backup og meta

Urinary Incontinence o Hindi Mapigilang Pag-ihi, Paano Masosolusyonan?

Urinary Incontinence o Hindi Mapigilang Pag-ihi, Paano Masosolusyonan?

Maaaring maranasan ninuman ang urinary incontinence o kahirapan sa pagkontrol pag-ihi. Isa itong medikal na kondisyon na nagbibigay sa isang tao ng kahirapan makontrol ang pantog kung kaya’t mas madalas o biglaan ang pag-ihi. Maaari itong maranasan ng kahit na sino. Gayunpaman, mas mataas ang panganib ng ganitong kondisyon sa kababaihan at mga taong may natatanging kalagayang pangkalusugan. Bagaman hindi ito kasinlubha ng iba pang sakit, pinakamainam pa ring maging maalam kung paano mababawasan ang hindi mapigilang pag-ihi.

Sanhi ng Urinary Incontinence

Kadalasang nangyayari ang hindi mapigilang pag-ihi kapag ang muscles at nerves na tumutulong sa pantog na pumigil at magpalabas ng ihi ay humihina o napipinsala. Bukod dito, marami pang puwedeng magdulot ng hindi mapigilang pag-ihi tulad ng:

  • Ilang pagkain, inumin, at gamot na nakapagpalabas ng excess na tubig sa katawan sa pamamagitan ng pag-ihi (diuretics), tulad ng alak, caffeine, carbonated drinks, spicy at acidic food, mga pampakalma, at mataas na dose ng vitamin C. 
  • Mga sakit tulad ng diabetes, ilang uri ng kanser, at sakit na tumatama sa utak tulad ng Parkinson’s disease at multiple sclerosis
  • Pisikal na mga pagbabago dulot ng pagbubuntis, panganganak, menopause, at pagtanda
  • Hysterectomy at iba pang operasyon at gamutan para sa pelvic cancers
  • Mga tumor o mga barang nagdudulot ng pressure sa pantog
  • Urinary tract infection (UTI) at constipation (pagtitibi)

6 na Uri ng Urinary Incontinence

Bago tayo magtungo sa kung paano mababawasan ang kahirapang mapigilan o makontrol ang pag-ihi, pag-usapan muna natin ang mga uri nito. Maikakategorya ang hindi mapigilang pag-ihi sa anim na magkakaibang uri na nakadepende sa mga sintomas at severity nito.

1. Stress incontinence

Kapag naririnig natin ang salitang “stress”, ang unang naiisip natin ay mga emosyon o damdamin. Gayunpaman, kapag pinag-uusapan ang stress incontinence, tumutukoy ang “stress” sa pressure sa pantog, na nagiging sanhi ng pagtagas ng ihi.

Mas madalas ang ganitong kondisyon sa mga babae at maaaring makaranas ng pagtagas kasabay ng pag-ubo, pagbahing, o pagtawa. Ang mga biglang paggalaw tulad ng bending, squatting, at lifting ay maaari ding maging sanhi ng pagtagas ng ihi.

Naniniwala ang mga eksperto na ang mga babaeng nanganak sa pamamagitan ng normal vaginal delivery ay mas malaki ang tsansang magkaroon ng stress incontinence. Nahahatak at napahihina ng vaginal birth ang pelvic floor muscles at nerves, na nagreresulta sa mas mahinang suporta sa pantog.

Nangyayari din ang stress incontinence dahil sa pagtanda – lalo na sa nagme-menopause na babae, mga lalaking sumailalim na sa operasyon, at maging sa mga taong mayroong matinding kondisyon sa baga.

2. Overactive bladder o urgency urinary incontinence

Ang pangangailangan at madalas na pag-ihi kahit hindi pa puno ang pantog ay tinatawag na overactive bladder o urge incontinence. Nangyayari ang urinary urgency dahil sa involuntary contraction ng muscle ng pantog (detrusor).

Ang taong nakararanas ng overactive na pantog ay maraming beses na umiihi sa loob ng isang araw at maaari ding makaramdam ng parehong kagustuhang umihi kahit natutulog sa gabi. Ito ang nagdudulot ng putol-putol na tulog. Karamihan sa mga nakararanas ng overactive na pantog ay nahihirapang kontrolin ang paglabas ng kanilang ihi, na dahilan kung bakit madalas silang nababasa.

Puwedeng magkaroon ng overactive na pantog ang parehong babae at lalaki, ngunit mas madalas itong nararanasan ng mga may diabetes, multiple sclerosis, at Parkinson’s disease. Maaari ding magkaroon ng ganitong kondisyon ang mga lalaking sumailalim sa operasyon at gamutan para sa prostate cancer. Ang nararanasang pisikal na pagbabago ng postmenopausal na babae ay nagdudulot din ng overactive na pantog.

