Marami sa atin ang narinig na ang tungkol sa bato sa pantog, ngunit ilan lamang ba ang nakaaalam kung ano talaga ang mga ito? Ano ang bato sa pantog? Ano ang sanhi nito? At paano ito ginagamot? Narito ang lahat ng impormasyong dapat malaman tungkol sa bato sa pantog.
Ano Ang Bato Sa Pantog?
Ang bato sa pantog ay binubuo ng mineral deposits na nabubuo sa pantog. Karaniwang binubuo ang mga ito ng iba’t ibang mga mineral, lalo na ng calcium.
Kung minsan, ang bato sa pantog ay maaaring lumikha ng bara na nagiging dahilan upang maging mahirap o masakit ang pag-ihi. Maaaring hindi mapansin ng ilan ang anomang mga sintomas kung ang kanilang bato sa pantog ay napakaliit. Gayunpaman, karamihan sa mga tao ay may posibilidad na makaranas ng ilang mga sintomas kung taglay nila ang kondisyong ito.
Kung mapalad ang isang tao, ang bato sa pantog ay maaaring lumabas mula sa katawan nang walang problema. Gayunpaman, ang bato sa pantog ay maaaring manatili sa urethra o walls ng pantog at dahan-dahang makaipon ng higit pang mga kristal, na nagiging sanhi ng paglaki ng mga ito.
Ano Ang Bato Sa Pantog? Mga Sanhi Nito
Nabanggit sa unang bahagi ng artikulo kung ano ang bumubuo sa bato sa pantog — naipong mineral deposits sa pantog. Ngayon, alamin naman ang mga sanhi nito.
Gawa sa mga kemikal at mineral ang ihi. Kung ang mga mineral ay nagiging supersaturated, ang mga ito ay nabubuo bilang mga kristal, na may kasamang protina. Kalaunan ito ay nagiging graba, pagkatapos ay nagiging bato.
Ilan sa mga karaniwang sanhi nito ay kinabibilangan ng mga sumusunod:
- Hindi ganap na pag-ubos sa laman ng pantog kapag umiihi (ang natitirang ihi ay nagiging purong ihi, na nagiging sanhi ng pagiging kristal nito at pamumuo ng bato)
- Paglaki ng prostate gland
- Pamamaga
- Pagkasira ng nerves
- Mga bato sa kidney (mga bato mula sa kidney na lumilipat sa pantog)
- Mga kagamitang medikal (contraceptive devices, mga medikal na catheter, atbp)
Ano Ang Bato Sa Pantog? Mga Sintomas Nito
Kabilang sa mga karaniwang sintomas nito ay ang mga sumusunod:
- Katamtaman hanggang sa matinding pananakit sa ibabang bahagi ng tiyan (ang mga lalaki ay maaaring makaranas ng pananakit sa paligid o sa bahagi ng ari)
- Kahirapan o pananakit kapag umiihi
- Mas madalas na pag-ihi, lalo na sa gabi
- Kulay itim o maulap na ihi
- Dugo sa ihi
Ano Ang Bato Sa Pantog? Paano Ito Ginagamot?
Kung mapalad ang isang tao at malamang mayroon siyang bato sa pantog habang maliit pa ang mga ito, maaaring kailanganin lamang na uminom ng mas maraming tubig upang natural na mailabas ang mga bato. Gayunpaman, kung nakararanas na ng mga sintomas ng bato sa pantog, posibleng kailanganin ng operasyon upang maalis ang mga ito. Sa karamihan ng mga kaso, ang pagkakaranas ng mga sintomas ng bato sa pantog ay nangangahulugang ang mga ito ay masyadong malaki para natural na lumabas ang mga ito mula sa katawan.
Ang Litholapaxy ay isang paraang naghihiwa-hiwalay sa bato sa pantog sa mga mas maliliit na piraso upang makalabas ang mga ito mula sa katawan. Gagawin ito ng doktor sa pamamagitan ng ultrasounds o lasers.
Maaaring kailanganin ng ilan na sumailalim sa aktwal na operasyon upang alisin ang bato sa pantog. Ito ay karaniwang kinakailangan kung ang bato sa pantog ay masyadong malaki upang madurog ng litholapaxy.
Kadalasan, pinipiling paraan ang litholapaxy dahil mayroon itong mas kaunting mga panganib. Ang operasyon ay karaniwang “huling paraan” kung hindi kaya sirain ang mga bato ng ibang mga gamutan.
Ano Ang Bato sa Pantog? Paano Ito Maiiwasan?
Malaki ang posibilidad na magkaroon muli ng bato sa pantog ang taong nagkaroon na nito noon. Kung dati nang nagkaroon ng bato sa pantog, o sa iyong palagay ay may tyansa kang magkaroon nito, maaari subukang pigilan ang pagkakaroon nito sa pamamagitan ng:
- Pagbaba ng concentration ng ihi sa pamamagitan ng pag-inom ng maraming liquid (karaniwan ay 1-2 litro sa isang araw o batay sa mungkahi ng doktor).
- Pagkatapos subukang umihi sa unang pagkakataon, subukang umihi muli pagkatapos ng 10-20 segundo upang ganap na mawalan ng laman ang pantog.
- Laging pumunta sa banyo kung kinakailangang umihi. (Huwag pigilan ito.)
- Iwasan ang pagtitibi.
Sino Ang Mas May Tyansang Magkaroon Nito?
Ang mga kalalakihan ay mas may tyansang magkaroon ng bato sa pantog kaysa sa mga kababaihan. Ito ay dalawang beses na mas karaniwan sa mga lalaki kaysa sa mga babae.
Siyempre, maaaring mapataas ng iba pang mga salik ang tyansa ng pagkakaroon nito. Kabilang dito ang mga sumusunod:
- Pag-inom ng kaunting liquid
- Pag-inom ng calcium supplements
- Labis na pagkain ng mga matatamis, protina ng hayop, at sodium
- Mababang lebel ng dietary calcium
- Pagkain ng kaunting phytate (matatagpuan sa maraming beans at grains)
- Pag-inom ng alak
- Diabetes
- Ilang impeksyon sa ihi
- Coronary artery disease
- Inflammatory bowel disease
- Obesity
- Gout
- Operasyon sa pagpapababa ng timbang
[embed-health-tool-bmi]
Kailan Dapat Komunsulta Sa Doktor?
Kung nakararanas ng alinman sa mga sintomas na nabanggit, mahalagang agad na humingi ng medikal na atensyon. Kung hindi ipagagamot, ang bato sa pantog ay maaaring maging sanhi ng pangalawang impeksyon, gayundin ng iba pang komplikasyon.
Ang pag-alam ng higit pa tungkol sa bato sa pantog ay mahalaga para sa kalusugan. Sa pamamagitan ng tamang kaalaman, maaaring maiiwasan ang pagkakaroon ng kondisyon ito o ang pagsailalim sa malubhang komplikasyon. Ito ay dahil ang pagkakaroon ng bato sa pantog a maiiwasan at magagamot.
Matuto pa tungkol sa sakit sa pantog dito.