Mga Uri ng Renal Failure
Kapag ang mga bato ay hindi kayang linisin at i-filter ang dugo at hinahayaang magkaroon ng dumi sa iyong katawan, ito ay tinatawag na renal failure. Para matuto pa ng kaalaman tungkol sa renal o kidney failure, narito ang ilang katotohanan na kailangan mong matutuhan.
Kung malusog ang iyong mga bato, nililinis nito ang mga dumi sa pamamagitan ng pagsala ng average na 180 litro ng likido bawat araw na lumilikha ng ihi upang alisin ang dumi sa iyong katawan. At nagpapatuloy lamang din ito na alisin ang dumi sa iyong katawan.
Ang malusog na bato rin ay lumilikha ng mga hormone na kumokontrol sa mga pulang selula ng dugo at blood pressure. Bukod pa rito, binabalanse rin nito kung gaano lamang karami ang calcium, potassium, at sodium.
Kapag mayroon kang kidney failure, nangangahulugan iyon na ang iyong mga bato ay hindi gumagana sa paraang nararapat. Gayunpaman, ang “renal failure” ay isang malawak na termino na ginagamit upang masakop ang iba’t ibang mga problema.
Uri ng Kidney Failure
Mayroong dalawang uri ng kidney failure: acute at chronic. Narito ang ilang impormasyon upang matulungan kang matutuhan ang pagkakaiba sa pagitan ng dalawa.
Acute Kidney Failure
Kapag ang iyong mga bato ay biglaang hindi makapagsala ng dumi mula sa iyong dugo, ito ay acute kidney failure. Ang ganitong uri ng kidney failure ay mabilis na nakukuha at kadalasang nangyayari sa mga taong naospital na.
Ito ay madalas na nangangailangan ng masinsinang paggamot at sa ilang mga kaso, ito ay maaaring nakamamatay. Gayunpaman, maaari din itong kabaligtaran, lalo na kung ikaw ay nasa mabuting kalusugan.
Chronic Kidney Failure
Tulad ng nabanggit kanina, ang acute kidney failure ay maaaring mangyari nang mabilis sa loob lamang ng ilang araw. Sa kabilang banda, ang chronic kidney failure ay nagdudulot ng mabagal na pagkawala ng function ng bato.
Maaaring hindi mapansin ng maraming tao ang mga palatandaan ng chronic kidney failure dahil maaari silang maging napakabanayad sa mga unang yugto, hindi katulad ng acute kidney failure. Maaari lamang silang makaranas ng mga halatang sintomas hanggang sa mapinsala nang husto ang mga bato.
Ang 48% ng mga tao na nabawasan ang paggana ng bato habang wala sa dialysis ay hindi man lang napagtanto na mayroon silang chronic kidney failure.
Mga Palatandaan at Sintomas
May mga pagkakataon na ang isang tao ay maaaring magkaroon ng kaunti o walang sintomas ng kidney failure, lalo na kung ito ay nasa maagang yugto ng kidney failure.
Maaaring mahirap matukoy dahil napakabanayad ng mga ito sa mga unang yugto. Narito ang ilang halimbawa ng mga unang sintomas na maaari mong mapansin:
- Kinakapos na paghinga
- Pamamaga ng mga limbs mula sa pagpapanatili ng likido
- Nabawasan ang ihi
Maaaring kabilang sa iba pang mga posibleng sintomas ng renal failure ang mga sumusunod.
- Mga seizure
- Presyon o pananakit sa dibdib
- Coma
- Pagkalito
- Patuloy na pagduduwal
- Labis na pagkapagod o pagkaantok
Ang mga sintomas na maaari mong maranasan ay maaaring iba depende sa kung anong uri ng kidney failure ang mayroon ka.
Mga Sanhi
Gaya ng nabanggit kanina, ang renal failure ay isang malawak na termino.
Ang kidney failure ay maaaring umunlad mula sa ilang mga sanhi o kondisyon at ang sanhi ay kadalasang tumutukoy kung anong uri ng kidney failure ito.