3. Overflow incontinence

Mayroon kang overflow incontinence kung hindi mo lubos na maubos ang lahat ng laman ng iyong pantog, na nagiging sanhi ng leakage. Nangyayari ang overflow incontinence kapag may humarang sa normal na pagdaloy ng iyong ihi. Kadalasang mga tumor, bato sa pantog, at scar tissues ang sanhi ng harang na ito.

Mas karaniwan ang problemang ito ng pag-ihi sa mga lalaki kaysa sa mga babae, lalo na sa mga lalaking may mga problema sa prostate. May panganib ding magkaroon ng overflow incontinence ang ng taong may diabetes, neurological disorders, at mga umiinom ng ilang gamot na humahadlang sa muscles ng pantog na mag-contract. 

Nakakainis ang magkaroon ng overflow incontinence dahil palagi mong kailangang umihi ngunit kaunti lamang ang lumalabas.

4. Functional incontinence

Hindi garantiyang maayos ang iyong urinary tract para masabing hindi na mababasa ng ihi ang isang tao nang kusa. May mga pagkakataong kahit walang problema sa pag-ihi ang isang tao, naiihian pa rin nila ang sarili dahil sa ilang karamdaman. Ito ang tinatawag na functional incontinence. 

Ang matatandang may dementia, Alzheimer’s o Parkinson’s disease, mga taong na-stroke na o may problema sa nerves, at mga may mental illnesses ay mas malaki ang tsansang magkaroon ng functional incontinence. Ang mga taong nahihirapang magpunta sa palikuran sa tamang oras dahil sa ilang karamdaman ay maaari pa ring mabasa ng ihi ang kanilang sarili kahit wala silang sakit sa pag-ihi.

Maaari ding magdulot ng functional incontinence ang diuretics o gamutang nakapagpaparami ng ihi. 

5. Reflex incontinence

Ang hindi sinasadya o hindi inaasahang pag-ihi dulot ng contraction ng detrusor muscles ng pantog ay tinatawag na reflex incontinence. Madalas itong maikumpara sa urgency urinary incontinence dahil mayroon silang pagkakapareho. Gayunpaman, kapag mayroon kang reflex incontinence, mas marami ang iyong naiihi kaysa sa taong may urgency urinary incontinence. 

Nasa panganib ng urinary problem na ito ang mga taong may acute neurological disability na resulta ng spinal cord injury, multiple sclerosis, o may mga pinsala mula sa treatment at operasyon. 

6. Mixed incontinence

May mga pagkakataong nangyayari ang mixed incontinence. Tumutukoy ito sa taong nakararanas ng dalawang magkaibang mga sintomas mula sa dalawang magkaibang uri ng urinary incontinence. Upang malaman kung paano mababawasan ang hindi mapigilang pag-ihi, lalo na sa kasong ito, kailangang matukoy ang salik na nagdudulot ng ganitong kondisyon. 

Paraan ng Pag-iwas sa Hindi Mapigilang Pag-ihi

May mga uri ng urinary incontinence na puwedeng maiwasan ng isang tao. Ngunit mayroon namang talagang hindi maiiwasan kahit gaano karaming pag-iingat. Narito ang ilang payo kung paano mabawasan ang hindi mapigilang pag-ihi at upang higit na bumuti ang buhay:

  • Makatutulong ang pagpapanatili ng malusog na timbang upang mapababa ang panganib ng hindi mapigilang pag-ihi. Kung sobra ka sa timbang o ikaw ay obese, madali kang magkakaroon ng mga medikal na kondisyon na maaaring mauwi sa problema sa pag-ihi. Madalas na mag-ehersisyo ng hindi bababa sa 30 minuto kada araw upang maabot ang mas malusog na pangangatawan.
  • Iwasan o limitahan ang mga pagkain at inuming may alak, caffeine, at may sobrang acidity. Maaaring mairita ng mga pagkaing ito ang iyong pantog at makapagpadami ng ihi. Ang pinakamabuting paraan upang mabawasan ang hindi mapigilang pag-ihi ay limitahan ang pagkonsumo ng mga ganitong pagkain at inumin kung hindi mo talaga kayang iwasan.
  • Gawin ang pelvic bone exercises na nakapagpapalakas ng pelvic floor muscles. Ipinapayo ito sa mga buntis at nanganak na.

hindi mapigilang pag-ihi

Mga Gamutan sa Urinary Incontinence

Puwedeng irekomenda sa iyo ng doktor ang mga gamutan na sadyang binuo para sa tiyak na mga problema mo at pangangailangan. Kung hindi nakatulong ang mga payo upang mabawasan ang hindi mapigilang pag-ihi, narito ang mga gamutang maaari mong kunin:

Behavioral therapy

Ang mga teknik na matututuhan mo mula sa behavioral therapy ay maaaring makatulong sa iyo na limitahan ang paulit-ulit na paggawa ng mga bagay na nagreresulta sa hindi mapigilang pag-ihi. Maaari ding turuan ka ng iyong therapist kung paano kontrolin ang pantog mo at pag-ihi. 

