa pag-ihi.
Halimbawa, may nagsasabing nahihirapan silang ilabas lahat ng kanilang ihi. Ibig sabihin nito, kapag umiihi sila, naaantala ang pagdaloy ng ihi.
Isa pang kaso ng hirap sa pag-ihi ay nakaiihi lang sila sa ilang tiyak na posisyon. Syempre, magkakaiba ang posisyon ng pag-ihi sa bawat tao.
Panghuli, maaari ding makaranas ng masakit na pag-ihi.
Madalas na Kagustuhang Umihi
Bagaman maaari kang makaranas ng hirap sa pag-ihi, puwede ka pa ring makaranas ng madalas na kagustuhang umihi.
Mahalagang tandaan na may ilang mga taong hindi nakokontrol ang kanilang pag-ihi kapag mayroon silang bato sa pantog.
Iba pang Senyales at Sintomas ng Bato sa Pantog
Bukod sa mga nabanggit na mga sintomas sa itaas, ang taong may bato sa pantog ay maaari ding may mga senyales ng urinary tract infection (UTI), tulad ng:
- Lagnat
- Kaunting ihi lang ang nailalabas
- Masama ang pangkalahatang pakiramdam
Panghuli, maaaring makaranas ang mga batang may bato sa pantog ng mga sumusunod na senyales at sintomas:
- Bedwetting
- Para sa mga lalaki, priapism
Ang priapism ay isang kondisyon kung saan ang mga lalaki ay may masakit at patuloy na pagtigas at pagtayo ng ari (erection) na tumatagal ng ilang oras.
Tandaang bihira sa mga bata ang magkaroon ng bato sa pantog.
Kailan Dapat Magpunta sa Doktor
Kapag nakaranas ka ng anumang senyales at sintomas ng bato sa pantog, tiyaking kumonsulta agad sa doktor.
Dahil kapag hindi nagamot ang bato sa pantog, maaari itong magresulta sa mga sumusunod na komplikasyon:
- Chronic Bladder Problems. Maaari kang makaranas ng mga senyales at sintomas na banggit sa itaas sa loob ng mas mahabang panahon. Dagdag pa, ang hindi nagamot na bato sa pantog ay maaaring mapunta sa opening na nag-uugnay sa pantog at urethra, na humaharang sa daloy ng ihi.
- Urinary Tract Infections. Bukod sa chronic bladder problems, ang hindi nagamot na bato sa pantog ay maaaring maging sanhi ng pagbalik ng UTI, gaya ng cystitis.
Pakatandaang kahit ang mga kaso ng bato sa pantog na walang senyales at sintomas ay puwedeng magkaroon ng mga komplikasyon kung mapapabayaan.
Paraan ng Pag-iwas
Kung nais mong maiwasan ang pagkakaroon ng bato sa pantog, maaari mong gawin ang ilang mga hakbang:
- Dagdagan ang iniinom na tubig. Subukang uminom ng 2 – 3 litro ng tubig araw-araw upang maiwasan ang pamumuo ng bato
- Umihi kapag naiihi. Kung naiihi ka, huwag nang patagalin pa. Magtungo agad sa palikuran at ilabas lahat ng ihi.
- Dalawang beses umihi. Isang paraan upang matiyak na nailabas mo na lahat ng ihi sa iyong pantog ay sa pamamagitan ng dalawang beses na pag-ihi. Matapos ng unang pag-ihi, maghintay ng 10-20 segundo at subukan ulit umihi. Madalas na epektibo itong gawin dahil ginigising nito ang pantog upang ilabas ang natitira pang ihi.
Panghuli, ang paglabas ng lahat ng ihi ay hindi dapat minamadali o pinepwersa. Dahil dito, dapat ay nagugugol ng sapat na oras tuwing umiihi.
Key Takeaways
Sa kabila ng sakit at discomfort na dulot ng mga senyales at sintomas ng bato sa pantog, maganda pa ring mayroon itong ipinapakitang mga babala. Kadalasang walang pangmatagalang pinsala ang bato sa pantog, ngunit maaaring magpabalik-balik kung hindi maitatama ang pinakasanhi nito.
Matuto pa tungkol sa Problema sa Pantog dito.