Ang mga sumusunod na problema ay maaaring maging sanhi ng renal failure:
- May humaharang na scar tissue o bato sa bato sa iyong kidney
- Ang mga sakit tulad ng polycystic kidney disease, glomerulonephritis, mataas na presyon ng dugo, at mataas na asukal sa dugo/diabetes ay nakasisira ng iyong mga bato
- Pagkawala ng daloy ng dugo sa bato sanhi ng matinding impeksyon, sakit sa puso, dehydration, allergic reactions, matinding pagkasunog, atbp.
- Namuong dugo sa paligid o sa mga bato
- Alak at droga
- Ilang mga antibiotic
- Mga gamot sa chemotherapy
- Hemolytic uremic syndrome
- Lupus
- Vasculitis
- Overload ng toxins na nagmumula sa mabibigat na metal
Mga Komplikasyon sa Kidney Failure
Maaari kang makaranas ng mga komplikasyon kung mayroon kang kidney failure, lalo na kung hindi ito ginagamot. Maaaring kabilang sa mga sumusunod na komplikasyon ang:
- Permanenteng pinsala sa bato (kung mayroon kang end-stage na chronic kidney failure, ito ay hindi na mababawi)
- Panghihina ng kalamnan
- Sakit sa dibdib
- Pag-ipon ng likido
- Anemia
- Mas mahinang immune system
- Mga komplikasyon sa pagbubuntis
- Mas mahinang mga buto
Diagnosis at Panggamot
Ang isang pagsusuri sa dugo na kilala sa tawag na creatinine level test ay isang karaniwang paraan upang masuri ang paggana ng bato.
Kung mayroong mataas na lebel ng creatinine sa iyong dugo, nangangahulugan iyon na ang iyong mga bato ay maaaring hindi gumagana ng maayos. Ang resultang ito ay maaaring magpahiwatig ng renal failure bago pa man magkaroon ng mga sintomas ang isang pasyente.
Ang iyong doktor ay maaari ring magsagawa ng mga pagsusuri sa ihi at imaging.
Sa ilang mga kaso, maaaring kailanganin ng iyong doktor na kumuha ng sample ng tissue ng iyong bato upang masuri ito.
Paano Ginagamot ang Renal Failure?
Ang paggamot sa kidney failure ay iba-iba batay sa kung ano ang sanhi ng iyong kidney failure.
Mas madalas, ang isang doktor ay maaaring magreseta ng mga gamot upang gamutin ang anumang mga komplikasyon o malalang kondisyon na maaaring mayroon ka.
Maaaring kailanganin ang dialysis kung ang iyong mga bato ay hindi na gumana nang maayos, na karaniwang kailangan para sa mga taong may end-stage na chronic kidney failure.
Gayunpaman, ang mga taong may acute kidney failure ay maaaring makakuha ng dialysis kung kailangan nilang alisin ang mga lason sa kanilang katawan habang gumagaling ang kanilang mga bato.
Sa mas malubhang mga kaso, maaaring kailanganin mo ng higit pa upang gamutin ang iyong renal failure. Halimbawa, maaaring kailanganin na magpa-kidney transplant at uminom ng mga gamot sa natitirang bahagi ng kanilang buhay, upang hindi tanggihan ng kanilang katawan ang bato.
Kailan Dapat Kumonsulta sa Doktor
Kung makaranas ka ng alinman sa mga sintomas na nakalista sa itaas, makabubuting magpatingin kaagad sa doktor.
Ang pag-iwas sa renal failure bago ito mangyari o gamutin ito sa mga unang yugto ay maaaring makatulong nang malaki upang maiwasan ang mga malubhang komplikasyon.
Maiiwasan Mo ba ang Renal Failure?
Bagama’t mahirap pigilan o malaman ang renal failure —lalo na, ang acute renal failure—may ilang bagay na maaari mong tandaan upang maiwasang magkaroon nito.
Maaaring kabilang sa mga sumusunod ang:
- Pagkakaroon ng malusog na pamumuhay
- Regular na kumonsulta sa doktor upang mabantayan ang bato at mga chronic na kondisyon
- Kumonsulta sa doktor bago uminom ng over-the-counter na gamot
- Huminto sa paninigarilyo