Pelvic exercises

Makatutulong ang paggawa ng pelvic exercises o mas kilala sa tawag na Kegel exercises upang bumuti ang iyong kalagayan mula sa stress incontinence at urgency incontinence. Maaaring irekomenda ng iyong doktor na kumuha ka ng physical therapist upang matulungan ka sa tamang pag-eehersisyo.

Vaginal insert (pessary)

Sinusuportahan ng pessary ang urethra upang maiwasan ang leakage. Ipinapayo ito sa mga babaeng may stress incontinence.

Bulking material injections

Itinuturok ang synthetic substances sa urethra upang kumapal ang wall nito at mapanatiling masikip at nang mabawasan ang pagtagas.

Botox

Nire-relax ng Botulinum toxin type A o Botox ang mga muscle ng pantog ng mga taong nakararanas ng overactive bladder. Binabawasan ng Botox ang dalas ng kagustuhang umihi. 

Nerve stimulators

Kung ang hindi mapigilang pag-ihi ay resulta ng pinsala sa nerve, makatutulong ang nerve stimulators upang mabawasan ang dalas ng pag-ihi. Ang implantable device sa ilalim ng iyong balat sa balakang at puwitan ay magpapadala ng electrical impulses sa mga nerve upang makontrol ang muscles ng iyong pantog at mabawasan ang kagustuhang umihi.

Sling procedures

Ang mga operasyong makatutulong sa stress incontinence ay tinatawag na sling procedures. Isinasagawa ng mga doktor ang pamamaraang ito sa pamamagitan ng pagbuo ng sling gamit ang natural o synthetic na kagamitan sa paligid ng urethra upang magbigay ng suporta.

Bago subukan ang alinman sa mga gamutang ito, tiyaking kumonsulta sa doktor, at ipaalam sa kanila ang iyong kondisyon. Palaging humingi ng nakaresetang gamot, at huwag mag-self medicate. 

Key Takeaways

Ang urinary incontinence ay maaaring makahadlang sa taong kumilos nang maayos. Maaaring maging mahirap para sa mga taong may ganitong kondisyon na gawin ang kanilang nakagawian tulad ng pagtulog nang maayos dahil nagigising sila upang umihi sa kalagitnaan ng gabi.
Upang maiwasang mangyari o lumala ang hindi mapigilang pag-ihi, ang unang pinakamainam na gawin ay alamin ang sanhi nito. Kung malaman mo na ang sanhi nito, magiging madali na para sa iyo at sa iyong doktor na humanap ng mga paraan upang gumanda ang iyong kondisyon.
Nangangailangan ng panahon ang paggamot sa hindi mapigilang pag-ihi. Kaya naman napakahalagang sundin ang bawat payo ng doktor upang hindi ka na mag-alalang maihi ulit.

Matuto pa tungkol sa Urological Health at Sakit sa Pantog dito.

[embed-health-tool-bmi]

Disclaimer

Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

Types of Urinary Incontinence https://www.health.harvard.edu/bladder-and-bowel/types-of-urinary-incontinence Accessed August 19, 2020

Urinary Incontinence https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/urinary-incontinence/diagnosis-treatment/drc-20352814 Accessed August 19, 2020

Overview: Urinary Incontinence https://www.nhs.uk/conditions/urinary-incontinence/ Accessed August 19, 2020

Urinary Incontinence https://www.womenshealth.gov/a-z-topics/urinary-incontinence Accessed Augusut 19, 2020

What is Urinary Incontinence https://www.urologyhealth.org/urologic-conditions/urinary-incontinence Accessed August 19, 2020

Kasalukuyang Version

07/24/2023

Isinulat ni Daniel de Guzman

Narebyung medikal ni Elfred Landas, MD

In-update ni: Lornalyn Austria


Mga Kaugnay na Post

Paano Makakaiwas Sa Pagkakaroon Ng Cystitis?

Bato Sa Pantog: Mga Sintomas, Sanhi, Gamutan, At Iba Pa


Narebyung medikal ni

Elfred Landas, MD

General Practitioner · Maxicare Primary Care Center


Isinulat ni Daniel de Guzman · a

ad iconadvertisement

Nakatulong ba ang artikulong ito?

ad iconadvertisement
ad iconadvertisement